Kabanata 1

1 Ang Dios, na nagsalita nang unang panahon sa ating mga magulang sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta,
2 Ay nagsalita sa atin sa mga huling araw na ito sa pamamagitan, ng kaniyang Anak, na siyang itinalaga na tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan naman niya'y ginawa ang sanglibutan;
3 Palibhasa'y siyang sinag ng kaniyang kaluwalhatian, at tunay na larawan ng kaniyang pagka-Dios, at umaalalay ng lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng salita ng kaniyang kapangyarihan, nang kaniyang magawa na ang paglilinis ng mga kasalanan, ay lumuklok sa kanan ng Karangalan sa kaitaasan;
4 Na naging lalong mabuti kay sa mga anghel, palibhasa'y nagmana ng lalong marilag na pangalan kay sa kanila.
5 Sapagka't kanino nga sa mga anghel sinabi niya kailan man, Ikaw ay aking Anak, Ikaw ay aking ipinanganak ngayon? at muli, Ako'y magiging kaniyang Ama, At siya'y magiging aking Anak?
6 At muli nang dinadala niya ang panganay sa sangkalupaan ay sinasabi, At sambahin siya ng lahat ng mga anghel ng Dios.
7 At sinasabi niya tungkol sa mga anghel, Yaong ginagawang mga anghel niya ang mga hangin, At ang kaniyang mga ministro ay ningas ng apoy:
8 Nguni't tungkol sa Anak ay sinasabi, Ang iyong luklukan, Oh Dios, ay magpakailan man; At ang setro ng katuwiran ay siyang setro ng iyong kaharian.
9 Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan mo ang kasamaan; Kaya't ang Dios, ang Dios mo, ay nagbuhos sa inyo, Ng langis ng kasayahang higit sa iyong mga kasamahan.
10 At, Ikaw, Panginoon, nang pasimula'y inilagay mo ang kinasasaligan ng lupa, At ang mga langit ay mga gawa ng iyong mga kamay:
11 Sila'y mangapapahamak; datapuwa't ikaw ay nananatili: At silang lahat ay mangalulumang gaya ng isang kasuutan;
12 At gaya ng isang balabal sila'y iyong bibilutin, At sila'y mapapalitang gaya ng kasuutan: Nguni't ikaw ay ikaw rin, At ang iyong mga taon ay di matatapos.
13 Nguni't kanino sa mga anghel sinabi niya kailan man, Lumuklok ka sa aking kanan, Hanggang sa ang iyong mga kaaway ay gawin kong tungtungan ng iyong mga paa?
14 Hindi baga silang lahat ay mga espiritung tagapaglingkod, na mga sinugo upang magsipaglingkod sa kapakinabangan ng mangagmamana ng kaligtasan?




Kabanata 2

1 Kaya't nararapat nating pagkatantuin ang mga bagay na narinig, baka sakaling tayo'y makahagpos.
2 Sapagka't kung ang ipinangusap na salita sa pamamagitan ng mga anghel ay nagtibay, at ang bawa't pagsalangsang at pagsuway ay tumanggap ng matuwid na parusa na kabayaran;
3 Paanong makatatanan tayo, kung ating pabayaan ang ganitong dakilang kaligtasan? na ipinangusap ng Panginoon noong una ay pinatunayan sa atin sa pamamagitan ng mga nakarinig;
4 Na pawang sinasaksihan naman ng Dios na kasama nila, sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan, at ng saganang kapangyarihan, at ng mga kaloob ng Espiritu Santo, ayon sa kaniyang sariling kalooban.
5 Sapagka't hindi niya ipinasakop sa mga anghel ang sanglibutang darating, na siya naming isinasaysay.
6 Nguni't pinatunayan ng isa sa isang dako, na sinasabi, Ano ang tao, upang siya'y iyong alalahanin? O ang anak ng tao, upang siya'y iyong dalawin?
7 Siya'y ginawa mong mababa ng kaunti kay sa mga anghel; Siya'y pinutungan mo ng kaluwalhatian at ng karangalan, At siya'y inilagay mo sa ibabaw ng mga gawa ng iyong mga kamay:
8 Inilagay mo ang lahat ng mga bagay sa pagsuko sa ilalim ng kaniyang mga paa. Sapagka't nang pasukuin niya ang lahat ng mga bagay sa kaniya, ay wala siyang iniwan na di sumuko sa kaniya. Nguni't ngayon ay hindi pa natin nakikitang sumuko sa kaniya ang lahat ng mga bagay.
9 Kundi nakikita natin ang ginawang mababa ng kaunti kay sa mga anghel, sa makatuwid ay si Jesus, na dahil sa pagbata ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan, upang sa pamamagitan ng biyaya ng Dios ay lasapin niya ang kamatayan dahil sa bawa't tao.
10 Sapagka't marapat sa kaniya na pinagukulan ng lahat ng mga bagay, at sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, sa pagdadala ng maraming anak sa kaluwalhatian na gawing sakdal siyang may gawa ng kaligtasan nila sa pamamagitan ng mga sakit.
11 Sapagka't ang nagpapagingbanal at ang mga pinapagingbanal ay pawang sa isa: na dahil dito'y hindi siya nahihiyang tawagin silang mga kapatid,
12 Na sinasabi, Ibabalita ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid, Sa gitna ng kapisanan ay aawitin ko ang kapurihan mo.
13 At muli, ilalagak ko ang aking pagkakatiwala sa kaniya. At muli, Narito, ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ng Dios.
14 Dahil sa ang mga anak ay mga may bahagi sa laman at dugo, siya nama'y gayon ding nakabahagi sa mga ito; upang sa pamamagitan ng kamatayan ay kaniyang malipol yaong may paghahari sa kamatayan, sa makatuwid ay ang diablo:
15 At mailigtas silang lahat na dahil sa takot sa kamatayan ay nangasailalim ng pagkaalipin sa buong buhay nila.
16 Sapagka't tunay na hindi niya tinutulungan ang mga anghel, kundi tinutulungan niya ang binhi ni Abraham.
17 Kaya't nararapat sa kaniya na sa lahat ng mga bagay ay matulad sa kaniyang mga kapatid, upang maging isang dakilang saserdoteng maawain at tapat sa mga bagay na nauukol sa Dios, upang gumawa ng pangpalubag-loob patungkol sa mga kasalanan ng bayan.
18 Palibhasa'y nagbata siya sa pagkatukso, siya'y makasasaklolo sa mga tinutukso.




