Kabanata 1

1 Ang mga kawikaan ni Salomon na anak ni David na hari sa Israel:
2 Upang umalam ng karunungan at turo; upang bulayin ang mga salita ng pagkaunawa;
3 Upang tumanggap ng turo sa pantas na paguugali, sa katuwiran, at kahatulan, at karampatan;
4 Upang magbigay ng katalinuhan sa musmos. Kaalaman at pagbubulay sa kabataan:
5 Upang marinig ng pantas, at lumago sa ikatututo: at upang tamuhin ng taong may unawa ang magagaling na payo:
6 Upang umunawa ng kawikaan at ng kahulugan; ng mga salita ng pantas, at ng kanilang malalabong sabi.
7 Ang takot sa Panginoon ay pasimula ng kaalaman: nguni't ang mangmang ay humahamak sa karunungan at turo.
8 Anak ko, dinggin mo ang turo ng iyong ama, at huwag mong pabayaan ang kautusan ng iyong ina:
9 Sapagka't sila'y magiging tali ng biyaya sa iyong ulo, at mga kuwintas sa ligid ng iyong leeg.
10 Anak ko, kung ikaw ay hikayatin ng mga makasalanan, huwag mong tulutan.
11 Kung kanilang sabihin, sumama ka sa amin, tayo'y magsibakay sa pagbububo ng dugo, tayo'y mangagkubli ng silo na walang anomang kadahilanan sa walang sala;
12 Sila'y lamunin nating buhay na gaya ng Sheol. At buo, na gaya ng nagsibaba sa lungaw;
13 Tayo'y makakasumpong ng lahat na mahalagang pag-aari, ating pupunuin ang ating mga bahay ng samsam;
14 Ikaw ay makikipagsapalaran sa gitna namin; magkakaroon tayong lahat ng isang supot:
15 Anak ko, huwag kang lumakad sa daan na kasama nila; pigilin mo ang iyong paa sa kanilang landas:
16 Sapagka't ang kanilang mga paa ay nagsisitakbo sa kasamaan, at sila'y nangagmamadali sa pagbububo ng dugo.
17 Sapagka't walang kabuluhang naladlad ang silo, sa paningin ng alin mang ibon:
18 At binabakayan ng mga ito ang kanilang sariling dugo, kanilang ipinagkukubli ng silo ang kanilang sariling mga buhay.
19 Ganyan ang mga lakad ng bawa't sakim sa pakinabang; na nagaalis ng buhay ng mga may-ari niyaon.
20 Karunungan ay humihiyaw na malakas sa lansangan; kaniyang inilalakas ang kaniyang tinig sa mga luwal na dako;
21 Siya'y humihiyaw sa mga pangulong dako na pinaglilipunan; sa pasukan ng mga pintuang-bayan, sa bayan, kaniyang binibigkas ang kaniyang mga salita:
22 Hanggang kailan kayong mga musmos, magsisiibig sa inyong kamusmusan? At ang mga nanunuya ay maliligaya sa panunuya, at ang mga mangmang ay mangagtatanim sa kaalaman?
23 Magsibalik kayo sa aking saway: narito, aking ibubuhos ang aking espiritu sa inyo.
24 Sapagka't ako'y tumawag, at kayo'y tumanggi: aking iniunat ang aking kamay, at walang makinig;
25 Kundi inyong iniuwi sa wala ang buo kong payo, at hindi ninyo inibig ang aking saway:
26 Ako naman ay tatawa sa kaarawan ng inyong kasakunaan: ako'y manunuya pagka ang inyong takot ay dumarating;
27 Pagka ang iyong takot ay dumarating na parang bagyo. At ang inyong kasakunaan ay dumarating na parang ipoipo; pagka ang hirap at hapis ay dumating sa inyo.
28 Kung magkagayo'y tatawag sila sa akin, nguni't hindi ako sasagot; hahanapin nila akong masikap, nguni't hindi nila ako masusumpungan:
29 Sapagka't kanilang ipinagtanim ang kaalaman, at hindi pinili ang takot sa Panginoon.
30 Ayaw sila ng aking payo; kanilang hinamak ang buo kong pagsaway:
31 Kaya't sila'y magsisikain ng bunga ng kanilang sariling lakad, at mabubusog ng kanilang sariling mga kagagawan.
32 Sapagka't papatayin sila ng pagtalikod ng musmos, at ang pagkawalang balisa ng mga mangmang ay ang sisira sa kanila.
33 Nguni't ang nakikinig sa akin ay tatahang tiwasay. At tatahimik na walang takot sa kasamaan.




Kabanata 2

1 Anak ko, kung iyong tatanggapin ang aking mga salita, at tataglayin mo ang aking mga utos;
2 Na anopa't iyong ikikiling ang iyong pakinig sa karunungan, at ihihilig mo ang iyong puso sa pagunawa;
3 Oo, kung ikaw ay dadaing ng pagbubulay, at itataas mo ang iyong tinig sa pagunawa;
4 Kung iyong hahanapin siya na parang pilak, at sasaliksikin mo siyang parang kayamanang natatago.
5 Kung magkagayo'y iyong mauunawa ang pagkatakot sa Panginoon, at masusumpungan mo ang kaalaman ng Dios.
6 Sapagka't ang Panginoon ay nagbibigay ng karunungan, sa kaniyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan:
7 Kaniyang pinapagtataglay ang matuwid ng magaling na karunungan, siya'y kalasag sa nagsisilakad sa pagtatapat;
8 Upang kaniyang mabantayan ang mga landas ng kahatulan, at maingatan ang daan ng kaniyang mga banal.
9 Kung magkagayo'y mauunawa mo ang katuwiran at ang kahatulan, at ang karampatan, oo, bawa't mabuting landas.
10 Sapagka't karunungan ay papasok sa iyong puso, at kaalaman ay magiging ligaya sa iyong kaluluwa;
11 Kabaitan ay magbabantay sa iyo, pagkaunawa ay magiingat sa iyo:
12 Upang iligtas ka sa daan ng kasamaan, sa mga taong nagsisipagsalita ng mga masamang bagay;
13 Na nagpapabaya ng mga landas ng katuwiran, upang magsilakad sa mga daan ng kadiliman;
14 Na nangagagalak na magsigawa ng kasamaan, at nangaaaliw sa mga karayaan ng kasamaan,
15 Na mga liko sa kanilang mga lakad, at mga suwail sa kanilang mga landas:
16 Upang iligtas ka sa masamang babae, sa makatuwid baga'y sa di kilala na nanghahalina ng kaniyang mga salita;
17 Na nagpapabaya sa kaibigan ng kaniyang kabataan, at lumilimot ng tipan ng kaniyang Dios:
18 Sapagka't ang kaniyang bahay ay kumikiling sa kamatayan, at ang kaniyang mga landas na sa patay:
19 Walang naparoroon sa kaniya na bumabalik uli, ni kanila mang tinatamo ang mga landas ng buhay:
20 Upang ikaw ay makalakad ng lakad ng mabubuting tao, at maingatan ang mga landas ng matuwid.
21 Sapagka't ang matuwid ay tatahan sa lupain, at ang sakdal ay mamamalagi roon.
22 Nguni't ang masama ay mahihiwalay sa lupain, at silang nagsisigawang may karayaan ay mangabubunot.




Kabanata 3

1 Anak ko, huwag mong kalimutan ang aking kautusan; kundi ingatan ng iyong puso ang aking mga utos:
2 Sapagka't karamihan ng mga araw, at mga taon ng buhay, at kapayapaan, ay madadagdag sa iyo.
3 Huwag kang pabayaan ng kaawaan at katotohanan: itali mo sa palibot ng iyong leeg; ikintal mo sa iyong puso:
4 Sa gayo'y makakasumpong ka ng lingap at mabuting kaunawaan, sa paningin ng Dios at ng tao.
5 Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan:
6 Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas.
7 Huwag kang magpakapantas sa iyong sariling mga mata; matakot ka sa Panginoon, at humiwalay ka sa kasamaan:
8 Magiging kagalingan sa iyong pusod, at utak sa iyong mga buto.
9 Parangalin mo ang Panginoon ng iyong tinatangkilik, at ng mga unang bunga ng lahat mong ani:
10 Sa gayo'y mapupuno ang iyong mga kamalig ng sagana, at ang iyong mga alilisan ay aapawan ng bagong alak.
11 Anak ko, huwag mong hamakin ang parusa ng Panginoon; ni mayamot man sa kaniyang saway:
12 Sapagka't sinasaway ng Panginoon ang kaniyang iniibig: gaya ng ama sa anak na kaniyang kinaluluguran.
13 Mapalad ang tao na nakakasumpong ng karunungan, at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan.
14 Sapagka't ang kalakal niya ay maigi kay sa kalakal na pilak, at ang pakinabang niyaon kay sa dalisay na ginto.
15 Mahalaga nga kay sa mga rubi; at wala sa mga bagay na mananasa mo sa maihahalintulad sa kaniya,
16 Karamihan ng mga araw ay nasa kanang kamay niya, sa kaniyang kaliwang kamay ay mga kayamanan at karangalan.
17 Ang kaniyang mga daan ay mga daan ng kaligayahan, at lahat niyang mga landas ay kapayapaan.
18 Siya ay punong kahoy ng buhay sa mga nanghahawak sa kaniya: at mapalad ang bawa't isa na nangamamalagi sa kaniya.
19 Nilikha ng Panginoon ang lupa sa pamamagitan ng karunungan; itinatag niya ang langit sa pamamagitan ng kaunawaan.
20 Sa kaniyang kaalaman ay nabahagi ang mga kalaliman, at ang mga alapaap ay nagsipatak ng hamog.
21 Anak ko, huwag silang mangahiwalay sa iyong mga mata; ingatan mo ang magaling na karunungan at ang kabaitan;
22 Sa gayo'y magiging buhay sila sa iyong kaluluwa, at biyaya sa iyong leeg.
23 Kung magkagayo'y lalakad ka ng iyong lakad na tiwasay, at ang iyong paa ay hindi matitisod.
24 Pagka ikaw ay nahihiga, hindi ka matatakot: Oo, ikaw ay mahihiga at ang iyong tulog ay magiging mahimbing.
25 Huwag kang matakot ng biglang pagkatakot, ni sa pagkabuwal man ng masama, pagka dumarating:
26 Sapagka't ang Panginoon ay magiging iyong pagtitiwala, at iingatan ang iyong paa sa pagkahuli.
27 Huwag mong ikait ang mabuti sa kinauukulan, pagka nasa kapangyarihan ng iyong kamay na ito'y gawin.
28 Huwag mong sabihin sa iyong kapuwa, Yumaon ka, at bumalik uli, at bukas ay magbibigay ako; pagka ikaw ay mayroon.
29 Huwag kang kumatha ng kasamaan laban sa iyong kapuwa, na palibhasa't tumatahang tiwasay sa siping mo.
30 Huwag kang makipagusapin sa kanino man ng walang kadahilanan, kung hindi siya gumawa ng kasamaan sa iyo.
31 Huwag kang managhili sa taong marahas, at huwag kang pumili ng anoman sa kaniyang mga lakad.
32 Sapagka't ang suwail ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang kaniyang payo ay kasama ng matuwid.
33 Ang sumpa ng Panginoon ay nasa bahay ng masama; nguni't pinagpapala niya ang tahanan ng matuwid.
34 Tunay na kaniyang dinuduwahagi ang mga mangduduwahagi, nguni't binibigyan niya ng biyaya ang mababa.
35 Ang pantas ay magmamana ng kaluwalhatian; nguni't kahihiyan ay magiging ganti sa mga mangmang.




Kabanata 4

1 Dinggin ninyo, mga anak ko, ang turo ng ama, at makinig kayo upang matuto ng kaunawaan:
2 Sapagka't bibigyan ko kayo ng mabuting aral; huwag ninyong bayaan ang aking kautusan.
3 Sapagka't ako'y anak sa aking ama, malumanay at bugtong sa paningin ng aking ina.
4 At tinuruan niya ako, at nagsabi sa akin: Pigilan ng iyong puso ang aking mga salita; ingatan mo ang aking mga utos, at mabuhay ka:
5 Magtamo ka ng karunungan, magtamo ka ng kaunawaan; huwag mong kalimutan, ni humiwalay man sa mga salita ng aking bibig:
6 Huwag mo siyang pabayaan at iingatan ka niya; ibigin mo siya at iingatan ka niya.
7 Karunungan ay pinaka pangulong bagay; kaya't kunin mo ang karunungan: Oo, sa lahat mong kukunin ay kunin mo ang unawa.
8 Iyong ibunyi siya, at kaniyang itataas ka: kaniyang dadalhin ka sa karangalan, pagka iyong niyakap siya.
9 Siya'y magbibigay sa iyong ulo ng pugong na biyaya: isang putong ng kagandahan ay kaniyang ibibigay sa iyo.
10 Dinggin mo, Oh anak ko, at iyong tanggapin ang aking mga sinasabi; at ang mga taon ng iyong buhay ay magiging marami.
11 Aking itinuro ka sa daan ng karunungan; aking pinatnubayan ka sa landas ng katuwiran.
12 Pagka ikaw ay yumayaon hindi magigipit ang iyong mga hakbang; at kung ikaw ay tumatakbo, hindi ka matitisod.
13 Hawakan mong mahigpit ang turo; huwag mong bitawan: iyong ingatan; sapagka't siya'y iyong buhay.
14 Huwag kang pumasok sa landas ng masama, at huwag kang lumakad ng lakad ng mga masasamang tao.
15 Ilagan mo, huwag mong daanan; likuan mo, at magpatuloy ka.
16 Sapagka't hindi sila nangatutulog, malibang sila'y nakagawa ng kasamaan; at ang kanilang tulog ay napapawi, malibang sila'y makapagpabuwal.
17 Sapagka't sila'y nagsisikain ng tinapay ng kasamaan, at nagsisiinom ng alak ng karahasan.
18 Nguni't ang landas ng matuwid ay parang maliyab na liwanag, na sumisilang ng higit at higit sa sakdal na araw.
19 Ang lakad ng masama ay parang kadiliman: Hindi nila nalalaman kung ano ang kanilang kinatitisuran.
20 Anak ko, makinig ka sa aking mga salita; ikiling mo ang iyong pakinig sa aking mga sabi.
21 Huwag mangahiwalay sa iyong mga mata; Ingatan mo sa kaibuturan ng iyong puso.
22 Sapagka't buhay sa nangakakasumpong, at kagalingan sa buo nilang katawan.
23 Ingatan mo ang iyong puso ng buong sikap; sapagka't dinadaluyan ng buhay,
24 Ihiwalay mo sa iyo ang masamang bibig, at ang mga suwail na labi ay ilayo mo sa iyo.
25 Tuminging matuwid ang iyong mga mata, at ang iyong mga talukap-mata ay tuminging matuwid sa harap mo.
26 Papanatagin mo ang landas ng iyong mga paa, at mangatatag ang lahat ng iyong lakad.
27 Huwag kang lumiko sa kanan o sa kaliwa man: ihiwalay mo ang iyong paa sa kasamaan.




