Ang Mangangaral

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12


Kabanata 1

1 Ang mga salita ng Mangangaral, na anak ni David, hari sa Jerusalem.
2 Walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan, sabi ng Mangangaral; walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan, lahat ay walang kabuluhan.
3 Anong pakinabang mayroon ang tao sa lahat ng kaniyang gawa, na kaniyang ginagawa sa ilalim ng araw?
4 Isang salin ng lahi ay yumayaon, at ibang salin ng lahi ay dumarating; nguni't ang lupa ay nananatili magpakailan man.
5 Ang araw naman ay sumisikat, at ang araw ay lumulubog, at nagmamadali sa dakong sinisikatan nito.
6 Ang hangin ay yumayaon sa dakong timugan, at pumipihit sa hilagaan: at laging pumipihit na patuloy, at ang hangin ay bumabalik uli ayon sa kaniyang pihit.
7 Lahat ng mga ilog ay humuhugos sa dagat, gayon may hindi napupuno ang dagat; sa dakong hinuhugusan ng mga ilog, doon din nagsisihugos uli ang mga yaon.
8 Lahat ng mga bagay ay puspos ng pagaalapaap; hindi maisasaysay ng tao: ang mata ay hindi nasisiyahan ng pagtingin, ni ang tainga man ay nasisiyahan sa pakikinig.
9 Yaong nangyari ay siyang mangyayari; at yaong nagawa ay siyang magagawa: at walang bagong bagay sa ilalim ng araw.
10 May bagay ba na masasabi ang mga tao, Tingnan mo, ito'y bago? nayari nga sa mga panahon na una sa atin.
11 Walang alaala sa mga dating lahi; ni magkakaroon man ng alaala sa mga huling salin ng lahi na darating, sa mga yaon na darating pagkatapos.
12 Akong Mangangaral ay naging hari sa Israel sa Jerusalem.
13 At inihilig ko ang aking puso na hanapin at siyasatin sa pamamagitan ng karunungan ang lahat na nagawa sa silong ng langit: mahirap na pagdaramdam na ito ang ibinigay ng Dios sa mga anak ng mga tao, upang pagsanayan.
14 Aking nakita ang lahat na gawa, na nagawa sa ilalim ng araw; at, narito, lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.
15 Ang baluktot ay hindi matutuwid: at ang kulang ay hindi mabibilang.
16 Ako'y sumangguni sa aking sariling puso, na sinasabi ko, Narito, nagtamo ako sa akin ng malaking karunungan ng higit kay sa lahat na nauna sa akin sa Jerusalem: oo, ang puso ko'y nagtaglay ng malaking kabihasnan sa karunungan at kaalaman.
17 At inihilig ko ang aking puso na makaalam ng karunungan, at makaalam ng kaululan at ng kamangmangan: aking nahalata na ito man ay nauuwi sa wala.
18 Sapagka't sa maraming karunungan at maraming kapanglawan: at siyang nananagana sa kaalaman ay nananagana sa kapanglawan.