Kabanata 3

1 Kaya, mga banal na kapatid, mga may bahagi sa pagtawag ng kalangitan, inyong isipin ang Apostol at Dakilang Saserdote na ating kinikilala, si Jesus;
2 Na siya'y tapat sa naglagay sa kaniya na gaya rin naman ni Moises sa buong sangbahayan niya.
3 Sapagka't siya ay inaring may karapatan sa lalong kaluwalhatian kay sa kay Moises, palibhasa'y may lalong karangalan kay sa bahay yaong nagtayo ng bahay.
4 Sapagka't ang bawa't bahay ay may nagtayo; datapuwa't ang nagtayo ng lahat ng mga bagay ay ang Dios.
5 At sa katotohanang si Moises ay tapat sa buong sangbahayan niya gaya ng lingkod, na pinakapatotoo sa mga bagay na sasabihin pagkatapos;
6 Datapuwa't si Cristo, gaya ng anak ay puno sa bahay niya; na ang bahay niya ay tayo, kung ating ingatang matibay ang ating pagkakatiwala at pagmamapuri sa pagasa natin hanggang sa katapusan.
7 Gaya nga ng sabi ng Espiritu Santo, Ngayon kung marinig ninyo ang kaniyang tinig,
8 Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso, na gaya ng sa pamumungkahi, Gaya nang sa araw ng pagtukso sa ilang,
9 Na doon ako tinukso ng inyong mga magulang sa pagsubok sa akin, At apat na pung taon na nangakita ang aking mga gawa.
10 Dahil dito'y nagalit ako sa lahing ito, At aking sinabi, Laging sila'y nangagkakamali sa kanilang puso: Nguni't hindi nila nangakilala ang aking mga daan;
11 Ano pa't aking isinumpa sa aking kagalitan, Sila'y hindi magsisipasok sa aking kapahingahan.
12 Magsipagingat kayo, mga kapatid, baka sakaling mayroon sa kanino man sa inyo ng isang pusong masama na walang pananampalataya, na naghihiwalay sa inyo sa Dios na buhay:
13 Nguni't kayo'y mangagpangaralan sa isa't isa araw-araw, samantalang sinasabi, Ngayon; baka papagmatigasin ang sinoman sa inyo ng daya ng kasalanan:
14 Sapagka't tayo'y nagiging kabahagi ni Cristo, kung ating iniingatang matibay ang pasimula ng ating pagkakatiwala hanggang sa katapusan:
15 Samantalang sinasabi, Ngayon kung marinig ninyo ang kaniyang tinig, Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso, na gaya ng sa pamumungkahi.
16 Sapagka't sino-sino, na pagkarinig ay namungkahi? nguni't, hindi baga yaong lahat na nagsialis sa Egipto sa pamamagitan ni Moises?
17 At sino-sino ang kinagalitan niyang apat na pung taon? hindi baga yaong nangagkasala, na ang kanilang mga katawan ay nangabuwal sa ilang?
18 At sa kani-kanino isinumpa niyang hindi makapapasok sa kaniyang kapahingahan, kundi yaong mga nagsisuway?
19 At nakikita natin na sila'y hindi nangakapasok dahil sa kawalan ng pananampalataya.




Kabanata 4

1 Mangatakot nga tayo, yamang may iniwang pangako ng pagpasok sa kaniyang kapahingahan, baka sakaling sinoman sa inyo ay maging tulad sa di nakaabot niyaon.
2 Sapagka't tunay na tayo'y pinangaralan ng mabubuting balita, gaya rin naman nila: nguni't hindi nila pinakinabangan ang salitang napakinggan, dahil sa walang kalakip na pananampalataya ang nangakarinig.
3 Sapagka't tayong nagsisipanampalataya ay nagsisipasok sa kapahingahang yaon; gaya ng sinabi niya, Gaya ng aking isinumpa sa aking kagalitan, Sila'y hindi magsisipasok sa aking kapahingahan: bagama't ang mga gawa ay nangatapos mula nang itatag ang sanglibutan.
4 Sapagka't sa isang dako ay sinabi niya ang ganito tungkol sa ikapitong araw, At nagpahinga nang ikapitong araw ang Dios sa lahat ng kaniyang mga gawa;
5 At sa dakong ito ay muling sinabi, Sila'y hindi magsisipasok sa aking kapahingahan.
6 Kaya't yamang may natitira pang ibang dapat magsipasok doon, at ang mga pinangaralan nang una ng mabubuting balita ay hindi nangapasok dahil sa pagsuway,
7 Ay muling nagtangi siya ng isang araw, Ngayon pagkatapos ng ilang panahon na sinabi sa mga awit ni David (ayon sa sinabi na ng una), Ngayon kung marinig ninyo ang kaniyang tinig, Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso.
8 Sapagka't kung ibinigay sa kanila ni Josue ang kapahingahan, ay hindi na sana niya sasalitain pagkatapos ang ibang araw.
9 May natitira pa ngang isang pamamahingang sabbath, ukol sa bayan ng Dios.
10 Sapagka't ang pumasok sa kaniyang kapahingahan ay nagpahinga naman sa kaniyang mga gawa, gaya ng Dios sa kaniyang mga gawa.
11 Magsipagsikap nga tayo ng pagpasok sa kapahingahang yaon, upang huwag marapa ang sinoman ayon sa gayong halimbawa ng pagsuway.
12 Sapagka't ang salita ng Dios ay buhay, at mabisa, at matalas kay sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso.
13 At walang anomang nilalang na hindi nahahayag sa kaniyang paningin: nguni't ang lahat ng mga bagay ay hubad at hayag sa harapan ng mga mata niyaong ating pagsusulitan.
14 Yaman ngang tayo'y mayroong isang lubhang dakilang saserdote, na pumasok sa kalangitan, si Jesus na Anak ng Dios, ay ingatan nating matibay ang ating pagkakilala.
15 Sapagka't tayo'y walang isang dakilang saserdote na hindi maaaring mahabag sa ating kahinaan, kundi isa na tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin gayon ma'y walang kasalanan.
16 Magsilapit nga tayong may pagkakatiwala sa luklukan ng biyaya, upang tayo'y magsipagtamo ng awa, at mangakasumpong ng biyaya upang tumulong sa atin sa panahon ng pangangailangan.




Kabanata 5

1 Sapagka't ang bawa't dakilang saserdote palibhasa'y hinugot sa mga tao, ay inilagay dahil sa mga tao sa mga bagay na nauukol sa Dios, upang siya'y makapaghandog ng mga kaloob at mga hain namang patungkol sa mga kasalanan:
2 Na makapagtitiis na may kaamuan sa mga di nakaaalam at nangamamali, yamang siya rin naman ay nalilibid ng kahinaan;
3 At dahil dito'y nararapat siyang maghandog dahil sa mga kasalanan, at hindi lamang patungkol sa mga tao, kundi naman sa kaniyang sarili.
4 At sinoman ay hindi tumatanggap sa kaniyang sarili ng karangalang ito, liban na kung tawagin siya ng Dios, na gaya ni Aaron.
5 Gayon din si Cristo man ay hindi nagmapuri sa kaniyang sarili upang maging dakilang saserdote, kundi yaong sa kaniya ay nagsabi, Ikaw ay aking Anak. Ikaw ay aking naging anak ngayon:
6 Gaya rin naman ng sinasabi niya sa ibang dako, Ikaw ay saserdote magpakailan man Ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.
7 Na siya sa mga araw ng kaniyang laman ay naghandog ng mga panalangin at mga daing na sumisigaw ng malakas at lumuluha doon sa may kapangyarihang makapagligtas sa kaniya sa kamatayan, at siya'y dininig dahil sa kaniyang banal na takot,
8 Bagama't siya'y Anak, gayon may natuto ng pagtalima sa pamamagitan ng mga bagay na kaniyang tiniis;
9 At nang siya'y mapaging sakdal, ay siya ang gumawa ng walang hanggang kaligtasan ng lahat na mga nagsisitalima sa kaniya;
10 Pinanganlan ng Dios na dakilang saserdote ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.
11 Tungkol sa kaniya'y marami kaming sasabihin, at mahirap na saysayin, palibhasa'y nagsipurol kayo sa pakikinig.
12 Sapagka't nang kayo'y nangararapat nang maging mga guro dahil sa kaluwatan, ay muling kayo'y nangangailangan na kayo'y turuan ninoman ng mga unang simulain ng aral ng Dios; at naging tulad sa mga nangangailangan ng gatas, at hindi ng pagkaing matigas.
13 Sapagka't bawa't tumatanggap ng gatas ay walang karanasan sa salita ng katuwiran; sapagka't siya'y isang sanggol.
14 Nguni't ang pagkaing matigas ay sa mga may gulang, sa makatuwid ay doon sa mga sa pamamagitan ng pamimihasa ay nangasanay ang kanilang mga pakiramdam, upang makilala ang mabuti at ang masama.