Kabanata 5

1 Anak ko, pakinggan mo ang aking karunungan; ikiling mo ang iyong pakinig sa aking unawa:
2 Upang makapagingat ka ng kabaitan, at upang ang iyong mga labi ay makapagingat ng kaalaman.
3 Sapagka't ang mga labi ng masamang babae ay tumutulo ng pulot, at ang kaniyang bibig ay madulas kay sa langis:
4 Nguni't ang kaniyang huling wakas ay mapait kay sa ahenho, matalas na parang tabak na may talim sa magkabila.
5 Ang kaniyang mga paa ay nagsisibaba sa kamatayan; ang kaniyang mga hakbang ay nagsisihawak sa Sheol;
6 Na anopa't hindi niya nasusumpungan ang kapanatagan ng landas ng buhay; ang kaniyang mga lakad ay hindi panatag, at hindi niya nalalaman.
7 Ngayon nga, mga anak ko, dinggin ninyo ako, at huwag kayong magsihiwalay sa mga salita ng aking bibig.
8 Ilayo mo ang iyong lakad sa kaniya, at huwag kang lumapit sa pintuan ng kaniyang bahay:
9 Baka mo ibigay ang iyong karangalan sa iba, at ang iyong mga taon sa mga mabagsik:
10 Baka ang mga di kilalang babae ay mapuno ng iyong kalakasan; at ang iyong mga pinagpagalan ay mapasa bahay ng kaapid;
11 At ikaw ay manangis sa iyong huling wakas, pagka ang iyong laman at ang iyong katawan ay natunaw,
12 At iyong sabihin, bakit ko kinayamutan ang turo, at hinamak ng aking puso ang saway:
13 Ni hindi ko man sinunod ang tinig ng aking mga tagapagturo, O ikiling ko man ang aking pakinig sa kanila na mga nagturo sa akin!
14 Ako'y malapit sa lahat ng kasamaan sa gitna ng kapisanan at ng kapulungan.
15 Uminom ka ng tubig sa iyong sariling tipunan ng tubig, at sa nagsisiagos na tubig sa iyong sariling balon.
16 Mananabog ba ang iyong mga bukal sa kaluwangan, at mga agos ng tubig sa mga lansangan?
17 Maging iyong magisa, at huwag sa di kilala na kasama mo.
18 Pagpalain ang iyong bukal; at magalak ka sa asawa ng iyong kabataan.
19 Gaya ng maibiging usa at ng masayang usang babae, bigyan kang katiwasayan ng kaniyang dibdib sa buong panahon; at laging malugod ka sa kaniyang pagibig.
20 Sapagka't bakit ka malulugod, anak ko, sa ibang babae, at yayakap sa sinapupunan ng di kilala?
21 Sapagka't ang mga lakad ng tao ay nasa harap ng mga mata ng Panginoon, at kaniyang pinapatag ang lahat niyang mga landas.
22 Ang sarili niyang mga kasamaan ay kukuha sa masama. At siya'y matatalian ng mga panali ng kaniyang kasalanan.
23 Siya'y mamamatay sa kakulangan ng turo; at sa kadahilanan ng kaniyang pagkaulol ay maliligaw siya.




Kabanata 6

1 Anak ko, kung ikaw ay naging mananagot sa iyong kapuwa, kung iyong ikinamay ang iyong kamay sa di kilala,
2 Ikaw ay nasilo ng mga salita ng iyong bibig, ikaw ay nahuli ng mga salita ng iyong bibig.
3 Gawin mo ito ngayon, anak ko, at lumigtas ka, yamang ikaw ay nahulog sa kamay ng iyong kapuwa: yumaon ka, magpakababa ka, at mangayupapa ka sa iyong kapuwa.
4 Huwag mong bigyan ng tulog ang iyong mga mata. O magpaidlip man sa iyong mga talukap-mata.
5 Lumigtas ka na parang usa sa kamay ng mangangaso, at parang ibon sa kamay ng mamimitag.
6 Pumaroon ka sa langgam, ikaw na tamad; masdan mo ang kaniyang mga lakad at magpakapantas ka:
7 Na bagaman walang pangulo, tagapamahala, o pinuno,
8 Naghahanda ng kaniyang pagkain sa taginit, at pinipisan ang kaniyang pagkain sa pagaani.
9 Hanggang kailan matutulog ka, Oh tamad? Kailan ka babangon sa iyong pagkakatulog?
10 Kaunti pang pagkakatulog, kaunti pang pagkaidlip, kaunti pang paghahalukipkip ng mga kamay upang matulog:
11 Sa gayo'y ang iyong karalitaan ay darating na parang magnanakaw, at ang iyong kasalatan na parang lalaking may sandata.
12 Taong walang kabuluhan, taong masama, ay siya na lumalakad na may masamang bibig;
13 Na kumikindat ng kaniyang mga mata, na nagsasalita ng kaniyang mga paa, na nagsasalita ng kaniyang mga daliri;
14 Pagdaraya ay nasa kaniyang puso, siya'y laging kumakatha ng kasamaan; siya'y naghahasik ng pagtatalo.
15 Kaya't darating na bigla ang kaniyang kasakunaan; sa kabiglaanan ay mababasag siya, at walang kagamutan.
16 May anim na bagay na ipinagtatanim ng Panginoon; Oo, pito na mga kasuklamsuklam sa kaniya:
17 Mga palalong mata, sinungaling na dila, at mga kamay na nagbububo ng walang salang dugo;
18 Puso na kumakatha ng mga masamang akala, mga paa na matulin sa pagtakbo sa kasamaan;
19 Sinungaling na saksi na nagsasalita ng kabulaanan, at ang naghahasik ng pagtatalo sa gitna ng magkakapatid.
20 Anak ko, ingatan mo ang utos ng iyong ama, at huwag mong kalimutan ang kautusan ng iyong ina:
21 Ikintal mong lagi sa iyong puso, itali mo sa iyong leeg.
22 Pagka ikaw ay lumalakad, papatnubay sa iyo; pagka ikaw ay natutulog, babantay sa iyo; at pagka ikaw ay gumigising, makikipagusap sa iyo.
23 Sapagka't ang utos ay tanglaw; at ang kautusan ay liwanag; at ang mga saway na turo ay daan ng buhay:
24 Upang ingatan ka sa masamang babae, Sa tabil ng dila ng di kilala.
25 Huwag mong pitahin ang kaniyang kagandahan sa iyong puso; at huwag ka mang hulihin niya ng kaniyang mga talukap-mata.
26 Sapagka't dahil sa isang masamang babae ay walang naiiwan sa lalake kundi isang putol na tinapay: at hinuhuli ng mangangalunya ang mahalagang buhay.
27 Makakukuha ba ng apoy ang tao sa kaniyang sinapupunan, at hindi masusunog ang kaniyang mga suot?
28 O makalalakad ba ang sinoman sa mga mainit na baga, at ang kaniyang mga paa ay hindi mapapaso?
29 Gayon ang sumisiping sa asawa ng kaniyang kapuwa; sinomang humipo ay hindi maaaring di parusahan.
30 Hindi hinahamak ng mga tao ang magnanakaw kung siya'y nagnanakaw, upang busugin siya pagka siya'y gutom:
31 Nguni't kung siya'y masumpungan, isasauli niyang makapito; kaniyang ibibigay ang lahat na laman ng kaniyang bahay.
32 Siyang nagkakamit ng pangangalunya sa isang babae ay walang bait: ang gumagawa niyaon ay nagpapahamak sa kaniyang sariling kaluluwa.
33 Mga sugat at kasiraang puri ang tatamuhin niya; at ang kaniyang kapintasan ay hindi mapapawi.
34 Sapagka't ang paninibugho ay pagiinit ng tao; at hindi siya magpapatawad sa kaarawan ng panghihiganti.
35 Hindi niya pakukundanganan ang anomang tubos; ni magpapahinga man siyang tuwa, bagaman ikaw ay magbigay ng maraming suhol.




Kabanata 7

1 Anak ko ingatan mo ang aking mga salita, at impukin mo sa iyo ang aking mga utos.
2 Ingatan mo ang aking mga utos at mabuhay ka; at ang aking kautusan na parang itim ng iyong mata.
3 Itali mo sa iyong mga daliri; ikintal mo sa iyong puso.
4 Sabihin mo sa karunungan, Ikaw ay aking kapatid na babae; at tawagin mong iyong kamaganak na babae ang unawa:
5 Upang kanilang maingatan ka sa babaing masama; sa babaing di kilala na nagtatabil ng kaniyang mga salita.
6 Sapagka't sa dungawan ng aking bahay tumitingin ako sa aking solihia;
7 At ako'y tumingin sa mga musmos, ako'y nagmasid sa mga may kabataan, sa may kabataang walang bait,
8 Na dumaraan sa lansangan na malapit sa kaniyang sulok, at siya'y yumaon sa daan na patungo sa kaniyang bahay;
9 Sa pagtatakip silim, sa kinagabihan ng araw, sa kalahatian ng gabi, at sa kadiliman.
10 At, narito, doo'y nasalubong niya ang isang babae na nakagayak ng tila isang patutot, at tuso sa puso.
11 Siya'y madaldal at matigas ang ulo; ang kaniyang mga paa ay hindi nagsisitahan sa kaniyang bahay:
12 Ngayo'y nasa mga lansangan siya, mamaya'y nasa mga luwal na dako siya, at nagaabang sa bawa't sulok,
13 Sa gayo'y hinahawakan niya siya at hinahagkan siya, at may mukhang walang hiya na nagsasabi siya sa kaniya:
14 Mga hain na mga handog tungkol sa kapayapaan ay sa akin; sa araw na ito ay tinupad ko ang aking mga panata.
15 Kaya't lumabas ako upang salubungin ka, hinanap kong masikap ang iyong mukha, at nasumpungan kita.
16 Aking inilatag ang aking higaan na may mga coltsong may burda, na yari sa guhitguhit na kayong lana sa Egipto.
17 At aking pinabanguhan ang aking higaan ng mira, mga oleo, at sinamomo.
18 Parito ka, tayo'y magpakasiya sa pagsisintahan hanggang sa kinaumagahan; magpakasaya tayo sa mga pagsisintahan.
19 Sapagka't ang lalake ay wala sa bahay, siya'y naglakbay sa malayo:
20 Siya'y nagdala ng supot ng salapi; siya'y uuwi sa bahay sa kabilugan ng buwan.
21 Kaniyang pinasusuko siya ng karamihan ng kaniyang mga matamis na salita, hinihila niya siya ng katabilan ng kaniyang mga labi.
22 Pagdaka ay sumusunod siya sa kaniya, gaya ng toro na naparoroon sa patayan, O gaya ng sa mga tanikala sa sawayan sa mangmang;
23 Hanggang sa lagpasan ng isang palaso ang kaniyang atay; gaya ng ibong nagmamadali sa bitag, at hindi nakakaalam na yao'y sa kaniyang buhay.
24 Ngayon nga, mga anak ko, dinggin ninyo ako, at makinig kayo ng mga salita ng aking bibig.
25 Huwag humilig ang iyong puso sa kaniyang mga lakad, huwag kang lumiko sa kaniyang mga landas.
26 Sapagka't kaniyang inihiga ang maraming may sugat: Oo, lahat niyang pinatay ay isang makapangyarihang hukbo.
27 Ang kaniyang bahay ay daang patungo sa Sheol. Pababa sa mga silid ng kamatayan.




Kabanata 8

1 Hindi ba umiiyak ang karunungan, at inilalabas ng unawa ang kaniyang tinig?
2 Sa taluktok ng mga mataas na dako sa tabi ng daan, sa mga salubungang landas, siya'y tumatayo;
3 Sa tabi ng mga pintuang-bayan sa pasukan ng bayan, sa pasukan sa mga pintuan siya'y humihiyaw ng malakas:
4 Sa inyo, Oh mga lalake, ako'y tumatawag; at ang aking tinig ay sa mga anak ng mga tao.
5 Oh kayong mga musmos, magsiunawa kayo ng katalinuhan; at, kayong mga mangmang, makaunawa kayo sa puso.
6 Kayo'y mangakinig, sapagka't magsasalita ako ng mga marilag na bagay; at ang buka ng aking mga labi ay magiging mga matuwid na bagay,
7 Sapagka't ang aking bibig ay sasambit ng katotohanan; at kasamaan ay karumaldumal sa aking mga labi.
8 Lahat ng mga salita ng aking bibig ay sa katuwiran; walang bagay na liko o suwail sa kanila.
9 Pawang malilinaw sa kaniya na nakakaunawa, at matuwid sa kanila na nangakakasumpong ng kaalaman.
10 Tanggapin mo ang aking turo at huwag pilak; at ang kaalaman na higit kay sa dalisay na ginto.
11 Sapagka't ang karunungan ay maigi kay sa mga rubi; at lahat ng mga bagay na mananasa ay hindi maitutulad sa kaniya.
12 Akong karunungan ay tumatahan sa kabaitan, at aking nasusumpungan ang kaalaman at gunita.
13 Ang pagkatakot sa Panginoon ay ipagtanim ang kasamaan; Kapalaluan, at kahambugan at masamang lakad, at ang masamang bibig ay aking ipinagtatanim.
14 Payo ay akin at magaling na kaalaman: ako'y kaunawaan; ako'y may kapangyarihan,
15 Sa pamamagitan ko ay naghahari ang mga hari, at nagpapasiya ng kaganapan ang mga pangulo.
16 Sa pamamagitan ko ay nagpupuno ang mga pangulo, at ang mga mahal na tao, sa makatuwid baga'y lahat ng mga hukom sa lupa.
17 Aking iniibig sila na nagsisiibig sa akin; at yaong nagsisihanap na masikap sa akin ay masusumpungan ako.
18 Mga kayamanan at karangalan ay nasa akin; Oo, lumalaging mga kayamanan at katuwiran.
19 Ang bunga ko ay maigi kay sa ginto, oo, kay sa dalisay na ginto; at ang pakinabang sa akin kay sa piling pilak.
20 Ako'y lumalakad sa daan ng katuwiran, sa gitna ng mga landas ng kahatulan:
21 Upang aking papagmanahin ng pag-aari yaong nagsisiibig sa akin, at upang aking mapuno ang kanilang ingatang-yaman.
22 Inari ako ng Panginoon sa pasimula ng kaniyang lakad, bago pinasimulan ang kaniyang mga gawa ng una.
23 Ako'y nalagay mula noong araw mula ng walang pasimula, bago nalikha ang lupa.
24 Ako'y nailabas ng wala pang mga kalaliman; nang wala pang mga bukal na sagana ng tubig.
25 Bago ang mga bundok ay nalagay, bago ang mga burol ay ako'y nailabas:
26 Samantalang hindi pa niya nililikha ang lupa, ni ang mga parang man, ni ang pasimula man ng alabok ng sanglibutan.
27 Nang kaniyang itatag ang langit nandoon ako: nang siya'y maglagay ng balantok sa balat ng kalaliman:
28 Nang kaniyang pagtibayin ang langit sa itaas: nang maging matibay ang mga bukal ng kalaliman:
29 Nang bigyan niya ang dagat ng kaniyang hangganan, upang huwag salangsangin ng tubig ang kaniyang utos: nang kaniyang iayos ang mga patibayan ng lupa:
30 Nasa siping nga niya ako na gaya ng matalinong manggagawa: at ako ang kaniyang ligaya sa araw-araw, na nagagalak na lagi sa harap niya;
31 Na nagagalak sa kaniyang tinatahanang lupa; at ang aking kaaliwan ay sa mga anak ng mga tao.
32 Ngayon nga, mga anak ko, dinggin ninyo ako: sapagka't mapalad ang nangagiingat ng aking mga daan.
33 Mangakinig kayo ng turo, at kayo'y magpakapantas, at huwag ninyong tanggihan.
34 Mapalad ang tao na nakikinig sa akin, na nagbabantay araw-araw sa aking mga pintuang-bayan, na naghihintay sa mga haligi ng aking mga pintuan.
35 Sapagka't sinomang nakakasumpong sa akin, ay nakakasumpong ng buhay. At magtatamo ng lingap ng Panginoon.
36 Nguni't siyang nagkakasala laban sa akin ay nagliligaw ng kaniyang sariling kaluluwa; silang lahat na nangagtatanim sa akin ay nagsisiibig ng kamatayan.