Kabanata 2

1 Sinabi ko sa aking puso: Pumarito ka ngayon, Susubukin kitang may kasayahan; kaya't magsawa ka sa kalayawan: at narito, ito rin ay walang kabuluhan.
2 Aking sinabi tungkol sa tawa, Ito'y ulol: at sa kasayahan, Anong ginagawa nito?
3 Aking siniyasat sa aking puso na kung paanong masasayahan ang aking katawan sa pamamagitan ng alak, pinapatnubayan pa ng karunungan ang aking puso at kung paanong hahawak sa kamangmangan, hanggang sa aking makita kung ano ang mabuti sa mga anak ng mga tao na marapat nilang gawin sa silong ng langit sa lahat ng mga kaarawan ng kanilang buhay.
4 Gumawa ako sa ganang akin ng mga malaking gawa; nagtayo ako sa ganang akin ng mga bahay; nagtanim ako sa ganang akin ng mga ubasan;
5 Gumawa ako sa ganang akin ng mga halamanan at mga liwasan, at aking tinamnan ng mga sarisaring puno ng kahoy na nagkakabunga:
6 Gumawa ako sa ganang akin ng mga tipunan ng tubig, upang dumilig ng gubat na pagtatamnan ng mga puno ng kahoy:
7 Ako'y bumili ng mga aliping lalake at babae, at nagkaroon ako ng mga aliping ipinanganak sa aking bahay; nagkaroon din naman ako ng mga malaking pag-aari na mga bakahan at mga kawan, ng higit kay sa lahat na nauna sa akin sa Jerusalem:
8 Nagtipon din ako sa ganang akin ng pilak at ginto, at ng tanging kayamanan ng mga hari at ng mga lalawigan: nagtatangkilik ako sa akin ng mga lalaking mangaawit at mga babaing mangaawit, at ng mga kalayawan ng mga anak ng mga tao, mga sarisaring instrumento ng musiko iya'y totoong marami.
9 Sa gayo'y naging dakila ako, at lumago ako ng higit kay sa lahat na nauna sa akin sa Jerusalem: ang akin namang karunungan ay namamalagi sa akin.
10 At anomang ninasa ng aking mga mata ay hindi ko ipinagkait: hindi ko pinigil ang aking puso sa anomang kagalakan, sapagka't nagagalak ang aking puso dahil sa lahat kong gawain; at ito ang aking bahagi na mula sa lahat kong gawain.
11 Nang magkagayo'y minasdan ko ang lahat ng mga gawa, na ginawa ng aking mga kamay, at ang gawain na aking pinagsikapang gawin; at, narito, lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala, at walang pakinabang sa ilalim ng araw.
12 At ako'y pumihit upang masdan ang karunungan, at ang kaululan at ang kamangmangan; sapagka't ano ang magagawa ng tao na sumusunod sa hari? samakatuwid baga'y ang nagawa na laong panahon ng nakaraan.
13 Nang magkagayo'y aking nakita, na ang karunungan ay humihigit sa kamangmangan, na gaya ng liwanag na humihigit sa dilim.
14 Ang mga mata ng pantas ay na sa kaniyang ulo, at ang mangmang ay lumalakad sa kadiliman: at gayon ma'y aking namalas na isang pangyayari ang nangyari sa kanilang lahat.
15 Nang magkagayo'y sinabi ko sa puso ko, Kung ano ang nangyari sa mangmang gayon ang mangyayari sa akin; at bakit pa nga ako naging lalong pantas? Nang magkagayo'y sinabi ko sa puso ko, na ito man ay walang kabuluhan.
16 Sapagka't kung paano sa pantas ay gayon din sa mangmang, walang alaala magpakailan man; dangang sa mga araw na darating ay malilimutang lahat na. At kung paanong ang pantas ay namamatay ay gayon ang mangmang!
17 Sa gayo'y ipinagtanim ko ang buhay; sapagka't ang gawa na ginawa sa ilalim ng araw ay mapanglaw sa akin: sapagka't lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.
18 At ipinagtanim ko ang lahat kong gawa na aking ginawa sa ilalim ng araw: yamang marapat kong iwan sa tao na susunod sa akin.
19 At sinong nakakaalam kung siya'y magiging isang pantas o isang mangmang? gayon ma'y magpupuno siya sa lahat ng aking gawa, na aking ginawa, at sa aking pinagpakitaan ng karunungan sa ilalim ng araw. Ito man ay walang kabuluhan.
20 Kaya't ako'y bumalik upang aking alisan ng pagasa ang aking puso tungkol sa lahat na gawa na aking ginawa sa ilalim ng araw.
21 Sapagka't may tao, na ang gawa ay sa pamamagitan ng karunungan, at ng kaalaman, at ng kabihasnan; gayon ma'y sa tao na hindi gumawa niyaon ay iiwan niya na pinakabahagi niyaon. Ito man ay walang kabuluhan at malaking kasamaan.
22 Sapagka't ano ang tinatamo ng tao sa lahat niyang gawa, at sa nais ng kaniyang puso na kaniyang iginawa sa ilalim ng araw?
23 Sapagka't lahat niyang kaarawan ay mga kapanglawan lamang, at ang kaniyang pagdaramdam ay hapis; oo, pati sa gabi ay hindi nagpapahinga ang kaniyang puso. Ito man ay walang kabuluhan.
24 Walang maigi sa tao kundi ang kumain at uminom, at pagalaking mabuti ang kaniyang kaluluwa sa kaniyang gawa. Ito man ay aking nakita na mula sa kamay ng Dios.
25 Sapagka't sinong makakakain, o sinong makapagtataglay ng kagalakang higit kay sa akin?
26 Sapagka't ang tao na kinaluluguran niya, binibigyan ng Dios ng karunungan, at kaalaman, at kagalakan: nguni't ang makasalanan ay binibigyan niya ng damdam, na magpisan at magbunton, upang maibigay sa kaniya na kinaluluguran ng Dios. Ito man ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.




Kabanata 3

1 Sa bawa't bagay ay may kapanahunan, at panahon sa bawa't panukala sa silong ng langit:
2 Panahon ng kapanganakan, at panahon ng kamatayan; panahon ng pagtatanim, at panahon ng pagbunot ng itinanim;
3 Panahon ng pagpatay, at panahon ng pagpapagaling; panahon ng paggiba, at panahon ng pagtatayo;
4 Panahon ng pagiyak, at panahon ng pagtawa; panahon ng pagtangis, at panahon ng pagsayaw;
5 Panahon ng paghahagis ng mga bato, at panahon ng pagpipisan ng mga bato; panahon ng pagyakap, at panahon ng pagpipigil sa pagyakap;
6 Panahon ng paghanap, at panahon ng pagkawala: panahon ng pagiingat, at panahon ng pagtatapon;
7 Panahon ng pagpunit, at panahon ng pananahi; panahon ng pagtahimik, at panahon ng pagsasalita;
8 Panahon ng pagibig, at panahon ng pagtatanim; panahon ng digma, at panahon ng kapayapaan.
9 Anong pakinabang ang tinatamo niya, na gumagawa sa kaniyang pinagpapagalan?
10 Aking nakita ang sakit na ibinigay ng Dios sa mga anak ng mga tao upang pagsanayan.
11 Ginawa niya ang bawa't bagay na maganda sa kapanahunan niyaon: inilagay rin niya ang sanglibutan sa kanilang puso, na anopa't hindi matalos ng tao ang gawa na ginawa ng Dios mula sa pasimula hanggang sa wakas.
12 Nalalaman ko, na walang maigi sa kanila, kay sa magalak, at gumawa ng mabuti habang sila'y nabubuhay.
13 At ang bawa't tao rin naman ay marapat kumain at uminom, at magalak sa kabutihan sa lahat niyang gawa, siyang kaloob ng Dios.
14 Nalalaman ko, na anomang ginagawa ng Dios, magiging magpakailan pa man: walang bagay na maidadagdag, o anomang bagay na maaalis: at ginawa ng Dios, upang ang tao ay matakot sa harap niya.
15 Ang nangyari sa nagdaan ay nangyari na; at ang mangyayari pa ay nangyari na rin; at hinahanap uli ng Dios ang nakaraan na.
16 At bukod dito'y aking nakita sa ilalim ng araw, sa dako ng kahatulan, na nandoon ang kasamaan; at sa dako ng katuwiran, na nandoon ang kasamaan.
17 Sinabi ko sa puso ko, Hahatulan ng Dios ang matuwid at ang masama: sapagka't may panahon doon sa bawa't panukala at sa bawa't gawa.
18 Sinabi ko sa puso ko, Dahil sa mga anak ng mga tao, upang subukin sila ng Dios, at upang kanilang makita na sila'y mga hayop lamang.
19 Sapagka't ang nangyayari sa mga anak ng mga tao ay nangyayari sa mga hayop: sa makatuwid baga'y isang bagay ang nangyari sa kanila: kung paanong namamatay ang hayop, gayon namamatay ang tao; oo, silang lahat ay may isang hininga; at ang tao ay wala ng karangalang higit sa hayop: sapagka't lahat ay walang kabuluhan.
20 Lahat ay nagsisiyaon sa isang dako; lahat ay buhat sa alabok, at lahat ay nangauuwi sa alabok uli.
21 Sinong nakakaalam ng diwa ng tao kung napaiilanglang, at ng diwa ng hayop kung napaiibaba sa lupa?
22 Kaya't aking nakita, na walang bagay na maigi, kundi ang tao ay magalak sa kaniyang mga gawa; sapagka't siyang kaniyang bahagi: sapagka't sinong magbabalik sa kaniya upang makita ang mangyayari pagkamatay niya?