Kabanata 6

1 Kaya't tayo'y tumigil na ng pagsasalita ng mga unang simulain ng aral ni Cristo, at tayo'y mangagpatuloy sa kasakdalan; na huwag nating ilagay na muli ang kinasasaligan ng pagsisisi sa mga patay na gawa, at ng pananampalataya sa Dios,
2 Ng aral na tungkol sa mga paglilinis, at ng pagpapatong ng mga kamay, at ng pagkabuhay na maguli ng mga patay, at ng paghuhukom na walang hanggan.
3 At ating gagawin ito, kung ipahihintulot ng Dios.
4 Sapagka't tungkol sa mga minsang naliwanagan at nakalasap ng kaloob ng kalangitan, at mga nakabahagi ng Espiritu Santo,
5 At nakalasap ng mabuting salita ng Dios, at ng mga kapangyarihan ng panahong darating,
6 At saka nahiwalay sa Dios ay di maaaring baguhin silang muli sa pagsisisi; yamang kanilang ipinapapakong muli sa ganang kanilang sarili ang Anak ng Dios, at inilalagay na muli siya sa hayag na kahihiyan.
7 Sapagka't ang lupang humitit ng ulang madalas na lumalagpak sa kaniya, at tinutubuan ng mga damong pakikinabangan ng mga yaon na dahil sa kanila'y binukid, ay tumanggap ng pagpapalang mula sa Dios:
8 Datapuwa't kung namumunga ng mga tinik at dawag, ay itinatakuwil at malapit sa sumpa; at ang kaniyang kahihinatnan ay ang sunugin.
9 Nguni't, mga minamahal, naniniwala kaming lubos sa magagaling na bagay tungkol sa inyo, at sa mga bagay na kalakip ng pagkaligtas, bagama't kami ay nagsasalita ng ganito:
10 Sapagka't ang Dios ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pagibig na inyong ipinakita sa kaniyang pangalan, sa inyong paglilingkod sa mga banal, at hanggang ngayo'y nagsisipaglingkod kayo.
11 At ninanasa namin na ang bawa't isa sa inyo ay magpakita ng gayon ding sikap sa ikalulubos ng pagasa hanggang sa katapusan:
12 Na huwag kayong mga tamad, kundi mga taga tulad kayo sa mga na sa pamamagitan ng pananampalataya at ng pagtitiis ay nagsisipagmana ng mga pangako.
13 Sapagka't nang mangako ang Dios kay Abraham, palibhasa'y hindi niya maipanumpa ang anomang lalong mataas, ay ipinanumpa ang kaniyang sarili,
14 Na sinasabi, Tunay sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin kita.
15 At sa ganito, nang makapaghintay na may pagtitiis, ay nagtamo siya ng pangako.
16 Sapagka't ipinanunumpa ng mga tao ang lalong mataas: at sa bawa't pagtatalo nila'y ang sumpa sa pagpapatotoo ang siyang katapusan.
17 Sa ganito, sa pagkaibig ng Dios na maipakitang lalong sagana sa mga tagapagmana ng pangako ang kawalan ng pagbabago ng kaniyang pasiya, ay ipinamagitan ang sumpa;
18 Upang sa dalawang bagay na di mababago, na diya'y di maaaring ang Dios ay magbulaan, ay mangagkaroon tayo ng isang matibay na kasiglahan, tayong nangagsitakas na sumakanlong upang mangapit sa pagasang nalalagay sa ating unahan:
19 Na ating inaring tulad sa sinepete ng kaluluwa, isang pagasa na matibay at matatag at pumapasok sa nasa loob ng tabing;
20 Na doo'y pumasok dahil sa atin si Jesus, na gaya ng pangunahin, na naging dakilang saserdote magpakailan man ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.