Kabanata 9

1 Itinayo ng karunungan ang kaniyang bahay, kaniyang tinabas ang kaniyang pitong haligi:
2 Pinatay niya ang kaniyang mga hayop: hinaluan niya ang kaniyang alak; kaniya namang ginayakan ang kaniyang dulang.
3 Kaniya namang sinugo ang kaniyang mga alilang babae; siya'y sumisigaw sa mga pinakapantas na dako sa bayan:
4 Kung sinoma'y musmos, pumasok dito: tungkol sa kaniya na mapurol sa pagunawa, sinasabi niya sa kaniya:
5 Kayo'y magsiparito, magsikain kayo ng aking tinapay, at magsiinom kayo ng alak na aking hinaluan.
6 Iwan ninyo, ninyong mga musmos at kayo'y mabuhay; at kayo'y magsilakad sa daan ng kaunawaan.
7 Siyang sumasaway sa manglilibak ay nagtataglay ng kahihiyan sa kaniyang sarili: at siyang sumasaway sa masama ay nagtataglay ng pula sa kaniyang sarili.
8 Huwag mong sawayin ang manglilibak, baka ipagtanim ka niya: sawayin mo ang pantas, at kaniyang iibigin ka.
9 Turuan mo ang pantas, at siya'y magiging lalong pantas pa: iyong turuan ang matuwid, at siya'y lalago sa pagkatuto.
10 Ang pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan: at ang pagkakilala sa Banal ay kaunawaan.
11 Sapagka't sa pamamagitan ko ay dadami ang iyong mga kaarawan, at ang mga taon ng iyong buhay ay magsisidami.
12 Kung ikaw ay pantas, ikaw ay pantas sa ganang iyong sarili: at kung ikaw ay manglilibak, ikaw na magisa ang magpapasan.
13 Ang hangal na babae ay madaldal; siya'y musmos at walang nalalaman.
14 At siya'y nauupo sa pintuan ng kaniyang bahay, sa isang upuan sa mga mataas na dako sa bayan,
15 Upang tawagin ang nangagdadaan, na nagsisiyaong matuwid ng kanilang mga lakad:
16 Sinomang musmos ay pumasok dito: at tungkol sa kaniya na mapurol sa pagunawa, sinasabi niya sa kaniya:
17 Ang mga nakaw na tubig ay matamis, at ang tinapay na kinakain sa lihim ay masarap.
18 Nguni't hindi niya nalalaman na ang patay ay nandoon; na ang mga panauhin niya ay nangasa mga kalaliman ng Sheol.




Kabanata 10

1 Mga kawikaan ni Salomon. Ang pantas na anak ay nakapagpapasaya sa ama: nguni't ang mangmang na anak ay pasan ng kaniyang ina.
2 Mga kayamanan ng kasamaan ay hindi napapakinabangan: nguni't ang katuwiran ay nagliligtas sa kamatayan.
3 Hindi titiisin ng Panginoon na magutom ang kaluluwa ng matuwid: nguni't kaniyang itinatakuwil ang nasa ng masama.
4 Siya'y nagiging dukha na gumagawa ng kamay na walang kasipagan: nguni't yumayaman ang kamay ng masipag.
5 Siyang nagtitipon sa taginit ay pantas na anak: nguni't siyang natutulog sa pagaani ay anak na kahiyahiya.
6 Mga pagpapala ay nangasa ulo ng matuwid: nguni't tinatakpan ng karahasan ang bibig ng masama.
7 Ang alaala sa ganap ay pinagpapala: nguni't ang pangalan ng masama ay mapaparam.
8 Ang pantas sa puso ay tatanggap ng mga utos: nguni't ang madaldal na musmos ay mabubuwal.
9 Siyang lumalakad ng matuwid ay lumalakad na tiwasay: nguni't siyang sumisira ng kaniyang mga lakad ay makikilala.
10 Siyang kumikindat ng mata ay nagpapapanglaw: nguni't ang madaldal na musmos ay mabubuwal.
11 Ang bibig ng matuwid, ay bukal ng kabuhayan: nguni't tinatakpan ng karahasan ang bibig ng masama.
12 Ang pagtatanim ay humihila ng mga kaalitan: nguni't tinatakpan ng pagibig ang lahat ng pagsalangsang.
13 Nasusumpungan sa mga labi ng mabait ang karunungan: nguni't ang pamalo ay sa likod ng walang unawa.
14 Ang mga pantas ay nagiimbak ng kaalaman: nguni't ang bibig ng mangmang ay kasalukuyang ikapapahamak.
15 Ang kayamanan ng mayaman ay ang kaniyang matibay na bayan: ang kapahamakan ng dukha ay ang kanilang karalitaan.
16 Ang gawa ng matuwid ay patungo sa buhay; ang bunga ng dukha ay sa pagkakasala.
17 Nasa daan ng buhay siyang nakikinig ng saway: nguni't siyang nagpapabaya ng saway ay nagkakamali.
18 Siyang nagkukubli ng mga pagtatanim ay sa mga magdarayang labi; at siyang nagpaparatang ay mangmang.
19 Sa karamihan ng mga salita ay hindi nagkukulang ng pagsalangsang: nguni't siyang nagpipigil ng kaniyang mga labi ay gumagawang may kapantasan.
20 Ang dila ng matuwid ay parang piling pilak: ang puso ng masama ay kaunti ang halaga.
21 Ang mga labi ng matuwid ay nagpapakain ng marami: nguni't ang mangmang ay namamatay sa kakulangan ng pagunawa.
22 Ang pagpapala ng Panginoon, ay nagpapayaman, at hindi niya idinadagdag ang kapanglawan.
23 Isang paglilibang sa mangmang ang paggawa ng kasamaan: at gayon ang karunungan sa taong naguunawa.
24 Ang takot ng masama ay darating sa kaniya: at ang nasa ng matuwid ay ipagkakaloob.
25 Pagka ang ipoipo ay dumadaan ay nawawala ang masama: nguni't ang matuwid ay walang hanggang patibayan.
26 Kung paano ang suka sa mga ngipin, at kung paano ang usok sa mata, gayon ang tamad sa mga nagsusugo sa kaniya.
27 Ang pagkatakot sa Panginoon ay nagpapalaon ng mga kaarawan: nguni't ang mga taon ng masama ay mangangaunti.
28 Ang pagasa ng matuwid ay magiging kasayahan: nguni't ang pagasa ng masama ay mawawala.
29 Ang daan ng Panginoon ay katibayan sa matuwid; nguni't kapahamakan sa mga manggagawa ng kasamaan.
30 Ang matuwid ay hindi makikilos kailan man: nguni't ang masama ay hindi tatahan sa lupain.
31 Ang bibig ng matuwid ay nagbibigay ng karunungan: nguni't ang magdarayang dila ay ihihiwalay.
32 Nalalaman ng mga labi ng matuwid ang nakalulugod: nguni't ang bibig ng masama ay nagsasalita ng karayaan.




Kabanata 11

1 Ang marayang timbangan ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang ganap na timbangan ay kaniyang kaluguran.
2 Pagka dumarating ang kapalaluan ay dumarating nga ang kahihiyan: nguni't nasa mababa ang karunungan.
3 Ang pagtatapat ng mga matuwid ay papatnubay sa kanila: nguni't ang mga kasuwailan ng mga taksil ay papatay sa kanila.
4 Ang mga kayamanan ay walang kabuluhan sa kaarawan ng poot: nguni't ang katuwiran ay nagliligtas sa kamatayan.
5 Ang katuwiran ng sakdal ay magtuturo ng kaniyang lakad: nguni't mabubuwal ang masama dahil sa kaniyang sariling kasamaan.
6 Ang katuwiran ng mga matuwid ay magliligtas sa kanila: nguni't silang gumagawang may karayaan ay madadakip sa kanilang sariling kasamaan.
7 Pagka ang masamang tao ay namamatay, ang kaniyang pag-asa ay mapapasa pagkapahamak; at ang pagasa ng masama ay nawawala.
8 Ang matuwid ay naliligtas sa kabagabagan, at ang masama ay dumarating na kahalili niya.
9 Pinapatay ng masama ng kaniyang bibig ang kaniyang kapuwa: nguni't sa kaalaman ay maliligtas ang matuwid.
10 Pagka napapabuti ang mga matuwid ang bayan ay nagagalak: at pagka ang masama ay namamatay, may hiyawan.
11 Nabubunyi ang bayan sa pamamagitan ng pagpapala ng matuwid: nguni't napapahamak sa pamamagitan ng bibig ng masama.
12 Siyang humahamak sa kaniyang kapuwa ay walang karunungan: nguni't ang taong naguunawa ay tumatahimik.
13 Siyang yumayaong mapaghatid dumapit ay naghahayag ng mga lihim: nguni't ang may diwang tapat ay nagtatakip ng bagay.
14 Kung saan walang pantas na pamamahala, ang bayan ay nababagsak: nguni't sa karamihan ng mga tagapayo ay may kagalingan.
15 Siyang nananagot sa di kilala, ay mapapariwara: nguni't siyang nagtatanim sa pananagot ay tiwasay.
16 Ang mapagbiyayang babae ay nagiimpok ng karangalan: at ang marahas na lalake ay pumipigil ng kayamanan.
17 Ang maawaing tao ay gumagawa ng mabuti sa kaniyang sariling kaluluwa: nguni't ang taksil ay bumabagabag sa kaniyang sariling laman.
18 Ang masama ay nakikinabang ng mga marayang sahod: nguni't ang naghahasik ng katuwiran ay nagtatamo ng tiwasay na ganting pala.
19 Siyang matatag sa katuwiran ay magtatamo ng buhay: at siyang humahabol ng kasamaan ay sa kaniyang sariling ikamamatay.
20 Silang suwail sa puso ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang gayong sakdal sa kanilang lakad ay kaniyang kaluguran.
21 Bagaman ang kamay ay makikikamay, ang masamang tao ay walang pagsalang parurusahan: nguni't ang binhi ng matuwid ay maliligtas.
22 Kung paano ang hiyas na ginto sa nguso ng baboy, gayon ang magandang babae na walang bait.
23 Ang nasa ng matuwid ay buti lamang: nguni't ang hintay ng masama ay poot.
24 May nagsasabog, at tumutubo pa, at may humahawak naman ng higit kay sa karampatan, nguni't nauuwi lamang sa pangangailangan.
25 Ang kaluluwang mapagbigay ay tataba: at siyang dumidilig ay madidilig din.
26 Siyang humahawak ng trigo ay susumpain siya ng bayan: nguni't kapurihan ay mapapasaulo niya na nagbibili niyaon.
27 Siyang humahanap na masikap ng mabuti ay humahanap ng lingap: nguni't siyang kumakatha ng sama ay sa kaniya lalagpak.
28 Siyang tumitiwala sa kaniyang mga kayamanan ay mabubuwal: nguni't ang matuwid ay mamumukadkad na parang sariwang dahon.
29 Siyang bumabagabag ng kaniyang sariling sangbahayan ay magmamana ng hangin: at ang mangmang ay magiging alipin ng pantas sa puso.
30 Ang bunga ng matuwid ay punong kahoy ng buhay; at siyang pantas ay humihikayat ng mga kaluluwa.
31 Narito, ang matuwid ay gagantihin sa lupa: gaano pa nga kaya ang masama at makasalanan!




Kabanata 12

1 Sinomang umiibig ng kasawayan ay umiibig ng kaalaman: nguni't siyang nagtatanim sa kasawayan ay hangal.
2 Ang mabuting tao ay magtatamo ng lingap ng Panginoon: nguni't kaniyang parurusahan ang taong may masasamang katha.
3 Ang tao ay hindi matatag sa pamamagitan ng kasamaan: nguni't ang ugat ng matuwid ay hindi makikilos.
4 Ang mabait na babae ay putong sa kaniyang asawa: nguni't siyang nakahihiya ay parang kabulukan sa kaniyang mga buto.
5 Ang mga pagiisip ng matuwid ay ganap: nguni't ang mga payo ng masama ay magdaraya.
6 Ang mga salita ng masama ay mga bakay sa dugo: nguni't ililigtas sila ng bibig ng matuwid.
7 Ang masama ay inilulugmok at nawawala: nguni't ang sangbahayan ng matuwid ay tatayo.
8 Pupurihin ang tao ayon sa kaniyang karunungan: nguni't ang masama sa puso ay hahamakin.
9 Maigi siyang pinahahalagahan ng kaunti, at may alipin, kay sa nagmamapuri, at kinukulang ng tinapay.
10 Ang matuwid ay nagpapakundangan sa buhay ng kaniyang hayop: nguni't ang mga kaawaan ng masama ay mabagsik.
11 Siyang bumubukid ng kaniyang lupain ay magkakaroon ng saganang tinapay: nguni't siyang sumusunod sa taong walang kabuluhan ay walang unawa.
12 Ninanasa ng masama ang lambat ng mga masamang tao: nguni't ang ugat ng matuwid ay nagbubunga.
13 Nasa pagsalangsang ng mga labi ang silo sa mga masamang tao: nguni't ang matuwid ay lalabas sa kabagabagan.
14 Ang tao ay masisiyahan ng buti sa pamamagitan ng bunga ng kaniyang bibig; at ang mga gawain ng mga kamay ng tao ay babayaran sa kaniya.
15 Ang lakad ng mangmang ay matuwid sa kaniyang sariling mga mata: nguni't siyang pantas ay nakikinig sa payo.
16 Ang yamot ng mangmang ay agad nakikilala: nguni't ang mabait na tao ay nagtatakip ng kahihiyan.
17 Ang nagbabadya ng katotohanan ay nagpapakilala ng katuwiran, nguni't ang sinungaling sa saksi ay nagdadaya.
18 May nagsasalitang madalas na parang saliwan ng tabak: nguni't ang dila ng pantas ay kagalingan.
19 Ang labi ng katotohanan ay matatatag kailan man. Nguni't ang sinungaling na dila ay sa sangdali lamang.
20 Pagdaraya ay nasa puso ng mga kumakatha ng kasamaan: nguni't sa mga tagapayo ng kapayapaan ay kagalakan.
21 Walang mangyayaring kapahamakan sa matuwid: nguni't ang masama ay mapupuno ng kasamaan.
22 Mga sinungaling na labi ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang nagsisigawang may katotohanan ay kaniyang kaluguran.
23 Ang taong mabait ay nagkukubli ng kaalaman: nguni't ang puso ng mga mangmang ay nagtatanyag ng kamangmangan.
24 Ang kamay ng masipag ay magpupuno: nguni't ang tamad ay malalagay sa pagatag.
25 Ang kabigatan sa puso ng tao ay nagpapahukot; nguni't ang mabuting salita ay nagpapasaya.
26 Ang matuwid ay patnubay sa kaniyang kapuwa: nguni't ang lakad ng masama ay nakapagpapaligaw.
27 Ang tamad ay hindi nagiihaw ng kahit kaniyang napapangasuhan; nguni't ang mahalagang pag-aari ng tao ay sa mga masisipag.
28 Nasa daan ng katuwiran ang buhay; at sa kaniyang landas ay walang kamatayan.