Kabanata 4

1 Nang magkagayo'y pumihit ako, at aking nakita ang lahat na kapighatian na nagawa sa ilalim ng araw: at, narito, ang mga luha ng mga yaon, na napipighati, at wala silang mangaaliw: at sa siping ng mga mamimighati sa kanila ay may kapangyarihan, nguni't wala silang mangaaliw.
2 Kaya't aking pinuri ang patay na namatay na, ng higit kay sa may buhay na nabubuhay pa;
3 Oo, maigi kay sa kanila kapuwa ang hindi ipinanganganak, na hindi nakakita ng masamang gawa na nagawa sa ilalim ng araw.
4 Nang magkagayo'y nakita ko ang lahat na gawa, at bawa't gawang mainam na dahil dito ay pinananaghilian ang tao ng kaniyang kapuwa. Ito man ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.
5 Inihahalukipkip ng mangmang ang kaniyang mga kamay, at kumakain ng kaniyang sariling laman.
6 Maigi ang isang dakot na may katahimikan, kay sa dalawang dakot na may kahirapan at walang kabuluhan.
7 Nang magkagayo'y bumalik ako at aking nakita ang walang kabuluhan sa ilalim ng araw.
8 May isa na nagiisa, at siya'y walang pangalawa; oo, siya'y walang anak o kapatid man; gayon ma'y walang wakas sa lahat niyang gawa, ni nasisiyahan man ang kaniyang mga mata sa mga kayamanan. Dahil kanino nga, sabi niya, nagpapagal ako, at binabawahan ko ang aking kaluluwa ng mabuti? Ito man ay walang kabuluhan, oo, mahirap na damdam.
9 Dalawa ay maigi kay sa isa; sapagka't sila'y may mabuting kagantihan sa kanilang gawa.
10 Sapagka't kung sila'y mabuwal, ibabangon ng isa ang kaniyang kasama; nguni't sa aba niya, na nagiisa pagka siya'y nabuwal, at walang iba na magbangon sa kaniya.
11 Muli, kung ang dalawa ay mahigang magkasama, may init nga sila: nguni't paanong makapagpapainit ang isa na nagiisa?
12 At kung ang isang tao ay manaig laban sa kaniya na nagiisa, ang dalawa ay makalalaban sa kaniya; at ang panaling tatlong ikid ay hindi napapatid na madali.
13 Maigi ang dukha at pantas na bata kay sa matanda at mangmang na hari, na hindi nakakaalam ng pagtanggap ng payo pa.
14 Sapagka't mula sa bilangguan ay lumabas siya upang maghari; oo, sa kaniyang kaharian nga ay ipinanganak siyang dukha.
15 Aking nakita ang lahat na may buhay, na nagsisilakad sa ilalim ng araw, na sila'y kasama ng bata, ng ikalawa, na tumatayo na kahalili niya.
16 Walang wakas sa lahat ng bayan, sa makatuwid baga'y sa lahat na pinaghaharian niya: gayon ma'y silang darating pagkatapos ay hindi mangagagalak sa kaniya.Tunay na ito man ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.