Kabanata 7

1 Sapagka't itong si Melquisedec, hari sa Salem, saserdote ng Kataastaasang Dios, na siyang sumalubong kay Abraham sa pagbabalik na galing sa paglipol sa mga hari at siya'y pinagpala niya,
2 Na siya namang binahagihan ni Abraham ng ikasangpung bahagi ng lahat (na kung sasaysayin, una-una, siya'y Hari ng katuwiran, at saka Hari naman sa Salem, na sa makatuwid, ay Hari ng kapayapaan;
3 Na walang ama, walang ina, walang tandaan ng lahi, at walang pasimula ng mga araw ni katapusan ng buhay man, datapuwa't naging katulad ng Anak ng Dios), ay nanatiling saserdote magpakailan man.
4 Nilaynilayin nga ninyo kung gaano ang kadakilaan ng taong ito, na binigyan ni Abraham, na patriarka, ng ikasangpung bahagi ng mga pinakamagagaling na samsam.
5 At katotohanan ang mga sa anak ni Levi na nagsisitanggap ng katungkulang saserdote, ay mayroong utos na kumuha ng ikasangpung bahagi sa bayan ayon sa kautusan, sa makatuwid ay sa kanilang mga kapatid, bagama't ang mga ito ay nagsilabas sa mga balakang ni Abraham:
6 Nguni't yaong ang talaan ng lahi ay hindi ibinibilang sa kanila ay kumuha ng ikasangpung bahagi kay Abraham, at pinagpala yaong may mga pangako.
7 Datapuwa't walang anomang pagtatalo ang mababa ay pinagpapala ng mataas.
8 At dito'y ang mga taong may kamatayan ay tumatanggap ng ikasangpung bahagi; datapuwa't doon ay ang isa, na pinatutunayang nabubuhay.
9 At sa makatuwid baga'y sa pamamagitan ni Abraham pati si Levi, na tumatanggap ng ikasangpung bahagi, ay nagbayad ng ikasangpung bahagi;
10 Sapagka't siya'y nasa mga balakang pa ng kaniyang ama, nang ito'y salubungin ni Melquisedec.
11 Ngayon kung may kasakdalan nga sa pamamagitan ng pagkasaserdote ng mga Levita (sapagka't sa ilalim nito ay tinanggap ng bayan ang kautusan), anong kailangan pa na magbangon ang ibang saserdote, ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec at hindi ibilang ayon sa pagkasaserdote ni Aaron?
12 Sapagka't nang palitan ang pagkasaserdote ay kinailangang palitan naman ang kautusan.
13 Sapagka't yaong tungkol sa kaniya ay sinasabi ang mga bagay na ito ay naukol sa ibang angkan, na doon ang sinoma'y hindi naglilingkod sa dambana.
14 Sapagka't maliwanag na ang ating Panginoon ay lumitaw mula kay Juda; na tungkol sa angkang yao'y walang sinalitang anoman si Moises hinggil sa mga saserdote.
15 At lalo pang napakaliwanag ito, kung ayon sa anyo ni Melquisedec ay lumitaw ang ibang saserdote,
16 Na ginawa, hindi ayon sa kautusan ng utos na ukol sa laman, kundi ayon sa kapangyarihan ng isang buhay na walang katapusan:
17 Sapagka't pinatotohanan tungkol sa kaniya, Ikaw ay saserdote magpakailan man Ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.
18 Sapagka't napapawi ang unang utos dahil sa kaniyang kahinaan at kawalan ng kapakinabangan.
19 (Sapagka't ang kautusan ay walang anomang pinasasakdal), at may pagpapasok ng isang pagasang lalong magaling, na sa pamamagitan nito ay nagsisilapit tayo sa Dios.
20 At yamang yao'y hindi naging sa walang sumpa:
21 (Sapagka't sila'y sa katotohanan ay ginawang mga saserdote na walang sumpa; datapuwa't siya'y may sumpa sa pamamagitan niyaong nagsasabi tungkol sa kaniya, Sumumpa ang Panginoon at hindi siya nagsisisi, Ikaw ay saserdote magpakailan man);
22 Ay gayon din naman si Jesus ay naging tagapanagot sa lalong mabuting tipan.
23 At katotohanang sila'y marami sa bilang na naging mga saserdote, sapagka't dahil sa kamatayan ay napigil sila ng pagpapatuloy:
24 Datapuwa't siya, sapagka't namamalagi magpakailan man ay may pagkasaserdote siyang di mapapalitan.
25 Dahil dito naman siya'y nakapagliligtas na lubos sa mga nagsisilapit sa Dios sa pamamagitan niya, palibhasa'y laging nabubuhay siya upang mamagitan sa kanila.
26 Sapagka't nararapat sa atin ang gayong dakilang saserdoteng banal, walang sala, walang dungis, nahihiwalay sa mga makasalanan, at ginawang lalong mataas pa kay sa mga langit;
27 Na hindi nangangailangan araw-araw na maghandog ng hain, na gaya niyaong mga dakilang saserdote una-una'y patungkol sa kaniyang sariling mga kasalanan at saka patungkol sa mga kasalanan ng bayan: sapagka't ito'y ginawa niyang minsan magpakailan man, nang kaniyang ihandog ang kaniyang sarili.
28 Sapagka't inilagay ng kautusan na mga dakilang saserdote ang mga taong may kahinaan; nguni't ang salita ng sumpa na kasunod ng kautusan ay siyang naglalagay sa Anak, na sakdal magpakailan man.




Kabanata 8

1 Ang kinauuwian nga ng mga bagay na aming sinasabi ay ito: Mayroon tayong isang dakilang saserdote, na nakaupo sa kanan ng luklukan ng Karangalan sa mga langit,
2 Ministro sa santuario, at sa tunay na tabernakulo, na itinayo ng Panginoon, hindi ng tao.
3 Sapagka't ang bawa't dakilang saserdote ay inilagay upang maghandog ng mga kaloob at ng mga hain naman: sa ganito'y kinakailangan din namang siya'y magkaroon ng anomang ihahandog.
4 Kung siya nga'y nasa lupa ay hindi siya saserdote sa anomang paraan, palibhasa'y mayroon nang nagsisipaghandog ng mga kaloob ayon sa kautusan;
5 Na nangaglilingkod sa anyo at anino ng mga bagay sa kalangitan, gaya naman ni Moises na pinagsabihan ng Dios nang malapit ng gawin niya ang tabernakulo: sapagka't sinabi niya, Ingatan mo na iyong gawin ang lahat ng mga bagay ayon sa anyong ipinakita sa iyo sa bundok.
6 Datapuwa't ngayo'y kinamtan niya ang ministeriong lalong marangal, palibhasa'y siya nama'y tagapamagitan sa isang tipang lalong magaling, na inilagda sa lalong mabubuting pangako.
7 Sapagka't kung ang unang tipang yaon ay naging walang kakulangan, ay hindi na sana inihanap ng pangangailangan ang ikalawa.
8 Sapagka't sa pagkakita ng kakulangan sa kanila, ay sinabi niya, Narito, dumarating ang mga araw, sinasabi ng Panginoon, Na ako'y gagawa ng isang bagong pakikipagtipan; sa sangbahayan ni Israel at sa sangbahayan ni Juda.
9 Hindi ayon sa tipang aking ipinakipagtipan sa kanilang mga magulang Nang araw na sila'y aking tangnan sa kamay, upang sila'y ihatid sa labas ng lupain ng Egipto; Sapagka't sila'y hindi nanatili sa aking tipan, At akin silang pinabayaan, sinasabi ng Panginoon.
10 Sapagka't ito ang pakikipagtipang aking gagawin sa sangbahayan ni Israel Pagkatapos ng mga araw na yaon, sinasabi ng Panginoon; Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang pagiisip, At sa kanilang mga puso'y aking isusulat ang mga ito. At ako'y magiging Dios nila, At sila'y magiging bayan ko:
11 At hindi magtuturo ang bawa't isa sa kaniyang kababayan, At ang bawa't isa sa kaniyang kapatid, na sasabihing, Kilalanin mo ang Panginoon: Sapagka't ako'y makikilala ng lahat, Mula sa kaliitliitan hanggang sa kadakidakilaan sa kanila.
12 Sapagka't ako'y magiging mahabagin sa kanilang kalikuan, At ang kanilang mga kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa.
13 Doon sa sinasabi niya, Isang bagong tipan, ay linuma niya ang una. Datapuwa't ang nagiging luma at tumatanda ay malapit ng lumipas.