Kabanata 13

1 Dinidinig ng pantas na anak ang turo ng kaniyang ama: nguni't hindi dinidinig ng mangduduwahagi ang saway.
2 Ang tao ay kakain ng mabuti ayon sa bunga ng kaniyang bibig: nguni't ang magdaraya ay kakain ng karahasan,
3 Siyang nagiingat ng kaniyang bibig, nagiingat ng kaniyang buhay: nguni't siyang nagbubukang maluwang ng kaniyang mga labi ay magkakaroon ng kapahamakan.
4 Ang tamad ay nagnanasa, at walang anoman: nguni't ang kaluluwa ng masipag ay tataba.
5 Ang matuwid ay nagtatanim sa pagsisinungaling: nguni't ang masama ay kasuklamsuklam, at napapahiya.
6 Bumabantay ang katuwiran sa matuwid na lakad; nguni't inilulugmok ng kasamaan ang makasalanan.
7 May nagpapakayaman, gayon ma'y walang anoman: may nagpapakadukha, gayon ma'y may malaking kayamanan.
8 Ang katubusan sa buhay ng tao ay siyang kaniyang mga kayamanan: nguni't ang dukha ay hindi nakikinig sa banta.
9 Ang ilaw ng matuwid ay nagagalak: nguni't ang ilawan ng masama ay papatayin.
10 Sa kapalaluan, ang dumarating ay pagtatalo lamang: nguni't ang karunungan ay nangasa nangaturuang maigi.
11 Ang kayamanang tinangkilik sa walang kabuluhan ay huhupa: nguni't siyang nagpipisan sa paggawa ay mararagdagan.
12 Ang pagasa na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso: nguni't pagka ang nasa ay dumarating ay punong kahoy ng buhay.
13 Sinomang humamak sa salita ay nagdadala ng kapahamakan sa sarili: nguni't siyang natatakot sa utos ay gagantihin.
14 Ang kautusan ng pantas ay bukal ng buhay, upang lumayo sa mga silo ng kamatayan.
15 Ang mabuting kaunawaan ay nagbibigay lingap: nguni't ang lakad ng mananalangsang ay mahirap.
16 Bawa't mabait na tao ay gumagawang may kaalaman: nguni't ang mangmang ay nagkakalat ng kamangmangan.
17 Ang masamang sugo ay nahuhulog sa kasamaan: nguni't ang tapat na sugo ay kagalingan.
18 Karalitaan at kahihiyan ang tatamuhin ng nagtatakuwil ng saway: nguni't siyang nakikinig ng saway ay magkakapuri.
19 Ang nasa na natupad ay matamis sa kaluluwa: nguni't kasuklamsuklam sa mga mangmang na humiwalay sa kasamaan.
20 Lumalakad ka na kasama ng mga pantas na tao, at ikaw ay magiging pantas; nguni't ang kasama ng mga mangmang ay mapapariwara.
21 Ang kasamaan ay humahabol sa mga makasalanan; nguni't ang matuwid ay gagantihan ng mabuti.
22 Ang mabuti ay nagiiwan ng mana sa mga anak ng kaniyang mga anak; at ang kayamanan ng makasalanan ay nalalagay na ukol sa matuwid.
23 Maraming pagkain ang nasa pagsasaka ng dukha: nguni't may napapahamak dahil sa kawalan ng kaganapan.
24 Siyang naguurong ng kaniyang pamalo ay napopoot sa kaniyang anak: nguni't siyang umiibig ay nagpaparusang maminsan-minsan.
25 Ang matuwid ay kumakain hanggang sa kabusugan ng kaniyang kaluluwa; nguni't ang tiyan ng masama ay mangangailangan.




Kabanata 14

1 Bawa't pantas na babae ay nagtatayo ng kaniyang bahay: nguni't binubunot ng mangmang, ng kaniyang sariling mga kamay.
2 Siyang lumalakad sa kaniyang katuwiran ay natatakot sa Panginoon: nguni't siyang suwail sa kaniyang mga lakad ay humahamak sa kaniya.
3 Sa bibig ng mangmang ay may tungkod ng kapalaluan: nguni't ang mga labi ng pantas ay mangagiingat ng mga yaon.
4 Kung saan walang baka, ang bangan ay malinis: nguni't ang karamihan ng bunga ay nasa kalakasan ng baka.
5 Ang tapat na saksi ay hindi magbubulaan: nguni't ang sinungaling na saksi ay nagbabadya ng mga kasinungalingan.
6 Ang manglilibak ay humahanap ng karunungan at walang nasusumpungan: nguni't ang kaalaman ay madali sa kaniya na naguunawa.
7 Paroon ka sa harapan ng taong mangmang, at hindi mo mamamalas sa kaniya ang mga labi ng kaalaman:
8 Ang karunungan ng mabait ay makaunawa ng kaniyang lakad: nguni't ang kamangmangan ng mga mangmang ay karayaan.
9 Ang mangmang ay tumutuya sa sala: nguni't sa matuwid ay may mabuting kalooban.
10 Nalalaman ng puso ang kaniyang sariling kapaitan; at ang tagaibang lupa ay hindi nakikialam ng kaniyang kagalakan.
11 Ang bahay ng masama ay mababagsak: nguni't ang tolda ng matuwid ay mamumukadkad.
12 May daan na tila matuwid sa isang tao, nguni't ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan.
13 Maging sa pagtawa man ang puso ay nagiging mapanglaw; at ang wakas ng kasayahan ay kabigatan ng loob.
14 Ang tumatalikod ng kaniyang puso ay mabubusog ng kaniyang sariling mga lakad: at masisiyahang loob ang taong mabuti.
15 Pinaniniwalaan ng musmos ang bawa't salita: nguni't ang mabait ay tumitinging mabuti sa kaniyang paglakad.
16 Ang pantas ay natatakot at humihiwalay sa kasamaan: nguni't ang mangmang ay nagpapakilalang palalo, at timawa.
17 Siyang nagagalit na madali ay gagawang may kamangmangan: at ang taong may masamang katha ay ipagtatanim.
18 Ang musmos ay nagmamana ng kamangmangan: nguni't ang mabait ay puputungan ng kaalaman.
19 Ang masama ay yumuyukod sa harap ng mabuti; at ang masama ay sa mga pintuang-daan ng matuwid.
20 Ipinagtatanim ang dukha maging ng kaniyang kapuwa: nguni't ang mayaman ay maraming kaibigan.
21 Siyang humahamak sa kaniyang kapuwa ay nagkakasala: nguni't siyang naaawa sa dukha ay mapalad siya.
22 Hindi ba sila nagkakamali na kumakatha ng kasamaan? Nguni't kaawaan at katotohanan ay sasa kanila na nagsisikatha ng mabuti.
23 Sa lahat ng gawain ay may pakinabang: nguni't ang tabil ng mga labi ay naghahatid sa karalitaan.
24 Ang putong ng mga pantas ay ang kanilang mga kayamanan: nguni't ang kamangmangan ng mga mangmang ay kamangmangan lamang.
25 Ang tapat na saksi ay nagliligtas ng mga tao: nguni't siyang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay nagdaraya.
26 Sa pagkatakot sa Panginoon ay may matibay na pagkakatiwala: at ang kaniyang mga anak ay magkakaroon ng dakong kanlungan.
27 Ang pagkatakot sa Panginoon ay bukal ng kabuhayan, upang humiwalay sa mga silo ng kamatayan.
28 Nasa karamihan ng bayan ang kaluwalhatian ng hari: nguni't na sa pangangailangan ng bayan ang kapahamakan ng pangulo.
29 Siyang makupad sa pagkagalit ay may dakilang paguunawa: nguni't siyang madaling magalit ay nagbubunyi ng kamangmangan.
30 Ang tiwasay na puso ay buhay ng katawan: nguni't ang kapanaghilian ay kabulukan ng mga buto.
31 Siyang pumipighati sa dukha ay humahamak sa Maylalang sa kaniya. Nguni't siyang naaawa sa mapagkailangan ay nagpaparangal sa kaniya.
32 Ang masama ay manahagis sa kaniyang masamang gawa: nguni't ang matuwid ay may kanlungan sa kaniyang kamatayan.
33 Karunungan ay nagpapahinga sa puso niya na may paguunawa: nguni't ang nasa loob ng mga mangmang ay nalalaman.
34 Ang katuwiran ay nagbubunyi ng bansa: nguni't ang kasalanan ay kakutyaan sa alinmang bayan.
35 Ang lingap ng hari ay sa lingkod na gumagawa na may kapantasan: nguni't ang kaniyang poot ay magiging laban sa nakahihiya.




Kabanata 15

1 Ang malubay na sagot ay nakapapawi ng poot: nguni't ang mabigat na salita ay humihila ng galit.
2 Ang dila ng pantas ay nagbabadya ng tuos ng kaalaman: nguni't ang bibig ng mga mangmang ay nagbubugso ng kamangmangan.
3 Ang mga mata ng Panginoon ay nasa bawa't dako, na nagbabantay sa masama at sa mabuti.
4 Ang dilang magaling ay punong kahoy ng buhay: nguni't ang kalikuan niyaon ay kasiraan ng diwa.
5 Hinahamak ng mangmang ang saway ng kaniyang ama: nguni't siyang nagpapakundangan ng saway ay gumagawang may kabaitan.
6 Sa bahay ng matuwid ay maraming kayamanan: nguni't sa mga pakinabang ng masama ay kabagabagan.
7 Ang mga labi ng pantas ay nagsasabog ng kaalaman: nguni't ang puso ng mangmang ay hindi gayon.
8 Ang hain ng masama ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang dalangin ng matuwid ay kaniyang kaluguran.
9 Ang lakad ng masama ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't iniibig niya ang sumusunod sa katuwiran.
10 May mabigat na saway sa kaniya, na nagpapabaya ng lakad: at siyang nagtatanim sa saway ay mamamatay.
11 Sheol at kapahamakan ay nasa harap ng Panginoon: gaanong higit pa nga ang mga puso ng mga anak ng mga tao!
12 Ayaw ang manglilibak na siya'y sawayin. Siya'y hindi paroroon sa pantas.
13 Ang masayang puso ay nagpapasaya ng mukha: nguni't sa kapanglawan ng puso ay nababagbag ang diwa.
14 Ang puso niyaong naguunawa ay humahanap ng kaalaman: nguni't ang bibig ng mga mangmang ay kumakain ng kamangmangan.
15 Lahat ng mga araw sa nagdadalamhati ay masama: nguni't siyang may masayang puso ay may laging kapistahan.
16 Maigi ang kaunti na may pagkatakot sa Panginoon, kay sa malaking kayamanan na may kabagabagan.
17 Maigi ang pagkaing gulay na may pagibig, kay sa matabang baka at may pagtataniman.
18 Ang mainiting tao ay humihila ng pagtatalo: nguni't siyang makupad sa galit ay pumapayapa ng kaalitan.
19 Ang daan ng tamad ay gaya ng bakuran na mga dawag: nguni't ang landas ng matuwid ay ginagawang maluwang na lansangan.
20 Ang pantas na anak ay nagpapasaya ng ama: nguni't hinahamak ng mangmang ang kaniyang ina.
21 Ang kamangmangan ay kagalakan sa walang bait: nguni't pinatutuwid ng maalam ang kaniyang lakad.
22 Kung saan walang payo ay nagugulo ang mga panukala: nguni't sa karamihan ng mga tagapayo ay nangatatatag.
23 Ang tao ay may kagalakan sa sagot ng kaniyang bibig: at ang salita sa ukol na panahon, ay anong pagkabuti!
24 Sa pantas ay paitaas ang daan ng buhay, upang kaniyang mahiwalayan ang Sheol sa ibaba.
25 Bubunutin ng Panginoon ang bahay ng palalo: nguni't kaniyang itatatag ang hangganan ng babaing bao.
26 Ang mga masamang katha ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang mga maligayang salita ay dalisay.
27 Siyang sakim sa pakinabang ay bumabagabag ng kaniyang sariling sangbahayan: nguni't siyang nagtatanim sa mga suhol ay mabubuhay.
28 Ang puso ng matuwid ay nagbubulay ng isasagot: nguni't ang bibig ng masama ay nagbubugso ng mga masamang bagay.
29 Ang Panginoon ay malayo sa masama: nguni't kaniyang dinidinig ang dalangin ng matuwid.
30 Ang liwanag ng mga mata ay nagpapagalak ng puso: at ang mabubuting balita ay nagpapataba ng mga buto.
31 Ang taingang nakikinig sa saway ng buhay, ay tatahan sa gitna ng pantas.
32 Siyang tumatanggi sa saway ay humahamak sa kaniyang sariling kaluluwa: nguni't siyang nakikinig sa saway ay nagtatamo ng kaawaan.
33 Ang pagkatakot sa Panginoon ay turo ng karunungan; at sa unahan ng karangalan ay nagpapauna ang pagpapakumbaba.




Kabanata 16

1 Ang mga paghahanda ng puso ay ukol sa tao: nguni't ang sagot ng dila ay mula sa Panginoon.
2 Ang lahat ng mga lakad ng tao ay malinis sa harap ng kaniyang sariling mga mata: nguni't tinitimbang ng Panginoon ang mga diwa.
3 Iukol mo sa Panginoon ang iyong mga gawa, at ang iyong mga panukala ay matatatag.
4 Ginawa ng Panginoon ang bawa't bagay na ukol sa kaniyang sariling wakas: Oo, pati ng masama na ukol sa kaarawan ng kasamaan.
5 Bawa't palalo sa puso ay kasuklamsuklam sa Panginoon: bagaman maghawakan sa kamay ay walang pagsalang parurusahan.
6 Sa pamamagitan ng kaawaan at katotohanan ay nalilinis ang kasamaan: at sa pamamagitan ng pagkatakot sa Panginoon ay humihiwalay ang mga tao sa kasamaan.
7 Pagka ang mga lakad ng tao ay nakapagpapalugod sa Panginoon, kaniyang tinitiwasay sa kaniya pati ng kaniyang mga kaaway.
8 Maigi ang kaunti na may katuwiran kay sa malalaking pakinabang na walang kaganapan.
9 Ang puso ng tao ay kumakatha ng kaniyang lakad: nguni't ang Panginoon ang nagtutuwid ng kaniyang mga hakbang.
10 Banal na hatol ay nasa mga labi ng hari: at kaniyang bibig ay hindi sasalangsang sa kahatulan.
11 Ang ganap na timbangan at panimbang ay sa Panginoon: lahat ng timbang na supot ay kaniyang gawa.
12 Kasuklamsuklam sa mga hari na gumawa ng kasamaan: sapagka't ang luklukan ay natatatag sa pamamagitan ng katuwiran.
13 Mga matuwid na labi ay kaluguran ng mga hari; at kanilang iniibig ang nagsasalita ng matuwid.
14 Ang poot ng hari ay gaya ng mga sugo ng kamatayan: nguni't papayapain ng pantas.
15 Nasa liwanag ng mukha ng hari ang buhay; at ang kaniyang lingap ay parang alapaap ng huling ulan.
16 Pagkaigi nga na magtamo ng karunungan kay sa ginto! Oo, magtamo ng kaunawaan ay maigi kay sa pumili ng pilak.
17 Ang maluwang na lansangan ng matuwid ay humiwalay sa kasamaan: siyang nagiingat ng kaniyang lakad ay nagiingat ng kaniyang kaluluwa.
18 Ang kapalaluan ay nagpapauna sa kapahamakan, at ang mapagmataas na diwa ay sa pagkabuwal.
19 Maigi ang magkaroon ng mapagpakumbabang loob na kasama ng dukha, kay sa bumahagi ng samsam na kasama ng palalo.
20 Siyang nagiingat sa salita ay makakasumpong ng mabuti: at ang nananalig sa Panginoon ay mapalad.
21 Ang pantas sa puso ay tatawaging mabait: at ang katamisan sa mga labi ay nagdaragdag ng katututuhan.
22 Ang kaunawaan ay bukal ng buhay sa nagtatamo: nguni't ang saway ng mga mangmang ay siyang kanilang kamangmangan.
23 Ang puso ng pantas ay nagtuturo sa kaniyang bibig, at nagdaragdag ng katututuhan sa kaniyang mga labi.
24 Mga maligayang salita ay parang pulot-pukyutan, matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto.
25 May daan na tila matuwid sa tao, nguni't ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan.
26 Ang gana ng pagkain ng manggagawang tao ay nakagagaling sa kaniya; sapagka't kinasasabikan ng kaniyang bibig.
27 Ang walang kabuluhang tao ay kumakatha ng kahirapan: at sa kaniyang mga labi ay may masilakbong apoy.
28 Ang magdarayang tao ay nagkakalat ng pagtatalo: at ang mapaghatid-dumapit ay naghihiwalay ng magkakaibigang matalik.
29 Ang taong marahas ay dumadaya sa kaniyang kapuwa, at pinapatnubayan niya siya sa daang hindi mabuti.
30 Ikinikindat ang kaniyang mga mata, upang kumatha ng mga magdarayang bagay: siyang nangangagat labi ay nagpapangyari sa kasamaan.
31 Ang ulong may uban ay putong ng kaluwalhatian, masusumpungan sa daan ng katuwiran.
32 Siyang makupad sa pagkagalit ay maigi kay sa makapangyarihan; at siyang nagpupuno sa kaniyang diwa ay maigi kay sa sumasakop ng isang bayan.
33 Ginagawa ang pagsasapalaran sa kandungan; nguni't ang buong pasiya niyaon ay sa Panginoon.