Kabanata 5

1 Ingatan mo ang iyong paa pagka ikaw ay napasasa bahay ng Dios; sapagka't ang paglapit upang makinig ay maigi kay sa magbigay ng hain ng mga mangmang: sapagka't hindi nila nalalaman na sila'y nagsisigawa ng kasamaan.
2 Huwag kang pakabigla ng iyong bibig, at huwag magmadali ang iyong puso na magsalita ng anomang bagay sa harap ng Dios; sapagka't ang Dios ay nasa langit, at ikaw ay nasa lupa: kaya't pakauntiin mo ang iyong mga salita.
3 Sapagka't ang panaginip ay dumarating sa karamihan ng gawain; at ang tinig ng mangmang sa karamihan ng mga salita.
4 Pagka ikaw ay nananata ng panata sa Dios, huwag kang magliban ng pagtupad; sapagka't siya'y walang kaligayahan sa mga mangmang: tuparin mo ang iyong ipinanata.
5 Maigi nga ang ikaw ay huwag manata, kay sa ikaw ay manata at hindi tumupad.
6 Huwag bayaan ang iyong bibig, na papagkasalanin ang iyong laman; at huwag ka mang magsabi sa harap ng anghel, na isang kamalian: bakit nga magagalit ang Dios sa iyong tinig, at sisirain ang gawa ng iyong mga kamay?
7 Sapagka't sa karamihan ng mga panaginip ay may kawalangkabuluhan, at sa maraming mga salita: nguni't matakot ka sa Dios.
8 Kung iyong nakikita ang kapighatian ng dukha, at ang karahasang pagaalis ng kahatulan at kaganapan sa isang lalawigan, huwag mong kamanghaan ang bagay: sapagka't ang lalong mataas kay sa mataas ay nagmamasid; at may lalong mataas kay sa kanila.
9 Bukod dito, ay sa lahat ang pakinabang sa lupa: ang hari man ay pinaglilingkuran ng bukid.
10 Siyang umiibig sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak; o siya mang umiibig sa kasaganaan ng pakinabang: ito man ay walang kabuluhan.
11 Pagka ang mga pag-aari ay nagsisidami, ay nagsisidami silang nagsisikain ng mga yaon: at anong pakinabang mayroon ang may-ari niyaon, kundi ang mamasdan ng kaniyang mga mata?
12 Ang tulog ng manggagawang tao ay mahimbing, maging siya'y kumain ng kaunti o marami: nguni't ang kasaganaan ng yaman ay hindi magpapatulog sa kaniya.
13 May malubhang kasamaan na aking nakita sa ilalim ng araw, ito nga, ang mga yamang iningatan ng may-ari niyaon sa kapahamakan niya.
14 At ang mga yamang yaon ay nawawala ng masamang pangyayari; at kung siya'y magkaanak ng lalake, walang maiiwan sa kaniyang kamay.
15 Kung paanong siya'y lumabas sa bahay-bata ng kaniyang ina, hubad na yayaon siya uli na gaya ng siya'y dumating, at hindi magdadala ng anoman sa kaniyang nagawa, na kaniyang madadala sa kaniyang kamay.
16 At ito man ay malubhang kasamaan, na kung paano siya dumating ay gayon siya yayaon: at anong pakinabang mayroon siya, na gumagawa sa hangin?
17 Lahat ng mga araw naman niya ay ikinakain niya sa kadiliman, at siya'y totoong nayayamot, at may sakit at pag-iinit.
18 Narito, na aking nakita na mabuti at ukol sa isa ang kumain at uminom, at magalak sa kabutihan sa lahat niyang gawa na kaniyang ginawa sa ilalim ng araw lahat ng mga kaarawan ng kaniyang buhay na ibinigay sa kaniya ng Dios: sapagka't ito'y kaniyang bahagi.
19 Bawa't tao rin naman na binigyan ng Dios ng mga kayamanan at mga pag-aari, at binigyan ng kapangyarihan na kumain niyaon, at kumuha ng kaniyang bahagi, at magalak sa kaniyang gawa, ito'y kaloob ng Dios.
20 Sapagka't hindi niya aalalahaning lubha ang mga kaarawan ng kaniyang buhay; sapagka't sinasagot siya ng Dios sa kagalakan ng kaniyang puso.




Kabanata 6

1 May kasamaan na nakita ako sa ilalim ng araw, at mabigat sa mga tao:
2 Ang tao na binibigyan ng Dios ng mga kayamanan, pag-aari, at karangalan, na anopa't walang kulang sa kaniyang kaluluwa sa lahat niyang ninanasa, gayon ma'y hindi binibigyan siya ng Dios ng kapangyarihan na kumain niyaon, kundi iba ang kumakain niyaon; ito'y walang kabuluhan, at masamang sakit.
3 Kung ang isang tao ay magkaanak ng isang daan, at mabuhay na maraming taon, na anopa't ang mga kaarawan ng kaniyang mga taon ay dumami, nguni't ang kaniyang kaluluwa ay hindi mabusog ng mabuti, at bukod dito ay wala siyang pangpalibing; aking sinasabing maigi ang isang naagas kay sa kaniya:
4 Sapagka't dumarating na walang kabuluhan, at yumayaon sa kadiliman, at ang pangalan niyaon ay natatakpan ng kadiliman;
5 Bukod dito ay hindi nakita ang araw o nakilala man; ito'y may kapahingahang maigi kay sa isa;
6 Oo, bagaman siya'y mabuhay na isang libong taon na makalawang masaysay, at hindi man nagalak na mabuti: hindi ba nagsisiyaon ang lahat sa iisang dako?
7 Lahat ng gawa ng tao ay para sa kaniyang bibig, at gayon ma'y ang panglasa ay hindi nasisiyahan.
8 Sapagka't anong pakinabang mayroon ang pantas na higit sa mangmang? o anong pakinabang mayroon ang dukha na maalam lumakad sa harap ng mga buhay?
9 Maigi ang paningin ng mga mata kay sa pagdidilidili; ito man ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.
10 Anomang nangyari, ang pangalan niyaon ay natawag nang malaon, at kilala na siya'y tao: ni hindi maaaring makipagtalo siya sa lalong makapangyarihan kay sa kaniya.
11 Yamang maraming bagay na nangagdaragdag ng walang kabuluhan, ano ang lalong ikinaigi ng tao?
12 Sapagka't sinong nakakaalam kung ano ang mabuti sa tao sa kaniyang buhay, lahat ng mga kaarawan ng kaniyang walang kabuluhang buhay na kaniyang ginugol na gaya ng anino? sapagka't sinong makapagsasaysay sa tao kung ano ang mangyayari pagkamatay niya sa ilalim ng araw?