Kabanata 9

1 Ngayon, ang unang tipan din ay nagkaroon ng mga palatuntunan ng pagsamba sa Dios, at ng kaniyang santuario, ang santuario ng sanglibutang ito.
2 Sapagka't inihanda ang isang tabernakulo, ang una, na kinaroroonan ng kandelero, at ng dulang, at ng mga tinapay na handog; na siyang tinatawag na Dakong Banal.
3 At sa likod ng ikalawang tabing ay ang tabernakulo na tinatawag na Dakong Kabanalbanalan;
4 Na may isang gintong dambana ng kamangyan at kaban ng tipan, at ang paligid ay nakakalupkupan ng ginto, na siyang kinaroroonan ng sisidlang-ginto na may lamang mana, at tungkod ni Aaron na namulaklak, at mga tapyas na bato ng tipan;
5 At sa ibabaw nito ay ang mga querubin ng kaluwalhatian na nangagsisililim sa luklukan ng awa; na ang mga bagay na ito ay hindi natin mapaguusapan ngayon ng isa isa.
6 At sa ganitong pagkahanda ng mga bagay na ito, sa unang tabernakulo ay palaging nagsisipasok ang mga saserdote, na tinutupad ang mga katungkulan;
7 Datapuwa't sa ikalawa ay pumapasok na nagiisa ang dakilang saserdote, minsan sa isang taon, na hindi walang dalang dugo, na inihahandog na patungkol sa kaniyang sarili, at sa mga kamalian ng bayan:
8 Na ipinakikilala ng Espiritu Santo, na hindi pa naihahayag ang pagpasok sa dakong banal samantalang natatayo pa ang unang tabernakulo;
9 Na yao'y isang talinghaga ng panahong kasalukuyan; ayon dito ay inihahandog ang mga kaloob at ang mga hain, tungkol sa budhi, na hindi magpapasakdal sa sumasamba,
10 Palibhasa'y palatuntunan lamang na ukol sa laman, na iniatang hanggang sa panahon ng pagbabago (gaya ng mga pagkain, at mga inumin at sarisaring paglilinis).
11 Nguni't pagdating ni Cristo na dakilang saserdote ng mabubuting bagay na darating, sa pamamagitan ng lalong malaki at lalong sakdal na tabernakulo, na hindi gawa ng mga kamay, sa makatuwid baga'y hindi sa paglalang na ito,
12 At hindi rin naman sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing at ng mga bulong baka, kundi sa pamamagitan ng kaniyang sariling dugo, ay pumasok na minsan magpakailan man sa dakong banal, na kinamtan ang walang hanggang katubusan.
13 Sapagka't kung ang dugo ng mga kambing at ng mga baka, at ang abo ng dumalagang baka na ibinubudbod sa mga nadungisan, ay makapagiging banal sa ikalilinis ng laman:
14 Gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng Espiritu na walang hanggan ay inihandog ang kaniyang sarili na walang dungis sa Dios, ay maglilinis ng inyong budhi sa mga gawang patay upang magsipaglingkod sa Dios na buhay?
15 At dahil dito'y siya ang tagapamagitan ng isang bagong tipan, upang sa pamamagitan ng isang kamatayan na ukol sa ikatutubos ng mga pagsalangsang na nasa ilalim ng unang tipan, ang mga tinawag ay magsitanggap ng pangako na manang walang hanggan.
16 Sapagka't kung saan mayroong tipan doo'y kinakailangan ang kamatayan ng gumawa niyaon.
17 Sapagka't ang isang tipan ay may kabuluhan kung mamatay ang gumawa: sa ibang paraa'y walang anomang kabuluhan samantalang nabubuhay ang gumawa.
18 Kaya't ang una mang tipan ay hindi itinalaga ng walang dugo.
19 Sapagka't nang salitain ni Moises ang bawa't utos sa buong bayan ayon sa kautusan, ay kumuha siya ng dugo ng mga bulong baka at ng mga kambing, na may tubig at balahibong mapula ng tupa at isopo, at winisikan ang aklat at gayon din ang buong bayan,
20 Na sinasabi, Ito ang dugo ng tipan na iniutos ng Dios tungkol sa inyo.
21 Gayon din ang tabernakulo at ang lahat ng mga kasangkapan sa pangangasiwa ay pinagwiwisikan niya ng dugo sa gayon ding paraan.
22 At ayon sa kautusan, ay halos masasabi kong lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at maliban na sa pagkabuhos ng dugo ay walang kapatawaran.
23 Kinakailangan nga na ang mga anyo ng mga bagay sa sangkalangitan ay linisin ng mga ito; nguni't ang mga bagay ring ito sa sangkalangitan ay linisin ng lalong mabubuting handog kay sa rito.
24 Sapagka't hindi pumasok si Cristo sa dakong banal na ginawa ng mga kamay, na kahalintulad lamang ng tunay; kundi sa talagang langit, upang humarap ngayon sa harapan ng Dios dahil sa atin:
25 At siya'y hindi rin naman kailangang ihandog na madalas pa ang kaniyang sarili, na gaya ng dakilang saserdote na pumapasok sa dakong banal taon-taon na may dalang dugo na hindi niya sarili;
26 Sa ibang paraan ay kailangan na siya'y magbatang madalas mula nang itatag ang sanglibutan: datapuwa't ngayon ay minsan siya'y nahayag sa katapusan ng mga panahon upang alisin ang kasalanan sa pamamagitan ng pagkahandog ng kaniyang sarili.
27 At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom;
28 Ay gayon din naman si Cristo, na inihandog na minsan upang dalhin ang mga kasalanan ng marami, sa ikalawa'y pakikita na hiwalay sa kasalanan, sa ikaliligtas ng mga nagsisipaghintay sa kaniya.