Kabanata 17

1 Maigi ang isang tuyong subo at may katahimikan, kay sa bahay na may laging pistahan na may kaalitan.
2 Ang lingkod na gumagawang may kapantasan ay nagpupuno sa anak na nakahihiya, at siya'y makakabahagi sa mana ng magkakapatid.
3 Ang dalisayan ay sa pilak, at ang hurno ay sa ginto: nguni't sinusubok ng Panginoon ang mga puso.
4 Ang manggagawa ng kasamaan ay nakikinig sa masasamang labi; at ang sinungaling ay nakikinig sa masamang dila.
5 Sinomang tumutuya sa dukha ay dumudusta sa Maylalang sa kaniya: at ang natutuwa sa kasakunaan ay walang pagsalang parurusahan.
6 Ang mga anak ng mga anak ay putong ng mga matatandang tao; at ang kaluwalhatian ng mga anak ay ang kanilang mga magulang.
7 Ang marilag na pananalita ay hindi nagiging mabuti sa mangmang: lalo na ang magdarayang mga labi, sa isang pangulo.
8 Ang suhol ay parang mahalagang bato sa mga mata ng nagtatamo: saan man pumihit ay gumiginhawa.
9 Ang nagtatakip ng pagsalangsang ay humahanap ng pagibig: nguni't ang nagdadadaldal tungkol sa anoman ay naghihiwalay ng magkakaibigang matalik.
10 Ang saway ay nanasok na taimtim sa isang naguunawa, kay sa isang daang hampas sa mangmang.
11 Ang hinahanap lamang ng masamang tao ay panghihimagsik; kaya't isang mabagsik na sugo ay susuguin laban sa kaniya.
12 Masalubong ang tao ng oso na nanakawan ng kaniyang mga anak, maigi kay sa mangmang sa kaniyang kamangmangan.
13 Sinomang gumaganti ng kasamaan sa mabuti, kasamaan ay hindi hihiwalay sa kaniyang bahay.
14 Ang pasimula ng pagkakaalit ay gaya ng pagbuga ng tubig: kaya't iwan ninyo ang pagtatalo, bago maginit sa pagkakaalit.
15 Siya na umaaring ganap sa masama, at siya na nagpaparusa sa matuwid, kapuwa sila kasuklamsuklam sa Panginoon.
16 Bakit may halaga sa kamay ng mangmang upang ibili ng karunungan, gayong wala siyang pagkaunawa?
17 Ang kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at ang kapatid ay ipinanganak na ukol sa kasakunaan.
18 Ang taong walang unawa ay nakikikamay, at nagiging mananagot sa harapan ng kaniyang kapuwa.
19 Ang umiibig sa pagsalangsang ay umiibig sa pagkakaalit: ang nagtataas ng kaniyang pintuan ay humahanap ng kapahamakan.
20 Siyang may magdarayang puso ay hindi nakakasumpong ng mabuti: at siyang may suwail na dila ay nahuhulog sa karalitaan.
21 Ang nanganganak ng mangmang ay sa kaniyang kapanglawan: at ang ama ng mangmang ay walang kagalakan.
22 Ang masayang puso ay mabuting kagamutan: nguni't ang bagbag na diwa ay tumutuyo ng mga buto.
23 Ang masama ay tumatanggap ng suhol mula sa sinapupunan, upang ipahamak ang daan ng kahatulan.
24 Karunungan ay nasa harap ng mukha ng naguunawa: nguni't ang mga mata ng mangmang ay nasa mga wakas ng lupa.
25 Ang mangmang na anak ay hirap sa kaniyang ama, at kapaitan sa nanganak sa kaniya.
26 Parusahan naman ang matuwid ay hindi mabuti, ni saktan man ang mahal na tao dahil sa kanilang katuwiran.
27 Siyang nagtitipid ng kaniyang mga salita ay may kaalaman: at siyang may diwang malamig ay taong naguunawa.
28 Ang mangmang man, pagka siya'y tumatahimik, ay nabibilang na pantas: pagka kaniyang tinitikom ang kaniyang mga labi, ay inaari siyang mabait.




Kabanata 18

1 Ang humihiwalay ay humahanap ng sarili niyang nasa, at nakikipagtalo laban sa lahat na magaling na karunungan.
2 Ang mangmang ay walang kaluguran sa paguunawa, kundi maihayag lamang ang kaniyang puso.
3 Pagka ang masama ay dumarating, dumarating din naman ang paghamak, at kasama ng kutya ang pagkaduwahagi.
4 Ang mga salita ng bibig ng tao ay parang malalim na tubig; ang bukal ng karunungan ay parang umaagos na batis.
5 Igalang ang pagkatao ng masama ay hindi mabuti, ni iligaw man ang matuwid sa kahatulan.
6 Ang mga labi ng mangmang ay nanasok sa pagkakaalit, at tinatawag ng kaniyang bibig ang mga hampas.
7 Ang bibig ng mangmang ay kaniyang kapahamakan, at ang kaniyang mga labi ay silo ng kaniyang kaluluwa.
8 Ang mga salita ng mga mapaghatid-dumapit ay parang mga masarap na subo, at nagsisibaba sa pinakaloob ng tiyan.
9 Siya mang walang bahala sa kaniyang gawain ay kapatid siya ng maninira.
10 Ang pangalan ng Panginoon ay matibay na moog: tinatakbuhan ng matuwid at naliligtas.
11 Ang yaman ng mayamang tao ay ang kaniyang matibay na bayan, at gaya ng matayog na kuta sa kaniyang sariling isip,
12 Bago ang pagkapahamak ay pagmamalaki ng puso ng tao, at bago ang karangalan ang pagpapakumbaba.
13 Ang sumasagot bago makinig, ay kamangmangan at kahihiyan sa kaniya.
14 Aalalayan ng diwa ng tao ang kaniyang sakit; nguni't ang bagbag na diwa sinong nakapagdadala?
15 Ang puso ng mabait ay nagtatamo ng kaalaman; at ang pakinig ng pantas ay humahanap ng kaalaman.
16 Ang kaloob ng tao ay nagbubukas ng daan sa kaniya, at dinadala siya sa harap ng mga dakilang tao.
17 Ang nakikipaglaban ng kaniyang usap na una ay tila ganap; nguni't dumarating ang kaniyang kapuwa at sinisiyasat siya.
18 Ang pagsasapalaran ay nagpapatigil ng mga pagtatalo, at naghihiwalay sa gitna ng mga makapangyarihan.
19 Ang kapatid na nasaktan sa kalooban ay mahirap mabawi kay sa matibay na bayan: at ang gayong mga pagtatalo ay parang mga halang ng isang kastilyo.
20 Ang tiyan ng tao ay mabubusog ng bunga ng kaniyang bibig; sa bunga ng kaniyang mga labi ay masisiyahan siya.
21 Kamatayan at buhay ay nasa kapangyarihan ng dila; at ang nagsisiibig sa kaniya ay magsisikain ng kaniyang bunga.
22 Sinomang lalaking nakakasumpong ng asawa ay nakasumpong ng mabuting bagay, at nagtatamo ng lingap ng Panginoon.
23 Ang dukha ay gumagamit ng mga pamanhik: nguni't ang mayaman ay sumasagot na may kagilasan.
24 Ang nagpaparami ng mga kaibigan ay sa kaniyang sariling kapahamakan: nguni't may kaibigan na mahigit kay sa isang kapatid.




Kabanata 19

1 Maigi ang dukha na lumalakad sa kaniyang pagtatapat kay sa suwail sa kaniyang mga labi at mangmang.
2 Gayon din ang kaluluwa na walang kaalaman ay hindi mabuti; at siyang nagmamadali ng kaniyang mga paa ay nagkakasala.
3 Ang kamangmangan ng tao ay sumisira ng kaniyang lakad; at ang kaniyang puso ay nagagalit laban sa Panginoon.
4 Ang kayamanan ay nagdadagdag ng maraming kaibigan: nguni't ang dukha ay hiwalay sa kaniyang kaibigan.
5 Ang sinungaling na saksi ay walang pagsalang parurusahan; at ang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay hindi makatatahan.
6 Marami ang mamamanhik ng lingap sa magandang-loob: at bawa't tao ay kaibigan ng nagbibigay ng mga kaloob.
7 Ipinagtatanim siya ng lahat ng kapatid ng dukha: gaano pa nga kaya ang ilalayo sa kaniya ng kaniyang mga kaibigan! Kaniyang hinahabol sila ng mga salita, nguni't wala na sila.
8 Siyang nagiimpok ng karunungan ay umiibig sa kaniyang sariling kaluluwa: siyang nagiingat ng pagunawa ay makakasumpong ng mabuti.
9 Ang sinungaling na saksi ay walang pagsalang parurusahan; at ang nagbabadya ng mga kasinungalingan ay mamamatay.
10 Maayos na pamumuhay ay hindi magaling sa mangmang; lalo na sa alipin na magpuno sa mga pangulo.
11 Ang bait ng tao ay nagpapakupad sa galit. At kaniyang kaluwalhatian na paraanin ang pagsalangsang.
12 Ang poot ng hari ay parang ungal ng leon; nguni't ang kaniyang lingap ay parang hamog sa damo.
13 Ang mangmang na anak ay kapanglawan ng kaniyang ama: at ang mga pakikipagtalo ng asawa ay walang likat na tulo.
14 Bahay at mga kayamanan ay minamana sa mga magulang: nguni't ang mabait na asawa ay galing sa Panginoon.
15 Katamaran ay nagbabaon sa mahimbing na pagkakatulog; at ang tamad na kaluluwa ay magugutom.
16 Ang nagiingat ng utos ay nagiingat ng kaniyang kaluluwa: nguni't ang walang babala sa kaniyang mga lakad ay mamamatay.
17 Ang naaawa sa dukha ay nagpapautang sa Panginoon, at ang kaniyang mabuting gawa ay babayaran sa kaniya uli.
18 Parusahan mo ang iyong anak, dangang may pagasa; at huwag mong ilagak ang iyong puso sa kaniyang ikapapahamak.
19 Ang taong may malaking poot ay magtataglay ng parusa: sapagka't kung iyong iligtas iyong marapat na gawin uli.
20 Makinig ka ng payo, at tumanggap ka ng turo, upang ikaw ay maging pantas sa iyong huling wakas.
21 May maraming katha sa puso ng tao; nguni't ang payo ng Panginoon, ay siyang tatayo.
22 Yaong nakagagawa sa isang tao upang siya'y maging kanaisnais ay ang kaniyang kagandahang-loob: at ang isang dukha ay maigi kay sa isang sinungaling.
23 Ang pagkatakot sa Panginoon ay patungo sa kabuhayan; at ang nagtatangkilik noon ay tatahang may kasiyahan: hindi siya dadalawin ng kasamaan.
24 Idinadampot ng tamad ang kaniyang kamay sa pinggan, at hindi na magsusubo pa sa kaniyang bibig uli.
25 Iyong saktan ang manglilibak, at ang musmos ay magaaral ng kabaitan: at iyong sawayin ang naguunawa, at siya'y makakaunawa ng kaalaman.
26 Ang sumasamsam sa kaniyang ama, at nagpapalayas sa kaniyang ina, ay anak na nakakahiya at nagdadala ng kakutyaan.
27 Magtigil ka, anak ko, sa pakikinig ng aral na nagliligaw lamang mula sa mga salita ng kaalaman.
28 Ang walang kabuluhang saksi ay lumilibak sa kahatulan: at ang bibig ng masama ay lumalamon ng kasamaan.
29 Ang mga kahatulan ay nahahanda sa mga manglilibak, at ang mga hampas ay sa mga likod ng mga mangmang.




Kabanata 20

1 Ang alak ay manunuya, ang matapang na alak ay manggugulo; at sinomang napaliligaw sa kaniya ay hindi pantas.
2 Ang kakilabutan ng hari ay parang ungal ng leon: ang namumungkahi sa kaniya sa galit ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling buhay.
3 Karangalan sa tao ang magingat sa pakikipagkaalit: nguni't bawa't mangmang ay magiging palaaway.
4 Ang tamad ay hindi magaararo dahil sa tagginaw; kaya't siya'y magpapalimos sa pagaani, at wala anoman.
5 Payo sa puso ng tao ay parang malalim na tubig; nguni't iibigin ng taong naguunawa.
6 Maraming tao ay magtatanyag bawa't isa ng kaniyang sariling kagandahang-loob: nguni't sinong makakasumpong sa taong tapat?
7 Ang ganap na tao na lumalakad sa kaniyang pagtatapat, mapapalad ang kaniyang mga anak na susunod sa kaniya.
8 Ang hari na nauupo sa luklukan ng kahatulan pinananabog ng kaniyang mga mata ang lahat na kasamaan.
9 Sinong makapagsasabi, nilinis ko ang aking puso, ako'y dalisay sa aking kasalanan?
10 Mga iba't ibang panimbang, at mga iba't ibang takalan, kapuwa mga karumaldumal sa Panginoon.
11 Ang bata man ay nagpapakilala sa kaniyang mga gawa, kung ang kaniyang gawa ay magiging malinis, at kung magiging matuwid.
12 Ang nakikinig na tainga, at ang nakakakitang mata, kapuwa ginawa ng Panginoon.
13 Huwag mong ibigin ang pagtulog, baka ka madukha; idilat mo ang iyong mga mata, at mabubusog ka ng tinapay.
14 Walang halaga, walang halaga, sabi ng mamimili: nguni't pagka nakalayo siya, naghahambog nga.
15 May ginto, at saganang mga rubi: nguni't ang mga labi ng kaalaman ay mahalagang hiyas.
16 Kunin mo ang kaniyang suot na nananagot sa di kilala; at tanggapan mo ng sanla ang nananagot sa mga di kilala.
17 Tinapay ng kasinungalingan ay matamis sa tao: nguni't pagkatapos ay mabubusog ang kaniyang bibig ng batong lapok.
18 Bawa't panukala ay natatatag sa pamamagitan ng payo: at sa pamamagitan ng pantas na pamamatnubay ay makikipagdigma ka.
19 Ang yumayaong mapaghatid-dumapit ay naghahayag ng mga lihim: kaya't huwag kang makisalamuha sa kaniya na nagbubukang maluwang ng kaniyang mga labi.
20 Siyang sumusumpa sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, ang kaniyang ilawan ay papatayin sa salimuot na kadiliman.
21 Ang mana ay matatamong madali sa pasimula; nguni't ang wakas niyao'y hindi pagpapalain.
22 Huwag mong sabihin, ako'y gaganti ng kasamaan: maghintay ka sa Panginoon, at kaniyang ililigtas ka.
23 Mga iba't ibang panimbang ay karumaldumal sa Panginoon; at ang sinungaling na timbangan ay hindi mabuti.
24 Ang mga lakad ng tao ay sa Panginoon; paano ngang mauunawa ng tao ang kaniyang lakad?
25 Silo nga sa tao ang magsabi ng walang pakundangan, banal nga, at magsiyasat pagkatapos ng mga panata.
26 Ang pantas na hari ay nagpapapanabog ng masama. At dinadala sa kanila ang gulong na panggiik.
27 Ang diwa ng tao ay ilawan ng Panginoon, na sumisiyasat ng mga pinakaloob na bahagi ng tiyan.
28 Kagandahang-loob at katotohanan ay nagpapalagi sa hari: at ang kaniyang luklukan ay inaalalayan ng kagandahang-loob.
29 Ang kaluwalhatian ng mga binata ay ang kanilang kalakasan: at ang kagandahan ng matanda ay ang ulong may uban.
30 Ang mga latay na sumasakit ay lumilinis ng kasamaan: at ang mga hampas ay dinaramdam sa mga pinakaloob na bahagi ng tiyan.