Kabanata 7

1 Ang mabuting pangalan ay maigi kay sa mahalagang unguento; at ang kaarawan ng kamatayan kay sa kaarawan ng kapanganakan.
2 Maigi ang pasa bahay ng tangisan, kay sa bahay ng pistahan: sapagka't siyang wakas ng lahat ng mga tao; at ilalagak ng may buhay sa kaniyang puso.
3 Kapanglawan ay maigi kay sa pagtawa: sapagka't sa kapanglawan ng mukha ay sumasaya ang puso.
4 Ang puso ng pantas ay nasa bahay ng tangisan; nguni't ang puso ng mangmang ay nasa bahay ng kasayahan.
5 Maigi ang makinig ng saway ng pantas kay sa isang tao'y makinig ng awit ng mga mangmang.
6 Sapagka't kung paano ang lagitik ng mga tinik sa ilalim ng palyok, gayon ang tawa ng mangmang: ito ma'y walang kabuluhan.
7 Tunay na nagpapamangmang sa pantas ang pagkapighati; at ang suhol ay sumisira ng unawa.
8 Maigi ang wakas ng isang bagay kay sa pasimula niyaon: at ang matiising loob ay maigi kay sa palalong loob.
9 Huwag kang magagalitin sa iyong kalooban: sapagka't ang galit ay nagpapahinga sa sinapupunan ng mga mangmang.
10 Huwag mong sabihin, Ano ang kadahilanan na ang mga unang araw ay maigi kay sa mga ito? sapagka't hindi ka naguusisang may katalinuhan tungkol dito.
11 Karunungan ay mabuting gaya ng mana: oo, lalong marilag sa ganang kanila na nakakakita ng araw.
12 Sapagka't ang karunungan ay sanggalang, sa makatuwid baga'y gaya ng salapi na sanggalang: nguni't ang karilagan ng kaalaman, ay iniingatan ng karunungan ang buhay niya na nagtatangkilik niyaon.
13 Gunitain mo ang gawa ng Dios: sapagka't sinong makapagtutuwid ng ginawa niyang baluktot?
14 Sa kaarawan ng kaginhawahan ay magalak ka, at sa kaarawan ng kahirapan ay gumunita ka: oo, ginawa ng Dios ang isa sa siping ng isa, upang ang tao ay huwag makasumpong ng anomang bagay na mangyayari pagkamatay niya.
15 Lahat ng ito ay nakita ko sa mga kaarawan ng aking walang kabuluhan: may matuwid na namamatay sa kaniyang katuwiran, at may masama na humahaba ang buhay sa kaniyang masamang gawa.
16 Huwag kang lubhang magpakamatuwid; ni huwag ka mang lubhang magpakapantas: bakit sisirain mo ang iyong sarili?
17 Huwag kang magpakasamang lubha, ni magpakamangmang man: bakit ka mamamatay bago dumating ang iyong kapanahunan?
18 Mabuti na ikaw ay manghawak dito; oo, doon man ay huwag mong iurong ang iyong kamay: sapagka't siyang natatakot sa Dios ay lalayo sa lahat na yaon.
19 Karunungan ay kalakasan sa pantas, na higit kay sa sangpung pinuno na nangasa bayan.
20 Tunay na walang matuwid sa lupa, na gumagawa ng mabuti, at hindi nagkakasala.
21 Huwag ka rin namang makinig sa lahat ng mga salita na sinasalita, baka marinig mong sinusumpa ka ng iyong alipin:
22 Sapagka't madalas ding nalalaman ng iyong sariling puso, na ikaw ay sumumpa rin sa mga iba.
23 Lahat ng ito ay tinikman ko sa karunungan: aking sinabi, Ako'y magiging pantas: nguni't malayo sa akin.
24 Ang nilikha ay malayo at totoong malalim; sinong makaaabot?
25 Ako'y pumihit at inilagak ang aking puso na umalam, at sumiyasat, at humanap ng karunungan, at ng kadahilanan ng mga bagay, at umalam na ang kasamaan ay kamangmangan, at ang kamangmangan ay kaululan:
26 At nakasumpong ako ng bagay na lalong mapait kay sa kamatayan, sa makatuwid baga'y ang babae na ang puso ay mga silo at mga bitag, at ang kaniyang mga kamay ay gaya ng mga panali: ang nalulugod sa Dios ay tatakas sa kaniya; nguni't ang makasalanan ay makukuha niya.
27 Narito, ito'y aking nasumpungan, sabi ng Mangangaral, na iniaagapay ang isang bagay sa iba, upang matagpuan ang kadahilanan:
28 Na hinahanap pa ng aking kaluluwa, nguni't hindi ko nasumpungan: isang tao sa isang libo ang aking nasumpungan; nguni't isang babae sa lahat ng mga yaon ay hindi ko nasumpungan.
29 Narito, ito lamang ang aking nasumpungan, na ginawang matuwid ng Dios ang tao; nguni't nagsihanap sila ng maraming katha.