Kabanata 10

1 Sapagka't ang kautusan na may isang anino ng mabubuting bagay na darating, hindi ang tunay na larawan ng mga bagay, kailan pa man ay di maaaring magpasakdal sa mga nagsisilapit sa pamamagitan ng mga hain na laging inihahandog sa taon-taon.
2 Sa ibang paraan ay hindi kaya baga nagsipaglikat sila ng paghahandog? sapagka't ang mga nagsisisamba, yamang nalinis na minsan, ay hindi na sana nagkaroon pa ng budhi sa mga kasalanan.
3 Nguni't sa mga hain yaon ginagawa ang pagaalaala sa mga kasalanan taon-taon.
4 Sapagka't di maaari na ang dugo ng mga baka at ng mga kambing ay makapagalis ng mga kasalanan.
5 Kaya't pagpasok niya sa sanglibutan, ay sinasabi, Hain at handog ay hindi mo ibig. Nguni't isang katawan ang sa akin ay inihanda mo;
6 Sa mga handog na susunugin at mga haing patungkol sa mga kasalanan ay hindi ka nalugod.
7 Nang magkagayo'y sinabi ko, Narito, ako'y pumarito (sa balumbon ng aklat ay nasusulat tungkol sa akin.) Upang gawin, Oh Dios, ang iyong kalooban.
8 Sa itaas ay sinasabi, Mga hain at mga handog at mga handog na susunuging buo at mga haing patungkol sa kasalanan ay hindi mo ibig, at di mo rin kinalulugdan (mga bagay na inihahandog ayon sa kautusan),
9 Saka sinabi niya, Narito, ako'y pumarito upang gawin ang iyong kalooban. Inaalis niya ang una, upang maitatag ang ikalawa.
10 Sa kaloobang yaon tayo'y pinapaging-banal, sa pamamagitan ng pagkahandog ng katawan ni Cristo na minsan magpakailan man.
11 At katotohanang ang bawa't saserdote na araw-araw ay nangangasiwa ng patayo at naghahandog na madalas ng gayon ding mga hain, na hindi makaalis kailan pa man ng mga kasalanan:
12 Nguni't siya, nang makapaghandog ng isa lamang hain patungkol sa mga kasalanan magpakailan man, ay umupo sa kanan ng Dios;
13 Buhat noon ay naghihintay hanggang sa ang kaniyang mga kaaway ay maging tungtungan ng kaniyang mga paa.
14 Sapagka't sa pamamagitan ng isang paghahandog ay kaniyang pinasakdal magpakailan man ang mga pinapagiging-banal.
15 At ang Espiritu Santo ay nagbibigay patotoo rin naman sa atin; sapagka't pagkasabi niya na,
16 Ito ang tipang gagawin ko sa kanila Pagkatapos ng mga araw na yaon, sabi ng Panginoon; Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang puso, At isusulat ko rin naman sa kanilang pagiisip;
17 At ang kanilang mga kasalanan at kanilang mga kasamaan ay hindi ko na aalalahanin pa.
18 At kung saan may kapatawaran ng mga ito ay wala nang paghahandog na patungkol pa sa kasalanan.
19 Mga kapatid, yamang may kalayaan ngang makapasok sa dakong banal sa pamamagitan ng dugo ni Jesus,
20 Sa pamamagitan ng daang bago at buhay na kaniyang itinalaga sa atin, sa pamamagitan ng tabing, sa makatuwid baga'y sa kaniyang laman;
21 At yamang may isang Dakilang Saserdote na pangulo sa bahay ng Dios;
22 Tayo'y magsilapit na may tapat na puso sa lubos na pananampalataya, na ang ating mga puso na winisikan mula sa isang masamang budhi: at mahugasan ang ating katawan ng dalisay na tubig,
23 Na ating ingatang matibay ang pagkakilala ng ating pagasa upang huwag magalinlangan: sapagka't tapat ang nangako:
24 At tayo'y mangagtinginan upang tayo'y mangaudyok sa pagiibigan at mabubuting gawa;
25 Na huwag nating pabayaan ang ating pagkakatipon, na gaya ng ugali ng iba, kundi mangagaralan sa isa't isa; at lalo na kung inyong namamalas na nalalapit na ang araw.
26 Sapagka't kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan,
27 Kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway.
28 Ang magpawalang halaga sa kautusan ni Moises sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi, ay mamamatay na walang awa:
29 Gaano kayang higpit ng parusa, sa akala ninyo, ang ihahatol na nauukol doon sa yumurak sa Anak ng Dios, at umaring di banal sa dugo ng tipan na nagpabanal sa kaniya, at umalipusta sa Espiritu ng biyaya?
30 Sapagka't ating nakikilala yaong nagsabi, Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti. At muli, Huhukuman ng Panginoon ang kaniyang bayan.
31 Kakilakilabot na bagay ang mahulog sa mga kamay ng Dios na buhay.
32 Datapuwa't alalahanin ang mga nakaraang araw, na sa mga yaon, pagkatapos na kayo'y maliwanagan, ay nangagtiis kayo ng malaking pakikilaban ng mga pagbabata;
33 Na una una ay naging isang katawatawa dahil sa mga pagkasiphayo at gayon din sa mga kahirapan; at sa ikalawa, ay naging kasama niyaong mga inaring gayon.
34 Sapagka't kayo'y nangahabag sa mga may tanikala, at tinanggap ninyo ng buong galak ang pagkaagaw ng inyong pag-aari, palibhasa'y inyong nalalamang mayroon kayo sa inyong sarili ng isang pag-aaring lalong mabuti at tumatagal.
35 Huwag nga ninyong itakuwil ang inyong pagkakatiwala, na may dakilang ganting-pala.
36 Sapagka't kayo'y nangangailangan ng pagtitiis, upang kung inyong magawa ang kalooban ng Dios, ay magsitanggap kayo ng pangako.
37 Sapagka't sa madaling panahon, Siyang pumaparito ay darating, at hindi magluluwat.
38 Nguni't ang aking lingkod na matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya: At kung siya ay umurong, ay hindi kalulugdan ng aking kaluluwa.
39 Nguni't tayo'y hindi doon sa mga nagsisibalik sa kapahamakan; kundi doon sa mga may pananampalataya sa ikaliligtas ng kaluluwa.