Kabanata 21

1 Ang puso ng hari ay nasa kamay ng Panginoon na parang mga batis: kumikiling saan man niya ibigin.
2 Bawa't lakad ng tao ay matuwid sa kaniyang sariling mga mata: nguni't tinitimbang ng Panginoon ang mga puso.
3 Gumawa ng kaganapan at kahatulan ay lalong kalugodlugod sa Panginoon kay sa hain.
4 Ang mapagmataas na tingin, at ang palalong puso, siyang ilaw ng masama, ay kasalanan.
5 Ang mga pagiisip ng masipag ay patungo sa kasaganaan lamang: nguni't bawa't nagmamadali ay sa pangangailangan lamang.
6 Ang pagtatamo ng mga kayamanan sa pamamagitan ng sinungaling na dila ay singaw na tinatangay na paroo't parito noong nagsisihanap ng kamatayan.
7 Ang pangdadahas ng masama ay siya ring papalis sa kanila; sapagka't sila'y nagsitangging magsigawa ng kahatulan.
8 Ang lakad ng nagpapasan ng sala ay lubhang liko; nguni't tungkol sa malinis, ang kaniyang gawa ay matuwid.
9 Lalong maigi ang tumahan sa sulok ng bubungan, kay sa palatalong babae sa maluwang na bahay.
10 Ang kaluluwa ng masama ay nagnanasa ng kasamaan: ang kaniyang kapuwa ay hindi nakakasumpong ng lingap sa kaniyang mga mata.
11 Pagka ang mangduduwahagi ay pinarusahan, ang musmos ay nagiging pantas: at pagka ang pantas ay tinuturuan, siya'y tumatanggap ng kaalaman.
12 Pinagninilay ng matuwid ang bahay ng masama, kung paanong napapahamak ang masama sa kanilang pagkapariwara.
13 Ang nagtatakip ng kaniyang mga pakinig sa daing ng dukha, siya naman ay dadaing, nguni't hindi didinggin.
14 Ang kaloob na lihim ay nagpapatahimik ng galit, at ang alay sa sinapupunan, ay ng malaking poot.
15 Kagalakan sa matuwid ang gumawa ng kahatulan; nguni't kapahamakan sa mga manggagawa ng kasamaan.
16 Ang tao na gumagala sa labas ng daan ng kaunawaan, magpapahinga sa kapisanan ng patay.
17 Ang umiibig ng kalayawan ay magiging dukha: ang umiibig sa alak at langis ay hindi yayaman.
18 Ang masama ay isang katubusan para sa matuwid, at ang taksil ay sa lugar ng matuwid.
19 Lalong maigi ang tumahan sa ilang na lupain, kay sa makisama sa palatalo at magagaliting babae.
20 May mahalagang kayamanan at langis sa tahanan ng pantas; nguni't ito'y sinasakmal ng mangmang.
21 Ang sumusunod sa katuwiran at kagandahang-loob nakakasumpong ng buhay, katuwiran, at karangalan.
22 Sinasampa ng pantas ang bayan ng makapangyarihan, at ibinabagsak ang lakas ng pagkakatiwala niyaon.
23 Sinomang nagiingat ng kaniyang bibig at kaniyang dila nagiingat ng kaniyang kaluluwa mula sa mga kabagabagan.
24 Ang palalo at mapagmataas na tao, manglilibak ang kaniyang pangalan, siya'y gumagawa sa kahambugan ng kapalaluan.
25 Ang nasa ng tamad ay pumapatay sa kaniya; sapagka't tumatanggi ang kaniyang mga kamay sa paggawa.
26 May nagiimbot sa kasakiman buong araw: nguni't ang matuwid ay nagbibigay at hindi nagkakait.
27 Ang hain ng masama ay karumaldumal: gaano pa nga, pagka kaniyang dinadala na may masamang isip!
28 Ang sinungaling na saksi ay mamamatay: nguni't ang taong nakikinig ay magsasalita upang mamalagi.
29 Ang masamang tao ay nagmamatigas ng kaniyang mukha; nguni't tungkol sa taong matuwid, nagaayos ng kaniyang mga lakad.
30 Walang karunungan, o kaunawaan man, O payo man laban sa Panginoon.
31 Ang kabayo ay handa laban sa kaarawan ng pagbabaka: nguni't ang pagtatagumpay ay sa Panginoon.




Kabanata 22

1 Ang mabuting pangalan ay maiging piliin, kay sa malaking kayamanan, at ang magandang kalooban, kay sa pilak at ginto.
2 Ang mayaman at ang dukha ay nagkakasalubong kapuwa: ang Panginoon ang May-lalang sa kanilang lahat.
3 Ang mabait na tao ay nakakakita ng kasamaan at nagkukubli: nguni't dinadaanan ng musmos at nagtitiis.
4 Ang kagantihan sa kapakumbabaan at ang pagkatakot sa Panginoon ay kayamanan, at karangalan, at buhay.
5 Mga tinik at mga silo ay nangasa daan ng magdaraya: ang nagiingat ng kaniyang kaluluwa ay lalayo sa mga yaon.
6 Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan.
7 Ang mayaman ay magpupuno sa dukha, at ang manghihiram ay alipin ng nagpapahiram.
8 Siyang naghahasik ng kasamaan ay aani ng kapahamakan; at ang pamalo ng kaniyang poot ay maglilikat.
9 Ang may magandang-loob na mata ay pagpapalain: sapagka't nagbibigay ng kaniyang tinapay sa dukha.
10 Itaboy mo ang manglilibak, at ang pagtatalo ay maalis; Oo, ang pagkakaalit at pagduwahagi ay matitigil.
11 Siyang umiibig ng kalinisan ng puso, dahil sa biyaya ng kaniyang mga labi ay magiging kaniyang kaibigan ang hari.
12 Ang mga mata ng Panginoon ay nagiingat sa maalam: nguni't kaniyang ibinabagsak ang mga salita ng taksil.
13 Sinasabi ng tamad, may leon sa labas: mapapatay ako sa mga lansangan.
14 Ang bibig ng masasamang babae ay isang malalim na lungaw: siyang nayayamot sa Panginoon ay mabubuwal doon.
15 Ang kamangmangan ay nababalot sa puso ng bata; nguni't ilalayo sa kaniya ng pamalong pangsaway.
16 Ang pumipighati sa dukha upang magpalago ng kaniyang pakinabang, at ang nagbibigay sa mayaman, ay humahangga sa pangangailangan lamang.
17 Ikiling mo ang iyong pakinig, at iyong dinggin ang mga salita ng pantas, at ihilig mo ang iyong puso sa aking kaalaman.
18 Sapagka't maligayang bagay kung iyong ingatan sa loob mo, kung mangatatatag na magkakasama sa iyong mga labi.
19 Upang ang iyong tiwala ay malagak sa Panginoon, aking ipinakilala sa iyo sa kaarawang ito, oo, sa iyo.
20 Hindi ba ako sumulat sa iyo ng mga marilag na bagay na mga payo at kaalaman;
21 Upang ipakilala sa iyo ang katunayan ng mga salitang katotohanan, upang iyong maibalik ang mga salita ng katotohanan sa kanila na nagsusugo sa iyo?
22 Huwag kang magnakaw sa dukha, sapagka't siya'y dukha, ni pumighati man sa nagdadalamhati sa pintuang-bayan:
23 Sapagka't ipakikipaglaban ng Panginoon ang kanilang usap, at sasamsaman ng buhay yaong nagsisisamsam sa kanila.
24 Huwag kang makipagkaibigan sa taong magagalitin; at sa mainiting tao ay huwag kang sasama:
25 Baka ka matuto ng kaniyang mga lakad, at magtamo ng silo sa iyong kaluluwa.
26 Huwag kang maging isa sa kanila na nakikikamay, o sa kanila na mangananagot sa mga utang:
27 Kung wala kang ikabayad, bakit kaniyang kukunin sa iyo ang iyong higaan?
28 Huwag mong baguhin ang dating muhon ng lupa, na inilagay ng iyong mga magulang.
29 Nakikita mo ba ang taong masipag sa kaniyang gawain? siya'y tatayo sa harap ng mga hari: hindi siya tatayo sa harap ng mga taong hamak.




Kabanata 23

1 Pagka ikaw ay nauupong kumain na kasalo ng isang pangulo, kilanlin mong maigi siya na nasa harap mo;
2 At maglagay ka ng sundang sa iyong lalamunan, kung ikaw ay taong bigay sa pagkain.
3 Huwag kang mapagnais ng kaniyang mga masarap na pagkain; yamang mga marayang pagkain.
4 Huwag kang mainip sa pagyaman; tumigil ka sa iyong sariling karunungan.
5 Iyo bang itititig ang iyong mga mata sa wala? Sapagka't ang mga kayamanan, ay tunay na nagsisipagpakpak, gaya ng aguila na lumilipad sa dakong langit.
6 Huwag mong kanin ang tinapay niya na may masamang mata, ni nasain mo man ang kaniyang mga masarap na pagkain:
7 Sapagka't kung ano ang iniisip niya sa loob niya, ay gayon siya: kumain ka at uminom ka, sabi niya sa iyo; nguni't ang puso niya ay hindi sumasaiyo.
8 Ang subo na iyong kinain ay iyong isusuka, at iyong iwawala ang iyong mga matamis na salita.
9 Huwag kang magsalita sa pakinig ng mangmang; sapagka't kaniyang hahamakin ang karunungan ng iyong mga salita.
10 Huwag mong baguhin ang dating muhon ng lupa; at huwag mong pasukin ang mga bukid ng ulila:
11 Sapagka't ang kanilang Manunubos ay malakas; ipaglalaban niya ang kanilang usap sa iyo.
12 Ihilig mo ang iyong puso sa turo, at ang iyong mga pakinig sa mga salita ng kaalaman.
13 Huwag mong ipagkait ang saway sa bata: sapagka't kung iyong hampasin siya ng pamalo, siya'y hindi mamamatay.
14 Iyong hahampasin siya ng pamalo, at ililigtas mo ang kaniyang kaluluwa sa Sheol.
15 Anak ko, kung ang iyong puso ay magpakapantas, ang puso ko'y matutuwa sa makatuwid baga'y ang akin:
16 Oo, ang aking puso ay magagalak pagka ang iyong mga labi ay nangagsasalita ng matuwid na mga bagay.
17 Huwag managhili ang iyong puso sa mga makasalanan: kundi lumagay ka sa Panginoon buong araw:
18 Sapagka't tunay na may kagantihan; at ang iyong pagasa ay hindi mahihiwalay.
19 Makinig ka, anak ko, at ikaw ay magpakapantas, at patnubayan mo ang iyong puso sa daan.
20 Huwag kang mapasama sa mga mapaglango; sa mga mayamong mangangain ng karne:
21 Sapagka't ang manglalasing at ang mayamo ay darating sa karalitaan: at ang antok ay magbibihis sa tao ng pagkapulubi.
22 Dinggin mo ang iyong ama na naging anak ka, at huwag mong hamakin ang iyong ina kung siya'y tumanda.
23 Bumili ka ng katotohanan at huwag mong ipagbili: Oo karunungan, at turo, at pag-uunawa.
24 Ang ama ng matuwid ay magagalak na lubos: at siyang nagkaanak ng pantas na anak ay magagalak sa kaniya.
25 Mangatuwa ang iyong ama at ang iyong ina, at magalak siyang nanganak sa iyo.
26 Anak ko, ibigay mo sa akin ang iyong puso, at malugod ang iyong mga mata sa aking mga daan.
27 Sapagka't ang isang patutot ay isang malalim na lubak; at ang babaing di kilala ay makipot na lungaw.
28 Oo, siya'y bumabakay na parang tulisan, at nagdaragdag ng mga magdaraya sa gitna ng mga tao.
29 Sinong may ay? sinong may kapanglawan? sinong may pakikipagtalo? sinong may daing? sino ang may sugat na walang kadahilanan? sino ang may maningas na mata?
30 Silang nangaghihintay sa alak; silang nagsisiyaon upang humanap ng pinaghalong alak.
31 Huwag kang tumingin sa alak pagka mapula, pagka nagbibigay ng kaniyang kulay sa saro,
32 Sa huli ay kumakagat ito na parang ahas, at tumutukang parang ulupong.
33 Ang iyong mga mata ay titingin ng mga katuwang bagay, at ang iyong puso ay nagbabadya ng mga magdarayang bagay.
34 Oo, ikaw ay magiging parang nahihiga sa gitna ng dagat, o parang nahihiga sa dulo ng isang palo ng sasakyan.
35 Kanilang pinalo ako, iyong sasalitain, at hindi ako nasaktan; kanilang hinampas ako, at hindi ko naramdaman: kailan gigising ako? aking hahanapin pa uli.




Kabanata 24

1 Huwag kang mananaghili sa mga masamang tao, ni magnasa ka man na masama sa kanila:
2 Sapagka't ang kanilang puso ay nagaaral ng pagpighati, at ang kanilang mga labi ay nagsasalita ng kalikuan.
3 Sa karunungan ay natatayo ang bahay; at sa pamamagitan ng unawa ay natatatag.
4 At sa pamamagitan ng kaalaman ay napupuno ang mga silid, ng lahat na mahalaga at maligayang mga kayamanan.
5 Ang pantas na tao ay malakas; Oo, ang taong maalam ay lumalago ang kapangyarihan.
6 Sapagka't sa pamamagitan ng pantas na pamamatnubay ay makikipagdigma ka: at sa karamihan ng mga tagapayo ay may kaligtasan.
7 Karunungan ay totoong mataas sa ganang mangmang: hindi niya ibinubuka ang kaniyang bibig sa pintuang-bayan.
8 Siyang kumakatha ng paggawa ng kasamaan, tatawagin siya ng mga tao na masamang tao.
9 Ang pagiisip ng kamangmangan ay kasalanan: at ang mangduduwahagi ay karumaldumal sa mga tao.
10 Kung ikaw ay manglupaypay sa kaarawan ng kasakunaan, ang iyong kalakasan ay munti.
11 Iligtas mo silang nangadala sa kamatayan, at ang mga handang papatayin, ay tingnan mo na iyong ibalik.
12 Kung iyong sinasabi, narito, hindi kami nakakaalam nito: hindi ba niya binubulay na tumitimbang ng mga puso? At siyang nagiingat ng iyong kaluluwa, hindi ba niya nalalaman? At hindi ba niya gagantihin ang bawa't tao ayon sa gawa niya?
13 Anak ko, kumain ka ng pulot, sapagka't mabuti; at ng pulot-pukyutan na matamis sa iyong lasa:
14 Sa gayo'y matututo ka ng karunungan na malalagay sa iyong kaluluwa: kung iyong nasumpungan ito, sa gayo'y magkakaroon ka nga ng kagantihan, at ang iyong pagasa ay hindi mahihiwalay.
15 Huwag kang bumakay, Oh masamang tao, sa tahanan ng matuwid; huwag mong sirain ang kaniyang dakong pahingahan:
16 Sapagka't ang matuwid ay nabubuwal na makapito, at bumabangon uli: nguni't ang masama ay nabubuwal sa kasakunaan.
17 Huwag kang magalak pagka ang iyong kaaway ay nabubuwal, at huwag matuwa ang iyong puso pagka siya'y nabubuwal:
18 Baka makita ng Panginoon, at ipagdamdam ng loob siya, at kaniyang ihiwalay ang poot niya sa kaniya.
19 Huwag kang mabalisa dahil sa mga manggagawa ng masama; ni maging mapanaghiliin ka man sa masama:
20 Sapagka't hindi magkakaroon ng kagantihan sa masamang tao; ang ilawan ng masama ay papatayin.
21 Anak ko, matakot ka sa Panginoon at sa hari: at huwag kang makisalamuha sa kanila na mapagbago:
22 Sapagka't ang kanilang kasakunaan ay darating na bigla; at sinong nakakaalam ng kasiraan nila kapuwa?
23 Ang mga ito man ay sabi rin ng pantas. Magkaroon ng pagtangi ng mga pagkatao sa kahatulan, ay hindi mabuti.
24 Siyang nagsasabi sa masama, Ikaw ay matuwid; susumpain siya ng mga bayan, kayayamutan siya ng mga bansa:
25 Nguni't silang nagsisisaway sa kaniya ay magkakaroon ng kaluguran, at ang mabuting pagpapala ay darating sa kanila.
26 Siya'y humahalik sa mga labi niyaong nagbibigay ng matuwid na sagot.
27 Ihanda mo ang iyong gawa sa labas, at ihanda mo sa iyo sa parang; at pagkatapos ay itayo mo ang iyong bahay.
28 Huwag kang sumaksi laban sa iyong kapuwa ng walang kadahilanan; at huwag kang magdaya ng iyong mga labi.
29 Huwag mong sabihin, gagawin kong gayon sa kaniya na gaya ng ginawa niya sa akin: aking ibibigay sa tao ang ayon sa kaniyang gawa.
30 Ako'y nagdaan sa tabi ng bukid ng tamad, at sa tabi ng ubasan ng taong salat sa unawa;
31 At, narito, tinubuang lahat ng mga tinik, ang ibabaw niyaon ay natakpan ng mga dawag, at ang bakod na bato ay nabagsak.
32 Ako nga'y tumingin, at aking binulay na mabuti: aking nakita, at tumanggap ako ng turo.
33 Kaunti pang tulog, kaunti pang idlip, kaunti pang paghahalukipkip ng mga kamay upang matulog:
34 Gayon darating ang iyong karalitaan na parang magnanakaw; at ang iyong kasalatan na parang nasasandatahang tao.