Kabanata 8

1 Sino ang gaya ng pantas na lalake? at sinong nakakaalam ng kahulugan ng isang bagay? Ang karunungan ng tao ay nagpapasilang ng kaniyang mukha, at ang katigasan ng kaniyang mukha ay nababago.
2 Ipinapayo ko sa iyo, ingatan mo ang utos ng hari, at siya'y dahil sa sumpa ng Dios.
3 Huwag kang magmadaling umalis sa kaniyang harapan; huwag kang mamalagi sa masamang bagay: sapagka't kaniyang ginagawa ang anomang kaniyang kalugdan.
4 Sapagka't ang salita ng hari ay may kapangyarihan; at sinong makapagsasabi sa kaniya, Anong ginagawa mo?
5 Ang nagiingat ng utos ay hindi makakaalam ng masamang bagay; at ang puso ng pantas ay nagbubulay ng panahon at kahatulan:
6 Sapagka't sa bawa't panukala ay may kapanahunan at kahatulan; sapagka't ang karalitaan ng tao ay malaki sa kaniya:
7 Sapagka't hindi niya nalalaman ang mangyayari; sapagka't sinong makapagsasaysay sa kaniya, kung paanong mangyayari?
8 Walang tao na may kapangyarihan sa diwa upang pumigil ng diwa; ni walang kapangyarihan siya sa kaarawan ng kamatayan; at walang dahilan sa pakikipagpunyaging yaon: ni maililigtas siya ng kasamaan, na taglay niya.
9 Lahat ng ito ay nakita ko, at inihilig ko ang aking puso sa bawa't gawa, na nagawa sa ilalim ng araw: may panahon na ang isa ay may kapangyarihan sa isa sa kaniyang kapahamakan.
10 At gayon din nakita ko ang masama na nakalibing, at nagsidating sa hukay; at silang nagsigawa ng matuwid ay nagsialis sa dakong banal, at nalimutan sa bayan: ito man ay walang kabuluhan.
11 Sapagka't ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi isinasagawa agad, kaya't ang puso ng mga anak ng mga tao ay lubos na nangalalagak sa paggawa ng kasamaan.
12 Bagaman ang makasalanan ay gumawa ng kasamaan na makaisang daan, at humaba ang kaniyang buhay, gayon ma'y tunay, na talastas ko, na ikabubuti nilang nangatatakot sa Dios, na nangatatakot sa harap niya:
13 Nguni't hindi ikabubuti ng masama, ni hahaba man ang kaniyang buhay na parang isang anino; sapagka't siya'y hindi natatakot sa harap ng Dios.
14 May walang kabuluhan na nangyayari sa lupa; na may mga matuwid na tao na kinapapangyarihan ng ayon sa gawa ng masama; muli, may mga masamang tao na kinapapangyarihan ng ayon sa gawa ng matuwid; aking sinabi, na ito man ay walang kabuluhan.
15 Nang magkagayo'y pinuri ko ang kalayawan, sapagka't ang tao ay walang maiging bagay sa ilalim ng araw, kundi ang kumain, at uminom, at magsaya: sapagka't tatahang kasama niya sa kaniyang gawa lahat ng mga kaarawan ng kaniyang buhay na ibinigay ng Dios sa kaniya sa ilalim ng araw.
16 Nang aking ikiling ang aking puso upang makaalam ng karunungan, at upang makakita ng gawain na ginagawa sa lupa: (sapagka't may hindi nakakakita ng tulog ng kahit araw o gabi man ng kaniyang mga mata:)
17 Namasdan ko nga ang lahat ng gawa ng Dios, na hindi matalastas ng tao ang gawa na ginagawa sa ilalim ng araw: sapagka't sikaping mainam man ng tao na hanapin, ay hindi rin masusumpungan; oo, bukod dito, bagaman isipin ng pantas na maalaman hindi rin niya masusumpungan.