Kabanata 11

1 Ngayon, ang pananampalataya ay siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita.
2 Sapagka't sa pamamagitan nito ang mga matanda ay sinaksihan.
3 Sa pananampalataya ay natatalastas natin na ang sanglibutan ay natatag sa pamamagitan ng salita ng Dios, ano pa't ang nakikita ay hindi ginawa sa mga bagay na nakikita.
4 Sa pananampalataya si Abel ay naghandog sa Dios ng lalong mabuting hain kay sa kay Cain, sa pamamagitan nito'y sinaksihan sa kaniyang siya'y matuwid, na nagpapatotoo ang Dios tungkol sa kaniyang mga kaloob: at sa pamamagitan nito patay na siya ay nagsasalita pa.
5 Sa pananampalataya si Enoc ay inilipat upang huwag niyang makita ang kamatayan; at hindi siya nasumpungan, sapagka't siya'y inilipat ng Dios: sapagka't bago siya inilipat ay pinatotohanan sa kaniyang siya'y naging kalugodlugod sa Dios:
6 At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring maging kalugodlugod sa kaniya; sapagka't ang lumalapit sa Dios ay dapat sumampalatayang may Dios, at siya ang tagapagbigay ganti sa mga sa kaniya'y nagsisihanap.
7 Sa pananampalataya si Noe, nang paunawaan ng Dios tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, dala ng banal na takot, ay naghanda ng isang daong sa ikaliligtas ng kaniyang sangbahayan; na sa pamamagitan nito ay hinatulan niya ang sanglibutan, at naging tagapagmana ng katuwiran na ayon sa pananampalataya.
8 Sa pananampalataya si Abraham, nang tawagin, ay tumalima upang pumaroon sa isang dakong kaniyang tatanggaping mana; at siya'y yumaon na di nalalaman kung saan siya paroroon.
9 Sa pananampalataya siya'y naging manglalakbay sa lupang pangako, na gaya sa hindi niya sariling lupa, at tumahan sa mga tolda na kasama si Isaac at si Jacob, na mga tagapagmana ng isang pangako na kasama niya:
10 Sapagka't inaasahan niya ang bayang may mga kinasasaligan, na ang nagtayo at gumawa ay ang Dios.
11 Sa pananampalataya si Sara rin ay tumanggap ng lakas upang ipaglihi ang binhi, nang lipas na ang kaniyang gulang, palibhasa'y inari niyang tapat ang nangako:
12 Kaya naman sumibol sa isa, sa kaniya na tila patay na, ang kasing dami ng mga bituin sa langit sa karamihan, at di mabilang na gaya ng mga buhanging nasa tabi ng dagat.
13 Ayon sa pananampalataya ay nangamatay ang lahat ng mga ito, na hindi kinamtan ang mga pangako, nguni't kanilang nangakita na natanaw mula sa malayo, at kanilang ipinahayag na sila'y pawang taga ibang bayan at manglalakbay sa ibabaw ng lupa.
14 Sapagka't ang mga nagsisipagsabi ng mga gayong bagay ay nagpapakilalang hinahanap nila ang lupaing kanilang sarili.
15 At katotohanang kung kanilang naalaala yaong lupaing kanilang pinanggalingan, ay nagkaroon sana sila ng mabuting pagkakataon upang bumalik.
16 Nguni't ngayon ay nagnanasa sila ng lalong magaling na lupain, sa makatuwid baga'y ang sa langit: kaya hindi sila ikinahihiya ng Dios na tawaging Dios nila; sapagka't kaniyang ipinaghanda sila ng isang bayan.
17 Sa pananampalataya, nang subukin si Abraham, ay inihandog si Isaac: oo, siyang tumanggap na may galak ng mga pangako ay siyang naghandog sa kaniyang bugtong na anak;
18 Sa makatuwid baga'y yaong pinagsabihan, Kay Isaac ay tatawagin ang iyong binhi:
19 Na inisip na maging sa gitna ng mga patay ay maaaring buhayin siyang maguli ng Dios; mula diyan din naman ay muli siyang tinanggap sa isang halimbawa.
20 Sa pananampalataya'y binasbasan ni Isaac si Jacob at si Esau, tungkol sa mga bagay na darating.
21 Sa pananampalataya, si Jacob ng mamatay na ay binasbasan niya ang bawa't isa sa mga anak ni Jose; at sumambang nakatangan sa puno ng kaniyang tungkod.
22 Sa pananampalataya, nang malapit nang mamatay si Jose, ay binanggit niya ang pagalis sa Egipto ng mga anak ni Israel; at nagutos tungkol sa kaniyang mga buto.
23 Sa pananampalataya, nang ipanganak si Moises, ay itinagong tatlong buwan ng kaniyang mga magulang, sapagka't kanilang nakitang maganda ang bata; at hindi sila natakot sa utos ng hari.
24 Sa pananampalataya, nang lumaki na si Moises, ay tumangging siya'y tawaging anak ng anak na babae ni Faraon;
25 Na pinili pa ang siya'y tampalasanin na kasama ng bayan ng Dios, kay sa magtamo ng nagsisikupas na kaligayahan sa pagkakasala;
26 Na inaring malaking kayamanan ang kadustaan ni Cristo, kay sa mga kayamanan ng Egipto: sapagka't ang kaniyang tinititigan ay ang gantingpalang kabayaran.
27 Sa pananampalataya'y iniwan niya ang Egipto, na hindi natakot sa poot ng hari: sapagka't nagtitiyagang tulad sa nakakita niyaong di nakikita.
28 Sa pananampalataya'y itinatag niya ang paskua, at ang pagwiwisik ng dugo, upang ang manglilipol sa mga panganay ay huwag silang lipulin.
29 Sa pananampalataya'y nagsipagdaan sila sa gitna ng Dagat na Mapula na gaya ng sa lupang tuyo: na nang subuking gawin ito ng mga taga Egipto ay pawang nangalunod.
30 Sa pananampalataya'y nangalagpak ang mga kuta ng Jerico, pagkatapos na makubkob na pitong araw.
31 Sa pananampalataya'y hindi napahamak na kasama ng mga manunuway, ang patutot na si Rahab, na tumanggap na payapa sa mga tiktik.
32 At ano pa ang aking sasabihin? sapagka't kukulangin ako ng panahon kung sasaysayin ko ang tungkol kay Gideon, kay Barac, kay Samson, kay Jefte; tungkol kay David, at kay Samuel at sa mga propeta:
33 Na ang mga ito, sa pamamagitan ng pananampalataya'y nagsilupig ng mga kaharian, nagsigawa ng katuwiran, nangagtamo ng mga pangako, nangagtikom ng mga bibig ng mga leon,
34 Nagsipatay ng bisa ng apoy, nangakatanan sa talim ng tabak, nagsilakas sa kahinaan, naging mga makapangyarihan sa pakikipagbaka, nangagpaurong ng mga hukbong taga ibang lupa.
35 Tinanggap ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli: at ang iba'y nangamatay sa hampas, na hindi tinanggap ang kanilang katubusan; upang kamtin nila ang lalong mabuting pagkabuhay na maguli:
36 At ang iba'y nangagkaroon ng pagsubok sa pagkalibak at pagkahampas, oo, bukod dito'y sa mga tanikala at bilangguan naman:
37 Sila'y pinagbabato, pinaglagari, pinagtutukso, pinagpapatay sa tabak: sila'y nagsilakad na paroo't parito na may balat ng mga tupa't kambing: na mga salat, nangapipighati, tinatampalasan;
38 (Na sa mga yaon ay hindi karapatdapat ang sanglibutan), na nangaliligaw sa mga ilang at sa mga kabundukan at sa mga yungib, at sa mga lungga ng lupa.
39 At ang lahat ng mga ito, nang sila'y mapatotohanan na dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi kinamtan ang pangako,
40 Na ipinaghanda ng Dios ng lalong mabuting bagay tungkol sa atin, upang sila'y huwag maging sakdal ng bukod sa atin.




Kabanata 12

1 Kaya't yamang nakukubkob tayo ng makapal na bilang ng mga saksi, itabi namang walang liwag ang bawa't pasan, at ang pagkakasalang pumipigil sa atin, at ating takbuhing may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin,
2 Na masdan natin si Jesus na gumawa at sumakdal ng ating pananampalataya, na siya dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagtiis ng krus, na niwalang bahala ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng luklukan ng Dios.
3 Sapagka't dilidilihin ninyo yaong nagtiis ng gayong pagsalangsang ng mga makasalanan laban sa kaniyang sarili, upang kayo'y huwag magsihina, na manglupaypay sa inyong mga kaluluwa.
4 Hindi pa kayo nakikipaglaban hanggang sa mabubo ang dugo, na nakikipagaway laban sa kasalanan:
5 At inyong nilimot ang iniaral na ipinakikipagtalo sa inyong tulad sa mga anak, Anak ko, huwag mong waling bahala ang parusa ng Panginoon, O manglupaypay man kung ikaw ay pinagwiwikaan niya;
6 Sapagka't pinarurusahan ng Panginoon ang kaniyang iniibig, At hinahampas ang bawa't tinatanggap na anak.
7 Na dahil sa ito'y parusa kayo'y nagtitiis; inaari kayo ng Dios na tulad sa mga anak; sapagka't alin ngang anak ang hindi pinarurusahan ng kaniyang ama?
8 Datapuwa't kung kayo'y hindi pinarurusahan, na pawang naranasan ng lahat, kung gayo'y mga anak sa ligaw kayo, at hindi tunay na anak.
9 Bukod dito, tayo'y nangagkaroon ng mga ama ng ating laman upang tayo'y parusahan, at sila'y ating iginagalang: hindi baga lalong tayo'y pasasakop sa Ama ng mga espiritu, at tayo'y mabubuhay?
10 Sapagka't katotohanang tayo'y pinarusahan nilang ilang araw ayon sa kanilang minagaling; nguni't siya'y sa kapakinabangan natin, upang tayo'y makabahagi ng kaniyang kabanalan.
11 Lahat ng parusa sa ngayon ay tila man din hindi ikaliligaya kundi ikalulungkot; gayon ma'y pagkatapos ay namumunga ng bungang mapayapa ng katuwiran sa mga nagsipagsanay sa pamamagitan nito.
12 Kaya't itaas ninyo ang mga kamay na nakababa, ang mga tuhod namang nanginginig;
13 At magsigawa kayo ng matuwid na landas sa inyong mga paa, upang huwag maligaw ang pilay, kundi bagkus gumaling.
14 Sundin ninyo ang kapayapaan sa lahat ng mga tao, at ang pagpapakabanal na kung wala ito'y sinoman ay di makakakita sa Panginoon:
15 Na pakaingatan na baka ang sinoma'y di makaabot sa biyaya ng Dios; baka kayo'y bagabagin ng anomang ugat ng kapaitan na sumisibol, at dahil dito'y mahawa ang marami;
16 Baka magkaroon ng sinomang mapakiapid, o mapaglapastangan, gaya ni Esau, na sa isang pinggang pagkain ay ipinagbili ang kaniyang sariling pagkapanganay.
17 Sapagka't nalalaman ninyo na bagama't pagkatapos ay ninanasa niyang magmana ng pagpapala, siya'y itinakuwil; sapagka't wala na siyang nasumpungang pagkakataon ng pagsisisi sa kaniyang ama, bagama't pinagsisikapan niyang mapilit na lumuluha.
18 Sapagka't hindi kayo nagsilapit sa bundok na nahihipo, at nagliliyab sa apoy, at sa kapusikitan, at sa kadiliman, at sa unos,
19 At tunog ng pakakak, at tinig ng mga salita; na ang nakarinig ng tinig na ito ay nagsipamanhik na huwag nang sa kanila'y salitain pa ang anomang salita;
20 Sapagka't hindi matiis ang iniuutos, Kahit ang isang hayop kung tumungtong sa bundok ay babatuhin;
21 At totoong kakilakilabot ang napanood, ano pa't sinabi ni Moises, Ako'y totoong nasisindak at nanginginig:
22 Datapuwa't nagsilapit kayo sa bundok ng Sion, at sa bayan ng Dios na buhay, ang Jerusalem sa kalangitan, at sa mga di mabilang na hukbo ng mga anghel,
23 Sa pangkalahatang pulong at iglesia ng mga panganay na nangatatala sa langit, at sa Dios na Hukom ng lahat, at mga espiritu ng mga taong ganap na pinasakdal,
24 At kay Jesus na tagapamagitan ng bagong tipan, at dugong pangwisik na nagsasalita ng lalong mabuti kay sa dugo ni Abel.
25 Pagingatan ninyong kayo'y huwag tumanggi sa nagsasalita. Sapagka't kung hindi nakatanan ang mga nagsitanggi sa nagbalita sa kanila sa ibabaw ng lupa, ay lalo pa tayong hindi makatatanan na nagsisihiwalay Doon sa nagbabalitang buhat sa langit:
26 Na ang tinig na yaon ay nagpayanig noon ng lupa: datapuwa't ngayo'y nangako siya, na nagsasabi, Minsan pang yayanigin ko, hindi lamang ang lupa, kundi pati ng langit.
27 At itong salita, Minsan pang, ay pinakakahuluganan ang pagaalis niyaong mga bagay na niyanig, gaya ng mga bagay na ginawa, upang mamalagi ang mga hindi niyanig.
28 Kaya't pagkatanggap ng isang kahariang hindi magagalaw, ay magkaroon tayo ng biyayang sa pamamagitan nito ay makapaghahandog tayong may paggalang at katakutan ng paglilingkod na nakalulugod sa Dios:
29 Sapagka't ang Dios natin ay isang apoy na mamumugnaw.