Kabanata 25

1 Ang mga ito ay mga kawikaan din ni Salomon, na isinalin ng mga tao ni Hezekias na hari sa Juda.
2 Kaluwalhatian nga ng Dios na maglihim ng isang bagay: nguni't ang kaluwalhatian ng mga hari ay magusisa ng isang bagay.
3 Gaya ng langit sa kataasan, at ng lupa sa kalaliman, gayon ang puso ng mga hari ay di masayod.
4 Alisin ang dumi sa pilak, at lumalabas na isang kasangkapan sa ganang mangbububo:
5 Alisin ang masama sa harap ng hari, at ang kaniyang luklukan ay matatatag sa katuwiran.
6 Huwag kang magpauna sa harapan ng hari, at huwag kang tumayo sa dako ng mga dakilang tao:
7 Sapagka't maigi na sabihin sa iyo, sumampa ka rito: kay sa ibaba ka sa harapan ng pangulo, na nakita ng iyong mga mata.
8 Huwag kang makialam ng walang gunita sa pakikipagbabag, baka hindi mo maalaman kung ano ang gagawin sa wakas niyaon, pagka ikaw ay hiniya ng iyong kapuwa.
9 Ipaglaban mo ang iyong usap sa iyong kapuwa, at huwag mong ihayag ang lihim ng iba:
10 Baka siyang nakakarinig ay umalipusta sa iyo, at ang iyong pagkadusta ay hindi maalis.
11 Salitang sinalita sa kaukulan ay gaya ng mga mansanang ginto sa mga bilaong pilak.
12 Kung paano ang hikaw na ginto, at kagayakang dalisay na ginto, gayon ang pantas na mananaway sa masunuring pakinig.
13 Kung paano ang lamig ng niebe sa panahon ng pagaani, gayon ang tapat na sugo sa kanila na nangagsugo sa kaniya; sapagka't kaniyang pinagiginhawa ang kaluluwa ng kaniyang mga panginoon.
14 Kung paano ang mga alapaap at hangin na walang ulan, gayon ang taong naghahambog ng kaniyang mga kaloob na walang katotohanan.
15 Sa pamamagitan ng pagpipigil ng loob ay napahihikayat ang pangulo, at ang malumanay na dila ay bumabasag ng buto.
16 Nakasumpong ka ba ng pulot? kumain ka ng sapat sa iyo; baka ka masuya, at iyong isuka.
17 Magdalang ang iyong paa sa bahay ng iyong kapuwa; baka siya'y mayamot sa iyo, at ipagtanim ka.
18 Ang tao na sumasaksi ng kasinungalingang saksi laban sa kaniyang kapuwa ay isang pangbayo at isang tabak, at isang matulis na pana.
19 Pagtiwala sa di tapat na tao sa panahon ng kabagabagan ay gaya ng baling ngipin, at ng nabaliang paa.
20 Kung paano ang nangaagaw ng kasuutan sa panahong tagginaw, at kung paano ang suka sa sosa, gayon siyang umaawit ng mga awit sa mabigat na puso.
21 Kung ang iyong kaaway ay magutom, bigyan mo siya ng pagkain na makakain; at kung siya'y mauhaw, bigyan mo siya ng tubig na maiinom:
22 Sapagka't ikaw ay magbubunton ng baga ng apoy sa kaniyang ulo, at gagantihin ka ng Panginoon.
23 Ang hanging hilaga ay naglalabas ng ulan: gayon ang dilang maninirang puri ay nakagagalit.
24 Maigi ang tumahan sa sulok ng bubungan, kay sa kasama ng palaaway na babae sa maluwang na bahay.
25 Kung paano ang malamig na tubig sa uhaw na kaluluwa, gayon ang mga mabuting balita na mula sa malayong lupain.
26 Kung paano ang malabong balon, at ang bukal na nalabusaw, gayon ang matuwid na tao na nagbigay daan sa harap ng masama.
27 Hindi mabuting kumain ng maraming pulot: gayon ang paghanap ng tao ng kanilang sariling kaluwalhatian, ay hindi kaluwalhatian.
28 Siyang hindi pumipigil ng kaniyang sariling diwa ay parang bayang nabagsak at walang kuta.




Kabanata 26

1 Kung paano ang niebe sa taginit, at kung paano ang ulan sa pagaani, gayon ang karangalan ay hindi nababagay sa mangmang.
2 Kung paano ang maya sa kaniyang paggagala, kung paano ang langaylangayan sa kaniyang paglipad, gayon ang sumpa na walang kadahilanan ay hindi tumatalab.
3 Ang paghagupit ay sa kabayo, ang paningkaw ay sa asno, at ang pamalo ay sa likod ng mga mangmang.
4 Huwag mong sagutin ang mangmang ng ayon sa kaniyang kamangmangan, baka ikaw man ay maging gaya rin niya.
5 Sagutin mo ang mangmang ayon sa kaniyang kamangmangan, baka siya'y maging pantas sa ganang kaniya.
6 Siyang nagsusugo ng pasugo sa pamamagitan ng kamay ng mangmang naghihiwalay ng kaniyang mga paa, at umiinom sa kasiraan.
7 Ang mga hita ng pilay ay nabibitin: gayon ang talinghaga sa bibig ng mga mangmang.
8 Kung paano ang isa'y nagbabalot ng isang bato sa isang lambanog, gayon ang nagbibigay ng karangalan sa mangmang.
9 Kung paano ang tinik na tumutusok sa kamay ng lango, gayon ang talinghaga sa bibig ng mga mangmang.
10 Kung paano ang mamamana sumusugat sa lahat, gayon ang umupa sa mangmang at umuupa sa pagayongayon.
11 Kung paano ang aso na bumabalik sa kaniyang suka, gayon ang mangmang na umuulit ng kaniyang kamangmangan.
12 Nakikita mo ba ang taong pantas sa ganang kaniyang sarili. May higit na pagasa sa mangmang kay sa kaniya.
13 Sinabi ng tamad, may leon sa daan; isang leon ay nasa mga lansangan.
14 Kung paano ang pintuan ay pumipihit sa kaniyang bisagra, gayon ang tamad sa kaniyang higaan.
15 Idinadampot ng tamad ang kaniyang kamay sa pinggan; napapagod siyang dalhin uli sa kaniyang bibig.
16 Ang tamad ay lalong pantas sa ganang kaniyang sarili kay sa pitong tao na makapagbibigay katuwiran.
17 Ang nagdaraan, at nakikialam sa pagaaway na hindi ukol sa kaniya, ay gaya ng humahawak ng aso sa mga tainga.
18 Kung paano ang taong ulol na naghahagis ng mga dupong na apoy, mga pana, at kamatayan;
19 Gayon ang tao na nagdadaya sa kaniyang kapuwa, at nagsasabi, hindi ko ba ginagawa sa paglilibang?
20 Sapagka't sa kakulangan ng gatong ay namamatay ang apoy: at kung saan walang mapaghatid-dumapit ay tumitigil ang pagkakaalit.
21 Kung paano ang mga uling sa mga baga, at ang kahoy sa apoy; gayon ang taong madaldal na nagpapaningas ng pagkakaalit.
22 Ang mga salita ng mapaghatid-dumapit ay parang mga masarap na subo, at nagsisibaba sa mga pinakaloob na bahagi ng tiyan.
23 Mga mapusok na labi at masamang puso ay parang sisidlang-lupa na nababalot ng dumi ng pilak.
24 Ang nagtatanim ay nagpapakunwari ng kaniyang mga labi, nguni't siya'y naglalagay ng pagdaraya sa loob niya:
25 Pagka siya'y nagsasalitang mainam, huwag mo siyang paniwalaan; sapagka't may pitong karumaldumal sa kaniyang puso:
26 Bagaman ang kaniyang pagtatanim ay magtakip ng karayaan, at ang kaniyang kasamaan ay lubos na makikilala sa harap ng kapisanan.
27 Ang humuhukay ng lungaw ay mabubuwal doon: at siyang nagpapagulong ng bato, ay babalikan nito siya.
28 Ang sinungaling na dila ay nagtatanim sa mga sinaktan niya; at ang bibig ng kunwang mapagpuri ay gumagawa ng kapahamakan.




Kabanata 27

1 Huwag mong ipaghambog ang kinabukasan; Sapagka't hindi mo nalalaman kung ano ang ilalabas ng ibang araw.
2 Purihin ka ng ibang tao at huwag ng iyong sariling bibig; ng iba, at huwag ng iyong sariling mga labi.
3 Ang bato ay mabigat, at ang buhangin ay matimbang; nguni't ang galit ng mangmang ay lalong mabigat kay sa mga yaon.
4 Poot ay mabagsik, at ang galit ay mamumugnaw, nguni't sinong makatatayo sa harap ng paninibugho?
5 Maigi ang saway na hayag kay sa pagibig na nakukubli.
6 Tapat ang mga sugat ng kaibigan: nguni't ang mga halik ng kaaway ay malabis.
7 Ang busog na tao ay umaayaw sa pulot-pukyutan: nguni't sa gutom na tao ay matamis ang bawa't mapait na bagay.
8 Kung paano ang ibon na gumagala mula sa kaniyang pugad, gayon ang tao na gumagala mula sa kaniyang dako.
9 Ang unguento at pabango ay nagpapagalak ng puso: gayon ang katamisan ng kaibigan ng tao na nagbubuhat sa maiging payo.
10 Ang iyong sariling kaibigan at ang kaibigan ng iyong ama, ay huwag mong pabayaan; at huwag kang pumaroon sa bahay ng iyong kapatid sa kaarawan ng iyong kasakunaan: maigi ang kapuwa na malapit kay sa kapatid na malayo.
11 Anak ko, ikaw ay magpakadunong, at iyong pasayahin ang aking puso, upang aking masagot siya na tumutuya sa akin.
12 Ang taong mabait ay nakakakita ng kasamaan, at nagkukubli: nguni't dinadaanan ng musmos, at naghihirap.
13 Kunin mo ang kaniyang kasuutan na nananagot sa di kilala; at tanggapan mo siya ng sanla na nananagot sa babaing di kilala.
14 Siyang nagpapala sa kaniyang kaibigan ng malakas na tinig, na bumabangong maaga sa kinaumagahan, mabibilang na sumpa sa kaniya.
15 Ang laging tulo sa araw na maulan at ang babaing palatalo ay magkahalintulad:
16 Ang magibig pumigil sa kaniya, ay pumipigil sa hangin, at ang kaniyang kanan ay nakakasumpong ng langis.
17 Ang bakal ay nagpapatalas sa bakal; gayon ang tao ay nagpapatalas sa mukha ng kaniyang kaibigan.
18 Ang nagiingat ng puno ng higos ay kakain ng bunga niyaon; at ang naghihintay sa kaniyang panginoon ay pararangalin.
19 Kung paanong sa tubig ang mukha ay sumasagot sa mukha, gayon ang puso ng tao sa tao.
20 Ang Sheol at ang kapahamakan ay hindi nasisiyahan kailan man; at ang mga mata ng tao ay hindi nasisiyahan kailan man.
21 Ang sangagan ay sa pilak, at ang hurno ay sa ginto, at ang tao ay nasusubok sa pamamagitan ng kaniyang pagpuri.
22 Bagaman iyong piitin ang mangmang sa isang piitan na kasama ng pangbayo sa mga bayong trigo, gayon ma'y hindi hihiwalay ang kaniyang kamangmangan sa kaniya.
23 Magmasipag ka na alamin mo ang kalagayan ng iyong mga kawan, at tingnan mong mabuti ang iyong mga bakahan:
24 Sapagka't ang mga kayamanan ay hindi magpakailan man: at namamalagi ba ang putong sa lahat ng sali't saling lahi?
25 Ang tuyong damo ay pinupulot, at ang sariwang damo ay lumilitaw, at ang mga gugulayin sa mga bundok ay pinipisan.
26 Ang mga kordero ay ukol sa iyong kasuutan, at ang mga kambing ay siyang halaga ng bukid:
27 At magkakaroon ng kasiyahang gatas ng kambing sa iyong pagkain, sa pagkain ng iyong sangbahayan; at pagkain sa iyong mga alilang babae.