Kabanata 9

1 Sapagka't lahat ng ito ay inilagak ko sa aking puso, upang siyasatin ang lahat ng ito; na ang matuwid, at ang pantas, at ang kanilang mga gawa, ay nangasa kamay ng Dios: maging pagibig o pagtatanim hindi nalalaman ng tao; lahat ay nangasa harap nila.
2 Lahat ng mga bagay ay nagsisidating na parapara sa lahat: may isang pangyayari sa matuwid at sa masama; sa mabuti, at sa malinis, at sa marumi; sa kaniyang naghahain at sa kaniyang hindi naghahain: kung paano ang mabuti, gayon ang makasalanan; at ang sumusumpa, gaya ng natatakot sa sumpa.
3 Ito'y isang kasamaan sa lahat na nalikha sa ilalim ng araw, na may isang pangyayari sa lahat: oo, gayon din, ang puso ng mga anak ng mga tao ay puspos ng kasamaan, at kaululan ang nasa kanilang puso habang sila'y nangabubuhay, at pagkatapos niyaon ay napatutungo sa pagkamatay.
4 Sapagka't sa kaniya, na napisan sa lahat na may buhay ay may pagasa: sapagka't ang buhay na aso ay maigi kay sa patay na leon.
5 Sapagka't nalalaman ng mga buhay, na sila'y mangamamatay: nguni't hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay ni mayroon pa man silang kagantihan; sapagka't ang alaala sa kanila ay nakalimutan.
6 Maging ang kanilang pagibig, gaya ng kanilang pagtatanim at ng kanilang pananaghili ay nawala ngayon; na wala man silang anomang bahagi pa na magpakailan man sa anomang bagay na nagawa sa ilalim ng araw.
7 Yumaon ka ng iyong lakad, kumain ka ng iyong tinapay na may kagalakan, at uminom ka ng iyong alak na may masayang puso; sapagka't tinanggap na ng Dios ang iyong mga gawa.
8 Maging maputing lagi ang iyong mga suot; at huwag magkulang ng unguento ang iyong ulo.
9 Ikaw ay mabuhay na masaya na kalakip ng asawa na iyong iniibig sa lahat ng mga kaarawan ng buhay ng iyong walang kabuluhan, na kaniyang ibinigay sa iyo sa ilalim ng araw, lahat ng mga kaarawan ng iyong walang kabuluhan: sapagka't iyan ang iyong bahagi sa buhay, at sa iyong gawa na iyong ginagawa sa ilalim ng araw.
10 Anomang masumpungang gawain ng iyong kamay, gawin mo ng iyong kapangyarihan; sapagka't walang gawa, ni katha man, ni kaalaman man, ni karunungan man, sa Sheol, na iyong pinaparunan.
11 Ako'y bumalik, at nakita ko sa ilalim ng araw, na ang paguunahan ay hindi sa mga matulin, ni ang pagbabaka man ay sa mga malakas, ni sa mga pantas man ang tinapay, ni ang mga kayamanan man ay sa mga taong naguunawa, ni ang kaloob man ay sa taong matalino; kundi ang panahon at kapalaran ay mangyayari sa kanilang lahat.
12 Sapagka't hindi rin nalalaman ng tao ang kaniyang kapanahunan: kung paano ang mga isda na nahuhuli sa masamang lambat, at kung paano ang mga ibon na nahuhuli sa bitag, gayon ang mga anak ng mga tao, ay nasisilo sa masamang kapanahunan, pagka biglang nahuhulog sa kanila.
13 Nakita ko rin ang karunungan sa ilalim ng araw, sa ganitong anyo, at naging tila dakila sa akin:
14 Nagkaroon ng maliit na bayan, at iilan ang tao sa loob niyaon; at may dumating na dakilang hari laban doon, at kumubkob, at nagtayo ng mga malaking tanggulan laban doon:
15 May nasumpungan nga roong isang dukhang pantas na lalake, at iniligtas niya ng kaniyang karunungan ang bayan; gayon ma'y walang umalaala sa dukhang lalaking yaon.
16 Nang magkagayo'y sinabi ko, Karunungan ay maigi kay sa kalakasan: gayon ma'y karunungan ng dukhang taong yaon ay hinamak, at ang kaniyang mga salita ay hindi dinidinig.
17 Ang mga salita ng pantas na sinalitang marahan ay narinig na higit kay sa hiyaw ng nagpupuno sa mga mangmang.
18 Karunungan ay maigi kay sa mga sandata sa pakikipagdigma: nguni't ang isang makasalanan ay sumisira ng maraming mabuti.




Kabanata 10

1 Ang mga patay na langaw ay nagpapabaho sa unguento ng manggagawa ng pabango: gayon ang munting kamangmangan ay sumisira ng karunungan at karangalan.
2 Ang puso ng pantas na tao ay nasa kaniyang kanang kamay; nguni't ang puso ng mangmang ay sa kaniyang kaliwa.
3 Oo gayon din, pagka ang mangmang ay lumalakad sa daan, ay nawawalan siya ng bait, at kaniyang sinasabi sa bawa't isa, na siya'y isang ulol.
4 Kung ang diwa ng pinuno ay bumangon laban sa iyo, huwag kang umalis: sapagka't ang pagpapakalumanay ay nagpapalikat ng mga malaking pagkagalit.
5 May isang kasamaan, na nakita ko sa ilalim ng araw na tila kamalian na nanggagaling sa pinuno:
6 Ang mangmang ay nauupo sa malaking karangalan, at ang mayaman ay nauupo sa mababang dako.
7 Nakakita ako ng mga alipin na nakasakay sa mga kabayo, at ng mga pangulo na nagsisilakad sa lupa na gaya ng mga alipin.
8 Siyang humuhukay ng lungaw ay mahuhulog doon: at ang sumisira sa pader, ay kakagatin siya ng ahas.
9 Ang tumatabas ng mga bato ay masasaktan niyaon; at ang pumapalakol ng kahoy ay napapanganib doon.
10 Kung ang bakal ay pumurol, at hindi ihasa ninoman ang talim, marapat nga niyang gamitan ng lalong kalakasan: nguni't ang karunungan ay pinakikinabangang magturo.
11 Kung ang ahas ay kumagat bago maenkanto, wala ngang kapakinabangan sa mangeenkanto.
12 Ang mga salita ng bibig ng pantas ay mapagbiyaya; nguni't ang mga labi ng mangmang ay lalamon sa kaniyang sarili.
13 Ang pasimula ng mga salita ng kaniyang bibig ay kamangmangan: at ang wakas ng kaniyang salita ay makamandag na kaululan.
14 Ang mangmang din naman ay nagpaparami ng mga salita: gayon ma'y hindi nalalaman ng tao kung ano ang mangyayari; at ang mangyayari pagkamatay niya, sinong makapagsasaysay sa kaniya?
15 Ang gawa ng mga mangmang ay nagpapayamot sa bawa't isa sa kanila; sapagka't hindi niya nalalaman kung paanong pagparoon sa bayan.
16 Sa aba mo, Oh lupain, kung ang iyong hari ay isang bata, at ang iyong mga pangulo ay nagsisikain sa umaga!
17 Mapalad ka, Oh lupain, kung ang iyong hari ay anak ng mga mahal na tao, at ang iyong mga pangulo ay nagsisikain sa kaukulang panahon, sa ikalalakas, at hindi sa paglalasing!
18 Sa katamaran ay gumuguho ang bubungan; at di sa pagkilos ng mga kamay ay tumutulo ang bahay.
19 Ang kapistahan ay ginagawa sa ikapagtatawa, at ang alak ay nagpapasaya sa buhay: at ang salapi ay sumasagot sa lahat ng mga bagay.
20 Huwag mong sumpain ang hari, huwag, huwag sa iyong pagiisip; at huwag mong sumpain ang mayaman sa iyong silid na tulugan: sapagka't isang ibon sa himpapawid ay magdadala ng tinig, at ang may mga pakpak ay magsasaysay ng bagay.