Kabanata 13

1 Mamalagi nawa ang pagibig sa mga kapatid.
2 Huwag ninyong limutin ang pagpapakita ng pagibig sa mga taga ibang lupa: sapagka't sa pamamagitan nito ang iba'y walang malay na nakapagpapatuloy ng mga anghel.
3 Alalahanin ninyo ang mga may tanikala, gaya ng kayo'y nangagagapos na kasama nila; ang mga tinatampalasan na gaya ng kayo naman ay tinatampalasan sa katawan.
4 Maging marangal nawa sa lahat ang pagaasawa, at huwag nawang magkadungis ang higaan: sapagka't ang mga mapakiapid at ang mga mapangalunya ay pawang hahatulan ng Dios.
5 Mangilag kayo sa pagibig sa salapi; mangagkasiya kayo sa inyong tinatangkilik: sapagka't siya rin ang nagsabi, Sa anomang paraan ay hindi kita papagkukulangin, sa anomang paraan ni hindi kita pababayaan.
6 Ano pa't ating masasabi ng buong tapang, Ang Panginoon ang aking katulong; hindi ako matatakot: Anong magagawa sa akin ng tao?
7 Alalahanin ninyo ang nangagkaroon ng pagpupuno sa inyo na siyang nangagsalita sa inyo ng salita ng Dios; at sa pagdidilidili ng wakas ng kanilang pamumuhay, ay inyong tularan ang kanilang pananampalataya.
8 Si Jesucristo ay siya ring kahapon at ngayon, oo at magpakailan man.
9 Huwag nga kayong padala sa mga turong sarisari at di kilala: sapagka't mabuti na ang puso ay patibayin sa pamamagitan ng biyaya; hindi sa pamamagitan ng mga pagkain, na di pinakikinabangan ng mga nagabala sa kanila.
10 Tayo ay may isang dambana, na hindi matuwid kainan ng mga nagsisipaglingkod sa tabernakulo.
11 Sapagka't ang mga katawan ng mga hayop na ang mga dugo'y dinadala ng dakilang saserdote sa dakong banal na handog na patungkol sa kasalanan, ay sinusunog sa labas ng kampamento.
12 Kaya naman si Jesus, upang mapaging banal sa pamamagitan ng kanilang sariling dugo ang bayan, ay nagbata sa labas ng pintuan.
13 Atin nga siyang labasin sa labas ng kampamento na dalhin natin ang kaniyang pagkadusta.
14 Sapagka't dito'y wala tayong bayan na namamalagi, nguni't hinahanap natin ang bayan na darating.
15 Sa pamamagitan nga niya ay maghandog tayong palagi ng hain ng pagpupuri sa Dios, sa makatuwid baga, ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kaniyang pangalan.
16 Datapuwa't ang paggawa ng mabuti at ang pagabuloy ay huwag ninyong kalimutan: sapagka't sa mga gayong hain ang Dios ay totoong nalulugod.
17 Magsitalima kayo sa namiminuno sa inyo, at kayo'y pasakop sa kanila: sapagka't pawang nangagpupuyat dahil sa inyong mga kaluluwa, na parang sila ang mangagsusulit; upang ito'y gawin nilang may kagalakan, at huwag may hapis: sapagka't sa ganito'y di ninyo mapapakinabangan.
18 Idalangin ninyo kami: sapagka't kami'y naniniwalang lubos na kami ay may mabuting budhi, na nagnanasang mabuhay na marangal sa lahat ng mga bagay.
19 At iniaaral ko sa inyong malabis na inyong gawin ito, upang ako'y masauli na lalong madali sa inyo.
20 Ngayon ang Dios ng kapayapaan na muling nagdala mula sa mga patay sa dakilang pastor ng mga tupa sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan, sa makatuwid baga'y ang Panginoon nating si Jesus,
21 Ay pakasakdalin nawa niya kayo sa bawa't mabuting gawa upang gawin ang kanyang kalooban, na gawin sa atin ang nakalulugod sa paningin niya, sa pamamagitan ni Jesucristo; na mapasa kaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa.
22 Datapuwa't ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na inyong pagtiisan ang salitang iniaral: sapagka't kayo'y sinulatan ko ng ilang salita.
23 Inyong talastasin na ang ating kapatid na si Timoteo ay pinawalan na; na kung siya'y dumating na madali, kayo'y makikita kong kasama niya.
24 Batiin ninyo ang lahat ng mga namiminuno sa inyo, at ang lahat ng mga banal. Kayo'y binabati ng nangasa Italia.
25 Ang biyaya'y sumainyo nawang lahat. Siya nawa.