Kabanata 28

1 Ang masama ay tumatakas ng walang taong humahabol: nguni't ang matuwid ay matapang na parang leon.
2 Dahil sa pagsalangsang ng lupain ay marami ang kaniyang mga pangulo: nguni't sa naguunawa at matalino ay malalaon ang kalagayan niya.
3 Ang mapagkailangan na pumipighati sa dukha ay parang bugso ng ulan na hindi nagiiwan ng pagkain.
4 Silang nangagpapabaya sa kautusan ay nagsisipuri sa masama: nguni't ang nangagiingat ng kautusan ay nangakikipagkaalit sa kanila.
5 Ang masasamang tao ay hindi nangakakaunawa ng kahatulan: nguni't silang nagsisihanap sa Panginoon ay nangakakaunawa sa lahat ng mga bagay.
6 Maigi ang dukha na lumalakad sa kaniyang pagtatapat, kay sa suwail sa kaniyang mga lakad, bagaman siya'y mayaman.
7 Sinomang nagiingat ng kautusan ay pantas na anak: nguni't siyang kasama ng mga matakaw ay nagbibigay kahihiyan sa kaniyang ama.
8 Ang nagpapalago ng kaniyang yaman sa tubo at pakinabang, ay pumipisan sa ganang may awa sa dukha.
9 Siyang naglalayo ng kaniyang pakinig sa pakikinig ng kautusan, maging ang kaniyang dalangin ay karumaldumal.
10 Sinomang nagliligaw sa matuwid sa masamang daan, siya'y mahuhulog sa kaniyang sariling lungaw: nguni't ang sakdal ay magmamana ng mabuti.
11 Ang mayaman ay pantas sa ganang kaniyang sarili; nguni't ang dukha na naguunawa ay sumisiyasat.
12 Pagka ang matuwid ay nagtatagumpay, may dakilang kaluwalhatian: nguni't pagka ang masama ay bumabangon, nagsisipagtago ang mga tao.
13 Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalangsang ay hindi giginhawa: nguni't ang nagpapahayag at nagiiwan ng mga yaon ay magtatamo ng kaawaan.
14 Masaya ang tao na natatakot na lagi: nguni't siyang nagmamatigas ng kaniyang kalooban ay mahuhulog sa kahirapan.
15 Kung paano ang umuungal na leon at ang gutom na oso, gayon ang masamang pinuno sa maralitang bayan.
16 Ang pangulo na kulang sa paguunawa ay lubhang mamimighati rin: nguni't siyang nagtatanim sa kasakiman ay dadami ang kaniyang mga kaarawan.
17 Ang tao na nagpapasan ng dugo ng sinomang tao, tatakas sa lungaw; huwag siyang pigilin ng sinoman.
18 Ang lumalakad ng matuwid ay maliligtas: nguni't siyang masama sa kaniyang mga lakad ay mabubuwal na bigla.
19 Siyang bumubukid ng kaniyang lupain ay magkakaroon ng saganang tinapay: nguni't siyang sumusunod sa mga walang kabuluhang tao ay madudukhang mainam.
20 Ang tapat na tao ay mananagana sa pagpapala: nguni't siyang nagmamadali sa pagyaman ay walang pagsalang parurusahan.
21 Magkaroon ng pagtatangi sa mga pagkatao ay hindi mabuti: ni hindi man sasalangsang ang tao dahil sa isang putol na tinapay.
22 Siyang may masamang mata ay nagmamadali sa pagyaman, at hindi nakakaalam, na kasalatan ay darating sa kaniya.
23 Siyang sumasaway sa isang tao ay makakasumpong sa ibang araw ng higit na lingap kay sa doon sa kunwa'y pumupuri ng dila.
24 Ang nagnanakaw sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, at nagsasabi, hindi ito pagsalangsang; Yao'y kasama rin ng maninira.
25 Siyang may sakim na diwa ay humihila ng kaalitan: nguni't siyang naglalagak ng kaniyang tiwala sa Panginoon ay tataba.
26 Siyang tumitiwala sa kaniyang sariling puso ay mangmang: nguni't ang lumakad na may kapantasan, ay maliligtas.
27 Siyang nagbibigay sa dukha ay hindi masasalat: nguni't siyang nagkukubli ng kaniyang mga mata ay magkakaroon ng maraming sumpa.
28 Pagka ang masama ay bumabangon, nagsisipagkubli ang mga tao; nguni't pagka sila'y nangamamatay, dumadami ang matuwid.




Kabanata 29

1 Ang madalas na masaway na nagpapatigas ng kaniyang leeg, biglang mababali, at walang kagamutan.
2 Pagka ang matuwid ay dumadami, ang bayan ay nagagalak: nguni't pagka ang masama ay nagpupuno, ang bayan ay nagbubuntong-hininga.
3 Ang umiibig ng karunungan ay nagpapagalak sa kaniyang ama: nguni't ang nakikisama sa mga patutot ay sumisira ng kaniyang tinatangkilik.
4 Ang hari ay nagtatatag ng lupain sa pamamagitan ng kahatulan: nguni't ang humihingi ng suhol ay gumigiba.
5 Ang tao na kunwang pumupuri sa kaniyang kapuwa naglalagay ng bitag sa kaniyang mga hakbang.
6 Sa pagsalangsang ng masamang tao ay may silo: nguni't ang matuwid ay umaawit at nagagalak.
7 Ang matuwid ay kumukuhang alam sa bagay ng dukha: ang masama ay walang unawang makaalam.
8 Ang mga mangduduwahaging tao ay naglalagay ng bayan sa liyab: nguni't ang mga pantas na tao ay nagaalis ng poot.
9 Kung ang pantas ay magkaroon ng pakikipagtalo sa isang mangmang, magalit man o tumawa, ang mangmang ay hindi magkakaroon ng kapahingahan.
10 Ang mangbububo ng dugo ay nagtatanim sa sakdal: at tungkol sa matuwid, hinahanap nila ang kaniyang buhay.
11 Inihihinga ng mangmang ang buong galit niya: nguni't ang pantas ay nagpipigil at tumitiwasay.
12 Kung ang puno ay nakikinig sa kabulaanan, lahat niyang mga lingkod ay masasama.
13 Ang dukha at ang mamimighati ay nagsasalubong; pinapagniningas ng Panginoon ang mga mata nila kapuwa.
14 Ang hari na humahatol na tapat sa dukha, ang kaniyang luklukan ay matatatag magpakailan man.
15 Ang pamalo at saway ay nagbibigay karunungan: nguni't ang batang binabayaan ay humihiya sa kaniyang ina.
16 Pagka ang masama ay dumadami, pagsalangsang ay dumadami: nguni't mamamasdan ng matuwid ang kanilang pagkabuwal.
17 Sawayin mo ang iyong anak, at bibigyan ka niya ng kapahingahan; Oo, bibigyan niya ng kaluguran ang iyong kaluluwa.
18 Kung saan walang pangitain, ang bayan ay sumasama: nguni't siyang nagiingat ng kautusan ay maligaya siya.
19 Ang alipin ay hindi masasaway ng mga salita: sapagka't bagaman nalalaman niya ay hindi siya makikinig.
20 Nakikita mo ba ang tao, na nagmamadali sa kaniyang mga salita? May pagasa pa sa mangmang kay sa kaniya.
21 Siyang maingat na nagpalaki ng kaniyang lingkod mula sa pagkabata, magiging anak niya siya sa kawakasan.
22 Ang taong magagalitin ay humihila ng kaalitan, at ang mainiting tao ay nananagana sa pagsalangsang.
23 Ang kapalaluan ng tao ay magbababa sa kaniya: nguni't ang may mapagpakumbabang diwa ay magtatamo ng karangalan.
24 Ang nakikisama sa isang magnanakaw ay nagtatanim sa kaniyang sariling kaluluwa: siya'y nakakarinig ng sumpa at hindi umiimik.
25 Ang pagkatakot sa tao ay nagdadala ng silo: nguni't ang naglalagak ng kaniyang tiwala sa Panginoon ay maliligtas.
26 Marami ang nagsisihanap ng lingap ng pinuno: nguni't ang kahatulan ng tao ay nagmumula sa Panginoon.
27 Ang di ganap na tao ay karumaldumal sa matuwid: at ang matuwid sa lakad ay karumaldumal sa masama.




Kabanata 30

1 Ang mga salita ni Agur na anak ni Jache; ang sanggunian. Sinabi ng lalake kay Ithiel, kay Ithiel, at kay Ucal:
2 Tunay na ako'y hangal kay sa kaninoman, at walang kaunawaan ng isang tao:
3 At hindi ako natuto ng karunungan, ni mayroon man ako ng kaalaman ng Banal.
4 Sino ang sumampa sa langit, at bumaba? Sino ang pumisan ng hangin sa kaniyang mga dakot? Sinong nagtali ng tubig sa kaniyang kasuutan? Sinong nagtatag ng lahat ng mga wakas ng lupa? Ano ang kaniyang pangalan, at ano ang pangalan ng kaniyang anak kung iyong nalalaman?
5 Bawa't salita ng Dios ay subok: siya'y kalasag sa kanila, na nanganganlong sa kaniya.
6 Huwag kang magdagdag sa kaniyang mga salita, baka kaniyang sawayin ka, at masunduan kang sinungaling.
7 Dalawang bagay ang hiniling ko sa iyo; huwag mong ipagkait sa akin bago ako mamatay.
8 Ilayo mo sa akin ang walang kabuluhan at ang mga kasinungalingan: huwag mo akong bigyan ng kahit karalitaan o kayamanan man; pakanin mo ako ng pagkain na kailangan ko:
9 Baka ako'y mabusog, at magkaila sa iyo, at magsabi, sino ang Panginoon? O baka ako'y maging dukha, at magnakaw ako, at gumamit ng paglapastangan sa pangalan ng aking Dios.
10 Huwag mong pawikaan ang alipin sa kaniyang panginoon, baka ka tungayawin niya, at ikaw ay maging salarin.
11 May lahi na tumutungayaw sa kanilang ama. At hindi pinagpapala ang kanilang ina.
12 May lahi na malinis sa harap ng kanilang sariling mga mata, at gayon man ay hindi hugas sa kanilang karumihan.
13 May lahi, Oh pagka mapagmataas ng kanilang mga mata! At ang kanilang mga talukap-mata ay nangakataas.
14 May lahi na ang mga ngipin ay parang mga tabak, at ang kanilang mga bagang ay parang mga sundang, upang lamunin ang dukha mula sa lupa, at ang mapagkailangan sa gitna ng mga tao.
15 Ang linga ay may dalawang anak, na sumisigaw, bigyan mo, bigyan mo. May tatlong bagay na kailan man ay hindi nasisiyahan, Oo, apat na hindi nagsasabi, siya na:
16 Ang Sheol; at ang baog na bahay-bata; ang lupa na hindi napapatiranguhaw ng tubig; at ang apoy na hindi nagsasabi, siya na.
17 Ang mata na tumutuya sa kaniyang ama, at humahamak ng pagsunod sa kaniyang ina, tutukain ito ng mga uwak sa libis, at kakanin ito ng mga inakay na aguila.
18 May tatlong bagay na totoong kagilagilalas sa akin, Oo, apat na hindi ko nalalaman:
19 Ang lipad ng aguila sa hangin; ang usad ng ahas sa ibabaw ng mga bato; ang lutang ng sasakyan sa gitna ng dagat; at ang lakad ng lalake na kasama ng isang dalaga.
20 Gayon ang lakad ng mangangalunyang babae; siya'y kumakain, at nagpapahid ng kaniyang bibig, at nagsasabi, hindi ako gumawa ng kasamaan.
21 Sa tatlong bagay ay nanginginig ang lupa, at sa apat na hindi niya madala:
22 Sa isang alipin, pagka naghahari; at sa isang mangmang, pagka nabubusog ng pagkain;
23 Sa isang babaing nakayayamot, pagka nagaasawa; at sa isang aliping babae, na nagmamana sa kaniyang panginoong babae.
24 May apat na bagay na maliit sa lupa, nguni't lubhang mga pantas:
25 Ang mga langgam ay bayang hindi matibay, gayon ma'y nagiimbak ng kanilang pagkain sa taginit;
26 Ang mga koneho ay hayop na mahina, gayon ma'y nagsisigawa sila ng kanilang mga bahay sa malalaking bato;
27 Ang mga balang ay walang hari, gayon ma'y lumalabas silang lahat na pulupulutong;
28 Ang butiki ay tumatangan ng kaniyang mga kamay, gayon ma'y nasa mga bahay ng mga hari siya.
29 May tatlong bagay na maganda sa kanilang lakad, Oo, apat na mainam sa lakad:
30 Ang leon na pinaka matapang sa mga hayop, at hindi humihiwalay ng dahil sa kanino man;
31 Ang asong matulin; ang kambing na lalake rin naman: at ang hari na hindi malalabanan.
32 Kung ikaw ay gumagawa ng kamangmangan sa pagmamataas, o kung ikaw ay umisip ng kasamaan, ilagay mo ang iyong kamay sa iyong bibig.
33 Sapagka't sa pagbati sa gatas ay naglalabas ng mantekilya, at sa pagsungalngal sa ilong ay lumalabas ang dugo: Gayon ang pamumungkahi sa poot ay naglalabas ng kaalitan.




Kabanata 31

1 Ang mga salita ng haring Lemuel; ang sanggunian na itinuro sa kaniya ng kaniyang ina.
2 Ano anak ko? at ano, Oh anak ng aking bahay-bata? At ano, Oh anak ng aking mga panata?
3 Huwag mong ibigay ang iyong kalakasan sa mga babae, o ang iyo mang mga lakad sa lumilipol ng mga hari.
4 Hindi sa mga hari, Oh Lemuel, hindi sa mga hari ang paginom ng alak; ni sa mga pangulo man, na magsabi, saan nandoon ang matapang na alak?
5 Baka sila'y uminom, at makalimotan ang kautusan, at humamak ng kahatulan sa sinomang nagdadalamhati.
6 Bigyan mo ng matapang na inumin siya na handang manaw, at ng alak ang mapanglaw na loob.
7 Uminom siya at limutin niya ang kaniyang kahirapan, at huwag nang alalahanin pa ang kaniyang karalitaan.
8 Bukhin mo ang iyong bibig sa pipi, sa bagay ng lahat ng naiwang walang kandili.
9 Bukhin mo ang iyong bibig, humatol ka ng katuwiran, at mangasiwa ka ng kahatulan sa dukha at mapagkailangan.
10 Isang mabait na babae sinong makakasumpong? Sapagka't ang kaniyang halaga ay higit na makapupo kay sa mga rubi.
11 Ang puso ng kaniyang asawa ay tumitiwala sa kaniya, at siya'y hindi kukulangin ng pakinabang.
12 Gumagawa siya ng mabuti sa kaniya at hindi kasamaan lahat ng mga kaarawan ng kaniyang buhay.
13 Siya'y humahanap ng balahibo ng tupa at lino, at gumagawang kusa ng kaniyang mga kamay.
14 Siya'y parang mga sasakyang dagat ng kalakal; nagdadala siya ng kaniyang pagkain mula sa malayo.
15 Siya'y bumabangon naman samantalang gabi pa, at nagbibigay ng pagkain sa kaniyang sangbahayan, at ng kanilang gawain sa kaniyang alilang babae.
16 Kaniyang minamasdan ang bukid at binibili: sa pamamagitan ng kaniyang kamay ay nagtatanim siya ng ubasan.
17 Binibigkisan niya ang kaniyang mga balakang ng kalakasan, at nagpapalakas ng kaniyang mga bisig.
18 Kaniyang namamalas na ang kaniyang kalakal ay makikinabang: ang kaniyang ilaw ay hindi namamatay sa gabi.
19 Kaniyang itinangan ang kaniyang mga kamay sa panulid, at ang kaniyang mga kamay ay humahawak ng panghabi.
20 Iginagawad niya ang kaniyang kamay sa dukha: Oo, iniaabot niya ang kaniyang mga kamay sa mapagkailangan.
21 Hindi niya ikinatatakot ang kaniyang sangbahayan sa niebe; sapagka't ang boo niyang sangbahayan ay nakapanamit ng mapulang mapula.
22 Gumagawa siya sa ganang kaniya ng mga unang may burda; ang kaniyang pananamit ay mainam na kayong lino at ng kayong kulay ube.
23 Ang kaniyang asawa ay kilala sa mga pintuang-bayan, pagka siya'y nauupo sa kasamahan ng mga matanda ng lupain.
24 Gumagawa siya ng mga kasuutang kayong lino at ipinagbibili; at nagbibigay ng mga pamigkis sa mga mangangalakal.
25 Kalakasan at kamahalan ay siyang kaniyang suot. At kaniyang tinatawanan ang panahong darating.
26 Binubuka niya ang kaniyang bibig na may karunungan; at ang kautusan ng kagandahang-loob ay nasa kaniyang dila.
27 Kaniyang tinitignang mabuti ang mga lakad ng kaniyang sangbahayan, at hindi kumakain ng tinapay ng katamaran.
28 Nagsisibangon ang kaniyang mga anak, at tinatawag siyang mapalad; gayon din ang kaniyang asawa, at pinupuri siya niya, na sinasabi:
29 Maraming anak na babae ay nagsisigawang may kabaitan, nguni't ikaw, ay humihigit sa kanilang lahat.
30 Ang lingap ay magdaraya, at ang kagandahan ay walang kabuluhan: nguni't ang babae na natatakot sa Panginoon, ay siya'y pupurihin.
31 Bigyan ninyo siya ng bunga ng kaniyang mga kamay; at purihin siya ng kaniyang mga gawa sa mga pintuang-bayan.