Kabanata 11

1 Ihasik mo ang iyong tinapay sa tubigan: sapagka't iyong masusumpungan pagkaraan ng maraming araw.
2 Magbigay ka ng bahagi sa pito, oo, sa walo; sapagka't hindi mo nalalaman kung anong kasamaan ang mangyayari sa lupa.
3 Kung ang mga alapaap ay mapuno ng ulan, ay tumutulo sa lupa: at kung ang punong kahoy ay mabuwal sa dakong timugan, o sa dakong hilagaan sa dakong kabuwalan ng kahoy, ay doon ito mamamalagi.
4 Ang nagmamalas sa hangin ay hindi maghahasik; at ang tumitingin sa mga alapaap ay hindi aani.
5 Kung paanong hindi mo nalalaman kung ano ang daan ng hangin o kung paano mang lumalaki ang mga buto sa bahay-bata ng buntis; gayon hindi mo nalalaman ang gawa ng Dios na gumagawa sa lahat.
6 Ihasik mo sa umaga ang iyong binhi, at huwag mong iurong ang iyong kamay sa hapon; sapagka't hindi mo nalalaman kung alin ang tutubo, kung ito o yaon, o kung kapuwa magiging mabuti.
7 Tunay na ang liwanag ay mainam, at masayang bagay sa mga mata na magsitingin sa araw.
8 Oo, kung ang tao ay mabuhay ng maraming taon, magalak siya sa lahat ng yaon; nguni't alalahanin niya ang mga kaarawan ng kadiliman, sapagka't magiging marami. Lahat ng dumarating ay walang kabuluhan.
9 Ikaw ay magalak, Oh binata, sa iyong kabataan: at pasayahin ka ng iyong puso sa mga kaarawan ng iyong kabataan, at lumakad ka ng mga lakad ng iyong kalooban, at sa paningin ng iyong mga mata: nguni't talastasin mo na dahil sa lahat ng mga bagay na ito ay dadalhin ka ng Dios sa kahatulan.
10 Kaya't ilayo mo ang kapanglawan sa iyong puso, at alisin mo ang kasamaan sa iyong katawan: sapagka't ang kabataan at ang kasariwaan ng buhay ay walang kabuluhan.




Kabanata 12

1 Alalahanin mo rin naman ang Maylalang sa iyo sa mga kaarawan ng iyong kabataan, bago dumating ang mga masamang araw, at ang mga taon ay lumapit, pagka iyong sasabihin, Wala akong kaluguran sa mga yaon;
2 Bago ang araw, at ang liwanag, at ang buwan, at ang mga bituin ay magdilim, at ang mga alapaap ay magsibalik pagkatapos ng ulan.
3 Sa kaarawan na ang mga tagapagingat ng bahay ay manganginginig, at ang mga malakas na lalake ay mapapayukod, at ang mga manggigiling ay mangaglilikat sapagka't sila'y kaunti, at yaong nagsisidungaw sa mga dungawan ay mangasisilaw,
4 At ang mga pintuan ay sasarhan sa mga lansangan; pagka ang tunog ng giling ay humina, at ang isa'y babangon sa tinig ng ibon, at lahat ng mga anak na babae ng tugtugin ay mabababa;
5 Oo, sila'y mangatatakot sa mataas, at ang mga kakilabutan ay mapapasa daan; at ang puno ng almendro ay mamumulaklak; at ang balang ay magiging pasan, at ang pita ay manglulupaypay: sapagka't ang tao ay pumapanaw sa kaniyang malaong tahanan, at ang mga tagapanangis ay nagsisigala sa mga lansangan:
6 Bago ang panaling pilak ay mapatid, o ang mangkok na ginto ay mabasag, o ang banga ay mabasag sa bukal, o ang gulong ay masira sa balon;
7 At ang alabok ay mauuwi sa lupa gaya ng una, at ang diwa ay mababalik sa Dios na nagbigay sa kaniya.
8 Walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan, sabi ng Mangangaral; lahat ay walang kabuluhan.
9 At bukod dito, sapagka't ang Mangangaral ay pantas, ay nagpatuloy siya ng pagtuturo ng kaalaman sa bayan; oo, siya'y nagaral, at sumiyasat, at umayos ng maraming kawikaan.
10 Humanap ang Mangangaral ng mga nakalulugod na salita, at ng nasusulat na matuwid, na mga salita ng katotohanan.
11 Ang mga salita ng pantas ay gaya ng mga tulis; at gaya ng mga pako na nakakapit na mabuti, ang mga salita ng mga pangulo ng mga kapulungan, na nabigay mula sa isang pastor.
12 At bukod dito, anak ko, maaralan ka: tungkol sa paggawa ng maraming aklat ay walang wakas; at ang maraming pagaaral ay kapaguran ng katawan.
13 Ito ang wakas ng bagay; lahat ay narinig: ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos; sapagka't ito ang buong katungkulan ng tao.
14 Sapagka't dadalhin ng Dios ang bawa't gawa sa kahatulan, pati ng bawa't kubling bagay, maging ito'y mabuti o maging ito'y masama.